2009/12/03

Talentado

Lahat ng malalaking TV networks sa Pilipinas ngayon, may kani-kanilang talent show na ibinibida bilang "the first" o "the original." Nariyan ang Talentadong Pinoy ng TV5, na pinangungunahan ni Mr. Judy Santos bilang host. Samantala, mayroong Kakaibang Bida ang Eat Bulaga sa GMA7, na agad rin namang napalitan ng Kahit Sino Puwede o KSP, bukas sa mas maraming klase ng talento. Bukod dito, mayroon ding kahawig na segment ang TV program ni Manny Pacquiao na Pinoy Records, at ito ay ang Pinoy Extreme Talent o PET. Nariyan din ang Bitoy's Showwwtime ng komedyanteng si Michael V. Hindi magpapahuli ang ABS-CBN2. Kamakailan lang ay nasimulan nang iere ang Showtime na pinangungunahan ng dancer turned TV host Vhong Navarro at child star turned young sexy starlet Anne Curtis. Gaya ng kalabang network, hindi pa makukuntento ang Kapamilya channel sa isang talent show lamang kaya't kinuha nila ang sikat na TV franchise na Pilipinas Got Talent (mula sa UK's Got Talent).

Dati nang mahilig manood at sumali sa mga talent show ang mga Pinoy. Sa katunayan, sa bawat bayan, siguradong mayroong amateur singing contest, dance showdown, o battle of the bands na idinadaos at inoorganisa ng mga opisyal ng barangay o ng munisipyo kundi man ng Sangguniang Kabataan. Sa mga paligsahang ito, rekisito ang pagkakaroon ng talento. Kailangang mayroon kang ibubuga. Butas ng karayom ang dinaraanan ng mga lumalahok sa mga ito. Kadalasang pambili ng bigas, pang-tuition, o kaya'y pambayad sa opistal ang pinupuntahan ng perang napapanalunan ng mga sumasali rito.

Ngayon, hindi na simpleng talento sa pag-awit, pag-indak, o pagtugtog ang hinihingi ng mga sikat na talent shows. Hindi na paglusot sa butas ng karayom ang usapan; kung kailangang literal na nguyain at lunukin ang karayom, gagawin ng contestant, para lamang tanghaling "talentado," "kakaiba," at "nakaaaliw." Karaniwan na ngang makakita ngayon sa telebisyon ng mga babaeng naglalaro ng apoy habang kumekendeng, mga lalaking nagbabaluktot ng kabilya (bakal na mahaba) sa pamamagitan ng leeg, mga toddlers na naghe-headspin at breakdance. Handa nilang isubo ang sarili sa kahihiyan (o kawalan ng kahihiyan) at kapahamakan (o kamatayan) para mapanalunan ang cash prize na maaaring ipambili ng bigas, ipang-tuition, at ipambayad sa ospital.

Kinakarir ng mga higanteng TV networks ang ganitong uri ng panoorin. At kinakagat ito ng mga advertisers. Nasisikmura nilang pagkakitaan ang kahirapang nararanasan ng nakararami para lamang "maaliw" ang mga manonood at ang kanilang mga sarili. Nakaaaliw nga naman ang magkamal ng limpak-limpak na tubo. Nasisikmura nilang pagkakitaan ang mga walang laman ang sikmura.