2010/01/05

Feminized, Hindi Feminist

Itinuturing na isa sa pinakamahahalagang diskurso ngayon ang usaping “globalisasyon.” Maraming mga theorists ang aktibo sa kasalukuyan sa pagkukuro at pag-aaral ng sosyo-politikal at sosyo-kultural na genesis at implikasyon ng globalisasyon. Kabilang sa mga ito sina Rob Wilkie, E. San Juan, Jr., Joseph Stiglitz, at iba pa. Sistematikong iniuugnay at iniaangkop nila ang mga klasikong teoryang politikal, gaya ng klasikong Marxismo at Leninismo, sa kasalukuyang sitwasyong panlipunan. Nagsasanga-sanga ang mga pag-aaral na ito tungo sa iba’t ibang kaugnay na aspekto. Isa sa mga pinagsasangahan nito ang literatura.

Sa Pilipinas, isa si Michael Andrada sa nagkaroon ng sa tingin ko’y napakamakabuluhang pag-aaral kaugnay ng usapin sa globalisasyon. Sa kanyang sanaysay na “Chipaparu at Pukitakte: Tulansangang Sekswal, Pangmadalang Midya, at ang Industriya ng Kulturang Popular,” nagkaroon siya ng inisyal na pagtalakay sa globalisasyon, partikular sa “feminisasyon ng globalisasyon,” tumutukoy sa proseso ng pagtatanghal sa anumang object na ginagawang kapital para sa layuning ekonomik at politikal ng mga naghaharing puwersa. Ginamit niyang sangkalan ito sa pagpapaliwanag kung paanong kinokontrol at kinakasangkapan ng monopolyo kapitalismo, sa tulong ng mga burgesya kumprador, ang globalisasyon (na ayon kay Wilkie ay katumbas ng imperyalismo2), para magtaguyod at magpanatili ng kulturang dekadente. Central focus ng kanyang papel ang “makapal na lubid na nagdurugtong sa mga tulansangan...at sa mga produkto ng industriya ng kulturang popular na kadalasang inilalako sa pangmadlang midya.”3

Sa pag-aaral ni Andrada, binanggit niyang pangunahing target ng mga kapitalista ang politikang seksuwal1 para sa kanilang layunin. Ito ay naisasagawa sa pamamagitan ng “feminisasyon ng globalisasyon.” Sapagkat ang pokus ni Andrada ay mga tulansangan, hindi gaanong naipaliwanag ang kung ano at paano nagaganap ang feminisasyon. Ito ngayon ang layunin ng papel na ito. Tungkulin ng papel na itong maipaliwanag sa pinakasimpleng paraan kung ano ang feminisasyon at kung paano ito gumagana. Tutukuyin din sa papel na ito kung sino ang mga nakikinabang sa prosesong ito. Isasaalang-alang din kung ano kaya ang mga posibleng implikasyon ng “feminisasyon ng globalisasyon” sa pagtuturo ng literatura sa elementarya, sekundarya, at sa kolehiyo.

“Feminisasyon ng Globalisasyon”
Maaaring makapagdulot ng kalituhan (confusion) sa pag-unawa sa konsepto ng feminisasyon. Dahil magkatunog, maaaring ipagkamali ang feminisasyon bilang kamag-anak ng feminismo. Ang totoo, kontrapelo ang dalawa. Maituturing na eksaktong kabaliktaran ng feminismo ang feminisasyon. Kung sa feminismo, itinataguyod ang pagkakapantay-pantay ng lahat ng tao, babae, lalaki, at mga kabilang sa LGBT (lesbian, gay, bisexual, transgender), kaalinsabay ng pag-aangat sa estado ng mga kababaihan para maging kapantay ng mga kalalakihan, sa feminisasyon naman ay baliktad. Sa feminisasyon, nagiging makalalaki ang kaisipan at pananaw ng tao hinggil sa mga bagay na nasa paligid niya. Halimbawa, maaaring sabihing feminisado mag-isip kahit ang isang babae kung itinuturing niya ang sarili bilang isang taong hindi magiging ganap na maligaya kung walang lalaking darating sa buhay niya bilang “knight in shining armor” o kung naniniwala siya na ang pag-pose sa isang men’s magazine ay makatutulong sa kanya para maging “empowered.” Ang ganitong kaisipan ay naiangkop na rin sa konsepto ng globalisasyon. Sa katunayan, ayon kay Andrada, ang feminisasyon ng globalisasyon ay tumutukoy sa “intensibong proyekto ng globalisasyon sa paggamit sa katawan at imahen ng kababaihan bilang global na kapital. Sa feminisasyon ng globalisasyon, ang heyograpikal na ekspansyon ng merkado ay nanganguluhang ekspansyon ng pang-aalipin at pagsasamantala.”4 Ibig sabihin, hindi literal na produkto lamang ang ibinibenta ng mga kapitalista, kundi ang kaisipan at kulturang mapang-api at mapagsamantala. Sa feminisasyon, mas pinalalala ang kasalukuyang kaapihang nararanasan ng mga kababaihan lalo na sa isang patriyarkal na lipunan gaya ng Pilipinas. Halimbawa, sa mga patalastas na pantelebisyon, palagiang ginagamit ang katawan ng babae bilang metapora ng produktong ibinibenta. Sa ganitong paraan, hindi lamang ang retensyon sa isipan ng produktong ipinakita ang nagaganap, kundi, mas matindi, nagkakaroon ng pag-aakala ang tao na tamang itumbas ang imahen at katawan ng babae sa mga produkto.

Kaya’t kung papansinin, sa mga patalastas ng alak at sigarilyo (mga produktong ang pangunahong konsyumer ay mga kalalakihan), palaging ibinabandera ang katawan ng babae. Sa ganitong patalastas, itinatanghal ang babae bilang sex object, parang serbesang nakakapag-aliw sa lalaki. Sa mga patalastas naman ng sabong panlaba at toyo o suka, ang imahen ng babae bilang domestikada o pambahay, pasibo at sunud-sunuran, ang ibinabalandra. Sa pananaw ng mga feminista at mga kritiko, sa panahon ng globalisasyon mas lumalala ang kaapihan sa pamamagitan ng feminisasyon. Dahil sa globalisasyon, ang mundo, lalo na ang mga bansang “underdeveloped” ay nagiging playground ng mga kapitalista at doon, laro lamang para sa kanila ang pagsasamantala.

Implikasyon sa Pagtuturo ng Literatura
Ang mga tulansangan5 na kalimitang nililikha, inaawit, at nilalaro ng mga bata, ay isa sa mga pinaglulunduan ng feminisasyon. Ayon kay Andrada, makikita ito sa seksuwal na nilalaman ng mga tulansangan. Gayonman, iginiit ni Andrada na ang mga tulansangan ay mayroong malaking potensyal para magamit sa ideolohikal na pakikipagtunggali. Ibig sabihin, sa halip na balewalain, maaaring ituro ang mga tulansangan klase at ituring na mahalagang diskursong makatutulong para maunawaan ng mga mag-aaral kung paanong sa pamamagitan ng mga tulansangang ito (at ng iba pang produkto ng globalisasyon, ng kulturang popular, ng midya) ay maaaring makakuha ng baluktot at nabubulok na kaisipan o di kaya ay ng progresibong ideolohiya. Samakatuwid, matuturuan at lalong mahihikayat ang mga estudyante na maging kritikal sa mga bagay na sa inisyal na tingin ay parang walang kuwenta, ‘yun pala ay may mabigat na implikasyon sa kultura at politika.

Pahapyaw na ginapas ng papel na ito ang masukal na daang maghahawan ng landas tungo sa isang mas malawak at malalim pa sanang diskusyon hinggil sa feminisasyon ng globalisasyon, lalo na ‘yung may mahigpit na kaugnayan sa lokal na konteksto at kasalukuyang sitwasyon. Sa sanaysay na ito, ipinakilala sa pinakasimpleng paraan kung ano ang feminisasyon ng globalisasyon—isang malawak, sistematiko, at komprehensibong prosesong pinaaandar ng mga kapitalista para sa ekonomiko at politikal na ganansya. Hinihikayat (o mas akmang sabihing hinahamon) ng may-akda ng papel na ito ang mga guro sa kanilang mga estudyante sa elementarya at hayskul na iangkop at ipakilala ang mga konseptong tinalakay dito. Naniniwala ang may-akda na hindi sopistikado at “untouchable” na bagay ang usaping ito at mga konseptong binanggit dito. At hindi totoong hindi kayang unawain ng mga kabataan ang ganito “kalalim” na usapin. Sa katunayan, madali pa nga nila itong mauunawaan dahil ito ay isang bagay na hindi karaniwang tinatalakay sa loob ng bahay o sa apat na sulok ng klasrum—mga lugar na dapat sana ay entablado ng masaganang debate at balitaktakan, hindi ng mga walang lamáng sermon at utos lamang.

Mga Tala
1 Mahalagang basahin ang seminal na sanaysay ni Kate Millet, “Theory of Sexual Politics,” Sexual Politics (Granada Publishing, 1969).

2 Sa sanaysay ni Rob Wilkie, pinanindigan niyang ang globalisasyon ay katumbas ng imperyalismo, sa “Global Networks, Imperial Culture,” The Red Critique, No. 11, (2008).

3 Michael Andrada, “Chipaparu at Pukitakte: Tulansangang Sekswal, Pangmadlang Midya at ang Industriya ng Kulturang Popular,” Malay, Vol. 20, No.1, pinamatnugutan ni Raquel Sison-Buban (Maynila: De La Salle University Press), p. 43.

4 Ibid., p. 44.

5 Ibid., pp. 43-57.