2010/03/01

Ano Ang Papel Ng Manonood?

Ang manonood ba ay pasibong tagatanggap lamang ng "pre-constructed meanings" (Strinati, 2000) o aktibong lumalahok sa paglikha ng kahulugan sa tuwing humaharap siya sa iba't ibang panooring inilalako sa telebisyon?

Kapag pinanonood ang bagong soap opera ni Kris Aquino, ang "Kung Tayo'y Magkakalayo," walang pagtutol at walang pagtatanong ba nating tinatangkilik at tinatanggap ang kaayusan at kairalang tinatampok sa palabas na ito (at sa mga kahalintulad na panoorin)? O aktibo ba nating iniuugnay ang mga kaalaman at karanasan sa imaheng ipinapakita ng mga bida't kontrabida sa soap opera?


Gumaganap si Kris Aquino bilang Celina, isang overprotective na ina sa pasaway na anak, si Gwen (Kim Chiu). Mula sa pagbubuntis hanggang sa pagdadalaga ng unica hija, itinago ni Celina ang katotohanang si Gwen ay bunga ng relasyon niya sa lalaking hindi naman niya asawa, si Steve (Gabby Concepcion). Naganap ang relasyong ito sa panahong inakala ni Celina na patay na ang asawang si Frank (Albert Martinez). Pero nagbalik si Frank, at dahil dito, naudlot ang pag-iibigan nina Celina at Steve. Ang muling pagtatagpo ng mga pangunahing tauhan matapos ang napakaraming taon ay lalong nagpapakomplika sa magulo nang sitwasyon.

Gumaganap din si Kris Aquino bilang submissive na asawa sa dominanteng si Frank. Sa relasyon nila, lalaki ang mapagpasya. Ito ire-reinforce pa ng isa sa mga linyang binitawan ni Frank: Iginiit ng lalaki, "Ang babe, okey lang maiputan. Ako, hindi."

Maluwag sa loob bang tinatanggap ng mga manonood ang kaayusang itinanghal sa "Kung Tayo'y Magkakalayo?"

Bago pa man magsimulang umere ang palabas na ito, marami na tayong alam hinggil sa mga bida, partikular kay Kris Aquino. Laging laman ng mga usap-usapan, tabloid, at news program si Kris. Pinakahuling balita tungkol sa kanya ang umano'y pagsugod niya sa babaeng nauugnay sa basketbolistang asawang si James Yap.

Bukod sa mga kontrobersiya, kaakibat ng pangalang Kris Aquino ang kaliwa't kanang endorsements, mula detergent soap hanggang klinikang pampaganda. Sa kanyang drama series, hindi lamang isang beses na ipinakita ang tauhang ginaganapan ni Kris habang nagluluto gamit ang Maggi Magic Sarap. Inilalakip hindi lamang sa kanyang imahen bilang celebrity kundi maging sa kanyang mga papel na ginaganapan ang kanyang mga produktong kanyang ineendoso.

Nasa anino na rin ni Kris ang kanyang pamilya. Hindi maitatangging mula sa angkan ng mga panginoong maylupa ang bida ng "Kung Tayo'y Magkakalayo."

Hindi rin sikreto sa mga manonood ang buhay-pag-ibig ni Kris. Pamilyar tayo sa mga nakarelasyon niya, na kalimita'y mga lalaking may asawa.

Ganito ka-loaded ang imaheng ipinopostura ni Kris sa telebisyon at iba pang pangmadlang midya. (Sa katunayan, 'queen of all media' ang bansag niya sa kanyang sarili.) Sa halos lahat ng aspekto ng kanyang buhay, maging ito man ay personal, politikal, o seksuwal, ay pamilyar tayong lahat at tila wala tayong kawala. Tila lahat tayo ay maaaring maging Boy Abunda na makikinig sa lahat ng tuwa at hinagpis, kawawaan at kawalang-kawawaan ng paboritong anak ni Cory. Sa heneresyong ito, walang sinumang mamamatay ang hindi nakakikilala kay Kris Aquino.

Lahat ng nabanggit (at hindi nabanggit) ay potensyal na makatutulong sa paglikha ng kahulugan, sa pag-unawa sa mensaheng ipinababatid sa pamamagitan ng pangmadlang midya.

Sa puntong ito, mahalagang pag-usapan kung paano ginagamit ng manonood ang mensaheng tinatanggap mula sa panonood ng mga programang pantelebisyon. Kaninong interes (pang-ekonomiya, pangkultura, at pampolitika) ang mangingibabaw--ang interes ng iilang mga prodyuser, o ng milyun-milyong manonood?