2009/11/12

Bakit Kailangang Magbasa?

Ang pagbasa ay hindi lamang tumutukoy sa isa sa apat na makrong kasanayan sa pakikipagtalastasan (gaya ng itinuturo ng mga kilalang pamantasan), ito ay di lamang sa proseso na nagsisimula sa paglapat ng paningin sa nakalimbag (o nakaguhit) na mensahe, pag-unawa sa kahulugan ng mga salita, at pagbuo ng ideya (o aral) mula sa binasa, gaya ng laging nakasaad sa mga teksbuk na inilalako sa mga pribadong unibersidad. Ang pagbasa ay pagkakataon para lumikha ng kahulugan, pagkat ang paglikha ng kahulugan, ayon kay Reyes (2006) ay responsibilidad na nakaatang di lamang sa manlilikha kundi sa mambabasa. Giit ni Reyes, "Ang kritiko/mambabasa ay buong layang lumilikha ng mga kahulugan sa kanyang pagbabasa ng akda" (1989). Kaya lang, paano ba magbasa?

Marami nang thesis, disertasyon, at aklat na naisulat hinggil sa mga popular na nobelang Tagalog, halimbawa (kasama dito ang mga pag-aaral nina Soledad Reyes at Benilda Santos), at marami pa ring interesado sa pag-aaral sa mga ito. Pero bakit hanggang ngayon, itinuturing na kalokohan at walang kwenta ang pagtangkilik sa mga ganitong babasahin. Katunayan, hindi tinitipon ang ganitong klase ng babasahin sa mga aklatan ng mga pamantasan. Hindi raw Literature (malaking titik "L") ang mga ito. Kung gano'n nga, bakit marami pa ring nagbabasa ng mga popular na nobelang Tagalog? May mga movie and TV adaptation pa nga (halimbawa, Precious Hearts Romance sa ABS-CBN).

May pormulang sinusunod ang mga sumusulat ng popular na nobelang Tagalog. Nakasandig sa pormulang ito ang mga namumuhunan. Hindi maaaring lumihis sa itinakda dahil isinasaalang-alang nila ang kanilang tutubuin. Tuloy, parang tanga ang mga taong bumibili ng mga babasahing ito dahil paulit-ulit lamang ang daloy ng kwento ng mga ito. Pero sino ba namang nasa matinong pag-iisip ang papayag na tawagin siyang tanga o bobo?

Kung hindi mababago ang pormula (dahil sa layunin ng mga naghaharing pwersa na mapanatili ang status quo), sa palagay ko, ang kailangang gawin ay matutong magbasa, maging matalino sa pagbasa. Hinihiling ng kasalukuyang panahon na maging mas mapanuri ang mambabasa, na ang pagbasa ay maging daang tungo sa pagpapalaya ng sarili, pagpapalaya ng bayan.

Tinatangka ng blog na ito na tumugon sa hamong maging mapanuri. Sa panahong hindi tayo lulubayan ng mga "walang kawawaang" babasahin, panoorin, at kultura, paano makahuhulagpos ang mamamayan? Hindi naman posibleng huwag nang manood ng TV, umiwas sa mga pelikula, billboard, at komiks, o magpakamatay na lang. Ang kailangang gawin, magbasa.

Umaasa akong sa pamamagitan ng blog na ito (o ng mga writing exercises na nandito) ay maisakatuparan ang aking mga tungkulin at responsibilidad bilang guro/tagapagmulat at pasibol na manunulat/manunuri, at makapag-ambag tungo sa ganap na pagbabago at pagkakapantay-pantay. Sa blog na ito, susubuking pagaanin ang tila mabigat at matayog na tungkulin ng kritiko para sa mga ordinaryong mambabasa (partikular sa mga estudyanteng muli sa uring mababang peti-b, manggagawa at magbubukid).

Sa puntong ito, gusto kong ibahagi ang sinabi ni San Juan (2004):
Sa panahong ito, ano ang tungkulin ng manlilikhang may progresibong pananaw? Una, dapat niyang mabatid na ang sining ay nag-uugat sa nagtatagisang lakas ng mga uri sa lipunan. Kung hindi man siya pumipili ng uring papanigan, pipiliin siya, sa ayaw man niya o sa gusto. Pangalawa, layunin niyang itaguyod at pagyamanin ang sensibilidad na pangkasaysayan, ang imahinasyong pangkasaysayan na nagdiriin sa pagbabago at pag-iiba ng kapaligiran bunga ng kontadiksyon na siyang pinagmulan ng walang-humpay na kilos o galaw ng mga pangyayari. (San Juan, 2004)

Mga Sanggunian

Reyes, Soledad. 2006. "Ang Pagbasa Bilang Paglikha." Kilates: Panunuring Pampanitikan ng Pilipinas. Rosario Torres-Yu, pat. Lungsod Quezon: UP Press.

San Juan, E. Jr. 2004. "Ang Sitwasyon ng Manlilikha sa Panahon ng Pagbabagong Pambansa." Himagsik: Pakikibaka Tungo sa Mapagpalayang Kultura. Maynila: DLSU Press, Inc.