2009/12/18

Sa Panggagagad ni Michelle Obombshell

(Sa symposium na GlowJob: Setting the Spotlight on Philippine Stand-up Comedy [2007], tinalakay nina Prof. Augustus Anonuevo at Leslee Natividad ng Department of Social Sciences, UP Los Banos, di lamang ang pag-usbong at pagyabong ng larangang stand-up comedy sa Pilipinas, kundi ang relasyon nito sa politika ng bansa. Paano ba maaaring gamitin ang stand-up comedy sa pagpapanatili o kaya'y pagpapalaganap ng isang kaisipan o ideolohiya?)

Panahon ng Martial Law nang makilala sa larangang ng stand-up comedy si Willie Nepomuceno. Ginamit niya ang kanyang natatanging talento hindi para magpatawa o mabigay-aliw kundi para isulang ang pagbabago at makabayang kaisipan lalo na sa panahon ng Batas Militar. Naging epektibo ang gawaing ito sa pagpapakita kung gaano karepresibo ang pamahalaan ni Ferdinand Marcos.

Sa kasalukuyang panahong nakararanas pa rin ng represyon ang bansa, sa ilalim naman ni Gloria Macapagal-Arroyo, nariyan sina Rene Boy Facunla at Michael V., dalawa sa mga popular na personalidad na nanggagad sa presidente. Sa mga comedy bars at guesting sa ilang TV shows nagpapamalas ng talento si Rene Boy, samantalang may sariling gag show naman si Michael V. sa GMA7. Sa aking palagay, mas epektibo sa paggagad si Michael V. sapagkat nahahagip niya ang mga isyung politikal tulad ng walang kamatang pork barrel at Cha-Cha (pati na rin Con-Ass, sa ilang mga episode ng Bubble Gang). Bagamat hindi gaanon ka-specific at maiksi ang oras na inilalaan ng naturang gag show sa pagtalakay sa mga ganitong isyu, mas malawak ang masang naaabot, dahil na rin sa kapangyarihan ng mass media. May pagtatangka ring maging kritikal ang bawat pagganap ni Michael V. bilang pinakamaliit ngunit pinakamakapangyarihang namumuno sa Pilipinas. Kumpara kay Michael V., iniiwasan namang magpakakritikal ni Rene Boy o Ate Glow sa telebisyon (hindi ko lang alam kung may pagtatangka siyang maging politikal sa kanyang mga live shows). Tanging ang hitsura at kilos laman ni Gloria ang kanyang namaster. Sa kanyang mga pansamantalang espasyo naman sa iba't ibang TV program, halatang wala siyang balak samantalahin ang pagkakataon para maipamulat o pahapyaw na maipakita man lang ang kalagayan ng mga Pilipino sa ilalim ng pamumuno ng kanyang ginagaya.

Kabaligtaran ni Ate Glow si Michelle Obombshell. Kitang-kita ang kaibahan nila sa tuwing pinagsasalpok ang dalawang impersonator sa telebisyon. Sa Cool Center (GMA7) halimbawa, ipinakita ni Michelle Obombshell kung paano maaaring ilangkap ang mga usaping politikal sa kanyang mga punch lines. Nariyang ikinukuwento ni Obombshell kung gaano kabaho at karumi ang Pilipinas na nadatnan niya nang dumating siya sa Pilipinas. Natutuhan niya raw ang mga salitang "amoy putok" at "patay-gutom," at nakasalamuha raw ang mga iskwater. Sa palabas ding ito unang nagtagpo ang landas nila ni Ate Glow. At ang sabi niya sa presidenteng may nunal, "You are welcome at the White House. You can sleep in our bedroom and then you serve us breakfast." Sa The Sweet Life (QTV11) naman, inimbitahan ni Ate Glow si Obombshell sa Malakanyang at sa ngalan ng Filipino hospitality, sinabi pang "I will cook for you." At ito naman ang naging sagot ni Obombshell: "You come to the White House, you cook for me."

Malinaw ang pagtatangka ng impersonator at stand-up comedian na si Michelle Obombshell na manggagad o uyamin, hindi lamang ang Imperyalistang Estados Unidos na umaalipin sa mga Pilipino, kundi lalo't higit, ang pamahaan ni Gloria Macapagal-Arroyo sa kawalang-aksyon nito para maibsan man lang ang kalagayan ng bansa, partikular ang sitwasyon ng mga maralitang mamamayan (na nadatnan ni Michelle Obombshell sa kanyang "pagbisita") at mga OFW at iba pang OFW na tinatratong alipin ng mga industriyalisadong bansa (sa pag-uutos ni Michelle Obombshell na "ipagluto" siya ng mismong presidente ng Pilipinas).

Pinatutunayan ng panggagagad ni Michelle Obombshell kung paanong magagamit ang stand-up comedy sa paraang ginawa rin ni Willie Nepomuceno. Kailangan lang niyang maging mas matalas at mas kritikal para masapul ang iba pang mahahalagang isyung bumabalong sa pagkabansa at pagka-Pilipino natin.