2010/01/10

Binaliktad Mo Ang Mga Titik Sa Iyong Pangalan


Palaging sinasabi sa mga parangal na hindi nasayang ang buhay ng mga kasamang minartir ng lipunan. Pinakamataas na pagkilala ang igagawad sapagkat buhay ang inalay para sa mga masang api. At saka sasabihin sa iyo ang gasgas na linyang "Katawang lupa lamang niya ang nawala. Pero patuloy siyang nabubuhay sa ating alaala, pagkat ang dugo ng martir ang lalong nagpapaalab sa pakikibaka."

Pero may isang kaibigan ang nagkuwento, kapag ikaw na pala mismo ang namatayan, anumang salita at rason ay di makasasapat para ibsan ang pinaghalong lungkot at galit na nadarama. Parang mapurol na kutsilyong tatarak sa dibdib mo ang mga papuri at pakikiramay. Maigi pa kung matalas ang talim, masusugatan ka nang di nasasaktan. Totoo pala.

Nakasama kita dahil tinawag mo akong kasama. Kahit hindi naman talaga tayo malapit sa isa't isa. Ang nag-uugnay sa atin ay ang prinsipyong pinaniniwalaan natin, ang prinsipyong nag-akay sa iyo sa kanayunan, ang prinsipyong hawak ko pa rin ngayon gayong bundok at kapatagan ang layo mo sa akin. Ngayon, ang prinsipyong ito pa rin ang nag-uugnay sa atin, lalo na't buhay at kabilang-buhay ang pagitan natin.

Sabi ko nga, hindi naman tayo magkaibigan. Pero tinawag mo akong kasama. Naaalala ko nung hindi pa tayo magkakilala. Palagi kang nasa Student Union Building, sa loob ng University Food Service, nakangiti kang kumakain ng spaghetti'ng wala namang lasa.

Naalala ko nung una kitang makilala. Sa isang pulong, nagpakilala kang "Aaron," kahit hindi naman talaga ito ang pangalan mo. Ako? Nakalimutan ko na kung anong pangalan ang ginamit ko noon.

Naaalala kong palagi mo akong binibiro sa Humanities Steps kapag dumadaan ang lider ng Espaleklek. Tuloy, namumula ang aking mga pisngi, pati tenga. Pagkatapos, sabay tayong tatawa.

Naaalala kong maraming nagkakagusto sa iyo, mga babae't lalaki. Campus hottie ang tawag nila sa iyo. Palibhasa'y gwapo ka na, matalino pa. Kapag ikaw ang may hawak ng mikropono o ng megaphone, maraming nakikinig.

Naaalala ko pa, tayong dalawa ang nanguna sa mga programa sa harap ng Humanities at ng Board of Regents, para harangin ang noo'y napipintong ikatlong termino sa pagkatsansilyer ni David.

Naaalala ko pa nung umalis ka na. Sumugod ang nanay mo sa apartment ng isang kasama (nandoon ako), hinahanap ka. Hindi ka yata nakapagpaalam nang maayos sa mga magulang mo? Naaalala ko, umiiyak ang nanay mo.

Naaalala ko, nang mapanood ko ang kontrobersyal na documentary ng ABC5 (ngayo'y TV5 na). May suot kang maputik na bota, may bitbit kang lumang armalite. Ibinahagi mo kung bakit marami at dadami pa ang mga kabataang hahawak ng armas.

Binaliktad mo ang pagkakasunud-sunod ng mga letra sa iyong pangalan. Katwiran mo kasi, masyadong common ang "Ian." Simula noon, tinawag kang "Nai" ng mga kasama at kaibigan. Corny kang babanat ng "Nai, para naiiba."

Sinubukan mo ring baliktarin ang tatsulok.

Hanggang sa muli, Ian Maderazo (1983-2010)