2009/11/13

Mga Babala ng Biyernes Trese

Noong isang araw lang, natagpuan sa isang gasoline station sa Mindanao ang pugot na ulo ng principal na dinukot. Kahapon, nakangiting sinalubong ng Irish Columban priest na si Sinnot ang kagalang-galang na presidenteng Gloria Arroyo. Naganap ito ilang oras bago lumapag ang sinakyang eroplano ng US State Secretary na si Hillary Clinton, na ayon sa The Evening News (TV5) ay naging kaklase pala ni Gloria sa Georgetown. Kaninang umaga, mainit ang naging pagtanggap ng mga estudyante mula sa iba't ibang pamantasan kay Clinton. Parang piyesta ng mga call center agents. Umaalingawngaw ang American English ng mga news anchors na nag-interbyu kay Clinton habang iwinawagayway ang bandila ng Estados Unidos sa kanilang likuran.

Samantala, inaasahan namang tataas ang presyo ng langis pati na rin ng mga pangunahing bilihin sa sandaling alisin na ng Malakanyang ang EO 839, para makabawi ang mga kapitalista sa limpak-limpak na salapi sanang tutubuin nila. Puspusan na ang paghahanda ni Pacquiao sa kanyang laban kay Cotto, at sa pag-eensayo para sa kanyang concert sa Las Vegas matapos ang bakbakan. Umaariba na rin sa pagsa-shopping si Aling Dionesia, dahil ayon sa balita, naiwan n'ya daw sa eroplano ang kanyang salamin ('yung para sa mata). Mamayang gabi, gaganapin ang Manila leg ng concert ng mga Star Magic stars sa Araneta. Huling gabi na rin ng Survivor Philippines Palau at malalaman na ng taumbayan kung sino ang tatanghaling Pinoy sole survivor.

At, oo nga pala, hindi pa rin humuhupa ang baha sa maraming bayan sa Laguna, mahigit isang buwan pagkaalis ni Ondoy sa Philippine area of responsibility.

Ito ang mga babala ng ating panahon (at least, ng araw na ito).

Sabi ni Pico Iyer (nabasa ko sa isa sa mga sanaysay ni Soledad Reyes sa kanyang aklat na From Darna to ZsaZsa Zaturnnah: Desire and Fantasy) ang mga Pilipino daw ay may kakayahang magkaroon ng matinding pananalig na ang mundo ay maaaring mabago at maging maayos sa pamamagitan ng awit na "We Are The World." "Happy innocence" ang tawag n'ya rito.

Sa matagumpay na pagpapalaya kay Sinnot, sa pagdating ng blonde and blue-eyed na si Hillary, sa inaasahang pagkapanalo ni Pacman, alangan namang hindi tayo maging masaya? Ang pagiging masyadong masayahin ng mga Pilipino, at ang pagiging makakalimutin (o manhid) ang binansagan namang "pambansang amnesia" ni Lourd de Veyra sa kanyang segment sa The Evening News.

Kasintamis ng ngiting nakalarawan sa mga pintura ni Fernando Amorsolo ang gumuguhit sa ating mga mukha sa tuwing mananalo si Pacman, halimbawa. Taong 1966 nang unang malathala ang "The Mis-education of the Filipino" ni Renato Constantino. Sinabi niya, "It is interesting to note that during the times that the school attempts to inculcate an appreciation for things Philippine, the picture that is presented for the child's admiration is an idealized picture of a rural Philippines, as pretty and as unreal as an Amorsolo painting..."

Oo, masyado tayong masayahin, tulad ng mga pintura ni Amorsolo, ipinagmamalaki pa nga natin ang katangiang ito sa buong mundo. Pero masaya ba talaga tayo?