2009/11/12

Pagbebenta ng Ligaya: Ang "Happiness" sa Ilang TV Ads

Sa patalastas ng Nestea, sa pamamagitan ng nakaaaliw na jingle at choreography ipinamumukha ang kaligayahang maaaring matamo ng konsyumer. Wika ng mga mananayaw na gumaganap na maybahay, "I-bottomless ang saya." Walang hanggang saya ang ipinapangako nila.

Samantala, bukambibig naman sa mga patalastas ng Coca-cola ang "Open Coke, open happiness." Halos kalahating milyong piso para sa placement ng TV ad na ito ang itinaya ng dambuhalang kumpanya para maya't maya ay ipaalala sa mga manonood na sa bawat bote ng Coke, tiyak nilang mararanasan ang saya, kagaya ng ipinapakita ng maralitang mag-anak sa naturang patalastas, na kahit ang ama ay walang kita, at ang anak ay walang mahanap na trabaho, liligaya ang buhay basta't may Coca-cola sa hapag.

Ganitong konsepto rin ang ipinangangalandakan ng iba pang mga TVC tulad ng Argentina corned beef. Nakangiting inihahayag ng endorser, "Mas marami, mas masaya." Kung pupunuin mo ng processed carcinogen ang iyong cupboard, mas magiging masaya ba ang buhay? "Beauty is joy of life" naman ang ibinabandera ng bagong produkto ng Nivea. Akmang-akma sa slogan nila ang pangalan ng produkto, Nivea Happy Time. Hindi mga bitamina, dagdag na moisturizing ingredients, o anumang kemikal na pampaganda ang ipinapangako ng Nivea Happy Time. Ibig sabihin, kung ipapahid ko sa aking katawan ang lotion na ito, orgasmic ba ang kaligayahang matatamo, gaya ng ipinapakita ng babaeng naglululundag sa sobrang kasayahan sa kanilang commercial?

Common denominator ng mga nabanggit na patalastas ang lantarang pagbebenta ng abstrakto at cerebral na konsepto--ang ligaya/sayang ipinararanas sa mamamayan. Tunay na postmodern dahil hindi na ang mga materyal at kongkretong katangian ng mga produkto ang selling point, at maaaring hindi na rin mismo ang produkto ang inilalako. Pinalalabo ng mga ganitong communication mode ang batayang (criteria) maaaring gamitin ng mamimili sa pagbili ng produkto. Halimbawa, sa pagpili ng inumin, ang ilalagay ko ba sa aking grocery basket ay 'yung matamis at malasa, o 'yung nangangakong ako ay liligaya at pansamantalang (o tuluyan)makalimot sa lupit ng buhay? Dagdag pa, ang ligaya/saya ba ay tiyak na nasusukat? Masasabi ba ng konsyumer na ang Brand X ay 70% mas nakapagbibigay-ligaya kaysa sa Brand Y? Kung sa ganitong paraan hinuhubog ng mga TV ads ang kamalayan ng tao, malinaw na ginagawa nila tayong bobo.