05 March 2012

Ang lumpen-proletaryado, lumalalang krimen sa UPLB at mas malalang krisis-panlipunan

Bago matapos ang taong 2011, natagpuan ang katawan ng ginahasang estudyante sa may laylayan lamang ng UP Los Banos. At nitong Pebrero naman, nabalita ang panggagahasa sa isang highschool student; kasunod ang panghoholdap at pananaksak sa isa na namang estudyante ng UPLB nitong unang linggo ng Marso. Sa loob ng limang buwan, tatlong kaso ng pagpatay at krimen na agad ang naitala. Sa lahat ng ito, biktima ang mga estudyanteng petiburges. Kaugnay ng nakaaalarmang pagtaas ng kriminalidad ang lalo pang pagkapit sa patalim ng mga tinatawag na lumpen-proletaryado.

"Dahil maraming walang hanapbuhay sa kalunsuran at kanayunan, patuloy na lumalaki ang lumpen-proletaryado. Latak ng lipunang Pilipino ang saray na ito. Ang paglitaw nila ay resulta ng sapilitang kawalan ng magawa [at ng hanapbuhay]. Binubuo sila ng mga magnanakaw, maton...at iba pang elementong nabubuhay sa gawaing antisosyal." (Guerrero, 1970)

Palatandaan ng lumalalang krisis-panlipunan ang pagdami ng mga kawatan sa komunidad. Biktima ng mga kriminal ang mga walang muwang na estudyanteng napatay. Biktima naman ng lipunan ang mga lumpen-proletaryadong umutas sa buhay nila.

27 February 2012

Pag-ibig sa huling yugto ng monopolyo kapitalismo (Part 1)

Posible pa rin palang umusbong ang pinakamatamis na pag-ibig sa pinakamararahas na kondisyon. Nagkaroon ng pintig ang pag-ibig natin sa gitna ng pinakahuli't nabubulok na yugto ng kapitalismo--sa panahon ng oil price hike, tuition and other fee increases at konsumerismo, kasabay ng tumataas na bilang ng mga kaso ng panunupil sa karapatang-tao, pagdukot at pagpatay.

Nagkakilala tayo sa panahon ng pag-usbong ng mga instant messenger at social networking site. Sa isang burgis na set-up, pinagdugtong ng kuryente, bytes, at text messages ang buhay natin.

Sa loob ng halos limang taon, magkahawak-kamay tayo sa isang burgis na relasyon. Pero masasabi kong mas malalim nating nakilala ang isa't isa nang ipinailalim natin ang mga personal na batayan sa mas malawak at dakilang layuning pambansa-demokratiko. Inibig natin ang isa't isa habang mulat tayong nakikipagtalik sa bayan.

31 January 2012

Problemang Peti-B: Paano haharapin ang kinabukasang walang katiyakan?

Wala na yatang ibang sasaklaw sa ligalig na pinagdadaanan ng mga kabataang petiburges liban sa "Awit ng Petiburges" (sinasabing sina Bong Ramilo at Rene Agbayani raw ang lumikha at orihinal na pamagat raw nito ay "May Panahon"). Sabi sa kanta:
Buhay na nagisnan, puno ng ginhawa
Buhay na kumupkop, di yata makakayang iwan
Buhay na kay hirap, bagay na di gagap
Bukas o nakaraan, saan nga ba ang patutunguhan  
Nagugulhan ba ako ngayon
Naghihitay na sila roon  
May panahong magduda’t magtanong
Ngayo’y panahon ng pagharap at pagsulong
Pagtatanong ay huwag lubayan
Tunggalian ay walang katapusan


Aking mga mata, malinaw ang nakita
Luha ng kapatid, dusa na di napapatid
Diwa ay natalos, humayo at kumilos
Tawag ng pangangailangan
Di na matatalikuran


At ang bisig ko’y handa na ngayon
At makakayang iwan ang noon  
May panahong magduda’t magtanong
Ngayo’y panahon ng pagharap at pagsulong
Pagtatanong ay huwag lubayan
Tunggalian ay walang katapusan 
Mabuway ang mga kabataan, sabi nga ng mga matatanda. Mabuway ang ating hanay dahil para tayong pendulum na pakaliwa't pakanan, paroo't parito kung mag-isip, hindi makapagdesisyon nang tiyak--magtatrabaho na lamang ba, magpapaalila sa mga korporasyong multinasyunal, o tatalikdan ang "magagarang oportunidad" para pagsilbihan ang sambayanan? Magko-call center ba, mag-a-abroad? O lalahok sa malawak na organisasyong-masa? Hahawak ba ng armas kung kinakailangan?

20 December 2011

Hindi tayo titigil sa pagsusulong ng mga pinakabatayang karapatan

Sa isang inosenteng tweet, hindi sinasadya ng istarlet na ibuking kung anong pinagkakaabalahan ni Pangulong Noynoy Aquino sa panahong inaanod ang mga katawan ng mga biktima ng bagyong Sendong sa Mindanao. Nakakadismayang malamang nasa party ang napakasipag na pangulo sa halip na dapat ay inaabala niya ang kanyang sarili sa pagmomonitor sa pangkalahatang sitwasyon sa katimugang bahagi ng bansa noong mga panahong iyon. Marami ang nagpahayag ng pag-aalala sa ganitong aktitud ng pinuno sa pagharap sa mga problemang nangangailangan ng kagyat na atensyon. Mula sa mga propesor, estudyante, at karaniwang mamamayan ay nakatanggap pa nga ng puna ang magaling na presidente.

Kasunod naman ng ganitong sakuna ang karaniwang reaksyunaryong tugon ng mga nagmamalasakit sa kabababayan. Kaliwa't kanan ang mga tele-marathon ng mga higanteng TV networks. Kung saan-saang bank accounts ng mga charitable institutions at foundations ng mga mayroong 'corporate social responsibility' inaanyayahan ang mga taong magpaabot ng kanilang tulong. May diin pa nga sa pagbibigay ng mga donasyong pinansyal. Iniyayabang ang ganitong gawi sa iba't ibang paraan--sa mainstream media, sa TV, maging sa mga social networking sites tulad ng Twitter. Anila'y maigi nang umaksyon kaysa pumuna. Sa mga tweets pa nga ni Carlos Celdran, iginigiya ang tao sa baluktot na malasakit sa pamamagitan ng pagsasabing "Don't dwell too much on the Noy/PSG party y'all. It's not gonna help CDO and Iligan in the long run. Seriously." May mali at kapuna-puna ba sa komento ni Celdran?

07 December 2011

Hindi pa gasgas ang Sining: Hinggil sa NASAAN? II*

“It is an oxymoron to say that a counter-insurgency program is respectful of human rights... The ordinary folks, whom the President referred to as his boss, are the victims of Oplan Bayanihan—they were displaced from their homes and communities, harassed, arrested and detained, tortured and killed.” –Marie Hilao-Enriquez, Secretary-General, KARAPATAN

Tikom ang bibig ng kasalukuyang rehimeng US-Aquino sa dumaraming bilang ng paglabag sa karapatang-tao at pampulitikang pamamaslang. Habang pinapuputok ang mga baril na kumikitil sa buhay ng mga naghihirap at pinagkaitan at sa mga nagtatanggol sa kanila, tila nakapasak ang mga earphones (na ginagamit para di maabala sa paglalaro ng PSP) sa tainga ni PNOY—nilulunod ang sarili sa background music ng videogame at nagbibingi-bingihan sa pangkalahatang daing ng mga mamamayan.

Sa pagsisimula pa lamang ng kanyang pamumuno ay agad na pinalaya ang mga sundalong Magdalo sa bisa ng conditional amnesty. Samantalang hindi pinagbigyan ang iginigiit na general, unconditional and omnibus amnesty ng mga bilanggong politikal.