2010/01/25

Napapanahong Pagbasa sa "Cory Aquino at Militarisasyon" ni Salgado

Inimbitahan ako ng Kapatirang Plebeians UPLB Curia noong Setyembre 2009 sa inorganisa nilang symposium, "Thou Shall Not Run: Ang Kultura at Lipunan Bilang Banta sa Pagkapangulo," ginanap sa NCAS Auditorium ng UP Los Banos. Ang nasa ibaba ay bahagi ng panayam na binigkas ko sa symposium na ito.

Sa paghahanap ko ng mga materyales para sa panayam na ito, nadiskubre ko ang inaalikabok na sanaysay ni Fr. Pedro Salgado, may pamagat na "Cory Aquino at Militarisasyon." Nasa sanaysay na ito ang sagot kung bakit hindi naman nagkaroon ng makabuluhang pagbabago sa buhay ng batayang masa sa ilalim ng panunungkulan ni Cory Aquino.


Noong isang linggo, nagmartsa ang mga magsasaka mula sa kani-kanilang probinsya tungo sa Department of Agrarian Reform at Mendiola. Isa sa mga itinampok ang ika-23 anibersaryo ng Mendiola Massacre. Totoong napapanahon pa rin ang isyu na ito dahil sa napakaraming dahilan--ang pagkagayuma ng mga kabataan sa Cory magic aka Yellow Fever na pinakikinabangan ngayon ng presidential candidate na si Noynoy, ang panawagan ng Simbahang Katolikang maging santo si Cory, at higit sa lahat, dahil hindi pa rin nagkakaroon ng tunay na reporma sa lupa, patuloy na lumalala ang militarisasyon sa kanayunan.


Sa dinamirami ng mga tao sa Pilipinas na lumaban sa mapang-aping rehimen ni Marcos, bakit ang kimi at tahimik na maybahay ni Ninoy Aquino ang napiling kumandidato bilang pangulo ng Pilipinas? Ang mas mahalagang tanong—sino ang pumili sa kanya?

Hindi lingid sa kaalaman ng nakararami ang sinasabing nag-udyok kay Cory Aquino para tumakbo bilang presidente ng Pilipinas. Ang makasaysayang isang milyong pirma na sa katunayan ay naka-display pa nga sa Benigno Aquino Jr. Museum, ang ipinagmamalaki ni Cory na nagbigay ng lakas ng loob sa kanya para tumindig at labanan ang noo’y pinakamakapangyarihang pinuno sa bansa, walang iba kundi si Ferdinand Marcos. Bukod sa isang milyong lagda, suportado rin si Cory ng mga taong simbahan. Ang nagkumbinsi kay Cory? Sino pa, e di ang kanyang matalik na kaibigang si Jaime Cardinal Sin (Salgado, 1988). Bukod kay Cardinal Sin,
Ang mga Obispo ng Pilipinas sa ilalim ng Pamumuno ni Ricardo Vidal, Cardinal ng Cebu, ay malaking tulong din kay Cory. Nagdeklara ang mga Obispo ng pagiging ilegal mismo ng gobyernong Marcos. Ang halalang Pebrero 7, ayon sa mga Obispo, “ay walang katumbas sa pamamaraan ng pandaraya. Ang isag gobyernong kumukuha o nagpapatuloy ng kapangyarihan sa pamamagitan ng pandaraya ay walang batayang moral.” (Salgado, 1988)
Sa pangunguna ni Cory, habang nakabantay sa likod niya ang mga bigating opisyal ng Simbahang Katolika, nailunsad ang EDSA Revolution, dala na rin ng matinding pagkadismaya ng taumbayan sa noo’y kagaganap pa lamang na pandaraya sa eleksyon. Balita ring inatasan ni Marcos ang militar na sumugod sa Kampo Aguinaldo, dala ang mga helikopter at tangke, “para wasakin ang mga kampo” na kinaroroonan ng mga sumuway na “maimpluwensyang miyembro ng Militar,” sina Juan Ponce Enrile at Fidel Ramos (Salgado, 1988). Si Cardinal Sin naman ay nanawagan sa mga taong tumungo sa kalye.
Bilang tugon sa pakiusap ni Enrile, tinawagan ni Cardinal Sin ang mga pari, seminarista, madre, at mga relihiyoso para ipagtanggol ang mga kampo mula sa mga puwersa ni Marcos. Kung daan-daang libong tao ang nakapagitan, naisip ng Cardinal na hindi magpapaputok ang mga tangke at impanteriya. (Salgado, 1988)
Nagkaroon ng tsunami ng mga tao sa kalsada. Naging positibo ang tugon ng mga tao sa panawagan ni Cardinal Sin. Kinubkob ng tsunaming ito ang Malakanyang. Ayon pa nga kay Salgado (1988), dahil sa pagkapahiya, napilitan si Marcos na umalis at tumakas tungo sa ibang bansa. Si Cory ang naging ika-11 at unang babaeng pangulo ng Pilipinas. Siya rin ang nagbalik ng demokrasya sa bisa ng pagpapabago sa Konstitusyon. At si Cory ay nakilala sa pangalang “ina ng demokrasya” o kaya’y “ilaw ng demokrasya.”

Sa mga naganap, masasabi ba nating umiral ang demokrasya? Ang demokrasya (Zialcita, 1997) ay tumutukoy sa “form of government whose ideal is that all the adult members of a state should enjoy the right to participate in deciding on public matters (res publica), that is, matters affecting all of them as a community.” Batay sa depinisyong ibinigay, masasabi ba nating ang mga magkakasunod na pangyayari sa kasaysayan ng bansa na naging daan para sa pagkakaroon ng transisyon sa pamahalaan mula diktadurya tungo sa demokrasya, ay malinaw na nagpakita ng manipestasyon ng demokrasya?

Masasabing umiral nga ang demokrasya kung una, hindi iilan lamang ang pumili sa magiging pinuno ng bansa. Ang pagpili kay Cory Aquino ay isa bang sistematiko, organisado, at napagkaisahang desisyong ginawa ng mga taong bumubuo sa iba’t ibang sektor ng lipunan?

Ikalawa, maituturing na demokrasya ang umiral sa panahong iyon kung ang rehimen ni Cory ay nagkaroon ng sistematikong paglalatag at pagpapatupad ng mga kongkretong programang pakikinabangan nang matagalan ng malawak na mamamayan, ng mga magsasaka’t manggagawa. Sino ang higit na nakinabang sa People Power 1? Ang taumbayan o ang iilan lamang?
Palagay ko’y hindi ang kapakanan ng sambayanan ang pangunahing nagpakilos sa mga Obispo sa kanilang nagawa na, kundi ang pangamba nila sa tumitinding lakas ng mga Komunista at ng mga kaalyansa ng mga ito. Sa madaling sabi, ang pagnanais ng mga Obispo na mahalagang manatili ang status quo laban sa inaadhika ng mga Komunista ang siyang nagtulak sa mga Obispo para patalsikin sa Marcos at paupuin naman si Corazon Aquino bilang pangulo. (Salgado, 1988)
Kapansin-pansin sa magkakasunod na pangyayari bago kumaripas si Marcos, na tila kontrolado ng iilan lamang ang takbo ng kasaysayan at ang motibo nila ay pansarili lamang. Katunayan, sa panahon ng panunungkulan ni Cory, hindi naman nagkaroon ng pagbabago sa kalagayan ng batayang masa. Hindi isang pamahalaang nagtataguyod ng pantay na karapatan ang pinangunahan ni Cory. Sa halip, ang pangulo ay napalitan lamang ng maamong mukha at sa ilalim ng pamumuno ni Cory, napanatili lamang ang status quo. Walang lantarang pagdukot at pagpatay, pero marami pa ring sa gutom ay namamatay. Hindi nagkaroon ng politikal na lakas at kapangyarihan ang mga manggagawa at magsasaka (Salgado, 1988). Sa ganitong kalagayan kasi, higit na nakikinabang ang mga naghaharing institusyon gaya ng Simbahan. “Bakit nga ba maghahanap pa sila ng ibang uri ng lipunan, gayong sa kasalukuyan, sila’y pribilehiyo, mayaman at makapangyarihan?” (Salgado, 1988). Isipin mo, kung ang mga lupain at kayamanan ay pantay-pantay na maipapamahagi sa lahat ng tao, at kung tunay na magiging kalahok sa mga desisyon at programa ng gobyerno ang lahat ng mamamayan, anumang uri o sektor ang kanilang pinanggalingan, aanhin pa nga naman ng mga pari ang magagara nilang bahay at matatabang bank account? Hindi na rin siguro kailangan pang umasa sa bulag na pananampalataya, sumandig sa paniniwalang mas mahal ng Diyos ang mga mahihirap, kung makararanas ng pagkakapantay-pantay ang katawang-lupa ng mga Pilipino. Hindi ko malilimutan ang isinaad ni Salgado (1988), “Tama ang mga Obispo, pari, at madre sa pagsuporta kay Cory Aquino. Hindi handa si Cory na wasakin ang istruktura ng bagong lipunan.”

Ganito ang hitsura ng demokrasyang ipinamana sa atin ng pamahalaan ni Cory Aquino.

Mga Sanggunian

Salgado, Pedro, OP. 1988. Cory Aquino at Militarisasyon. Salin ni Rogelio Galicia. Quezon City: Linangan ng Kamalayang Makabansa.

Zialcita, Fernando. 1997. “Barriers and Bridges to a Democratic Culture.” Philippine Democracy Agenda: Democracy and Citizenship in Filipino Political Culture. Vol. 1. Maria Serena Diokno, ed. Quezon City: Third World Studies Center.
5 Pagbasa sa Ating Panahon | Andang Juan: Napapanahong Pagbasa sa "Cory Aquino at Militarisasyon" ni Salgado Inimbitahan ako ng Kapatirang Plebeians UPLB Curia noong Setyembre 2009 sa inorganisa nilang symposium, "Thou Shall Not Run: Ang Kultur...
< >