2010/02/15

'Fashionalism'

Inimbento ng fashion designer na si Rhett Eala (My Pilipinas; Collezione C2) ang terminong "fashionalism," mula sa mga salitang "fashion" at "nationalism" bilang paglalarawan sa mga produkto ng fashion industry, global man o lokal, na nagpapakita at nagtataguyod ng pagmamahal sa bayan at pambansang kaakuhan (identidad).

Sa pamamagitan ng pagtangkilik sa mga brands ng t-shirt, pantalon, mga aksesorya, at iba pang produktong yari sa telang kakulay ng ating bandila, may nakaimprentang mapa ng Pilipinas, at may nakaburdang simbulo ng araw at mga bituin, maaaring maipagmalaki ang pagiging Pilipino. Ganitong mga gamit at kasuotan ang inilalako ng Benigno Aquino Foundation, Collezione C2, Yabang Pinoy, Team Manila, Analog Soul, at Three Stars and A Sun. Siyempre, hindi nagpahuli ang mga dayuhang brands tulad ng Nike at Adidas. Mabenta ang kanilang mga t-shirt na may mukha ni Manny Pacquiao, gayon din ang mga jacket na tila watawat ng Pilipinas.

Ayon kay Rhett Eala (Diaz, 2008), sa ganitong paraan ay madaling naaabot ang mga kabataan, na siyang target market ng kanyang brand. Dagdag pa niya, ang paggamit sa mga kasuotang nagpapakita ng "fashionalismo" ay isang mabisang paraan para gawing "hip and relevant" ang konsepto ng nasyonalismo sa mga mamamayan, lalo na sa kasalukuyang henerasyon ng mga Pilipino.

Samantala, malinaw kay Rapa Lopa (Kwok, 2008) ng Benigno Aquino Foundation ang papel ng kulturang popular sa pagpapalaganap ng damdaming makabayan. At ang paraang tinutukoy ng manugang nina Ninoy at Cory ay ang paglikha at pagbenta ng "collectible merchandise" sa mga kabataan.

Sa panahong postmodern, hindi nakapagtatakang maging popular sa mga mamamayang hindi lubusang nakakikilala at/o nakauunawa sa kanilang pambansang identidad, ang mga produktong ipinapatangkilik ng mga namumuhunan at ineendoso ng mga pambasang burgesya (tulad ni Eala) at panginoong maylupa (tulad ng angkang pinanggalingan ng mga Aquino). Kinikilala ni Fredric Jameson (Featherstone, 2008) ang:
...postmodern culture as the culture of consumer society, the post-World War Two stage of late capitalism. In this society, culture is given a new significance through the saturation of signs and messages to the extent that 'everything in social life can be said to have become cultural' (Featherstone, 2008).
Halimbawa, paano natin ngayon binibigyang-saysay ang nasyonalismo? Ang sagot ng mga kapitalista ay ang pag-translate sa abstraktong konsepto ng pagkamakabayan para maging tubo o kita. Ang "saturation" ng mga imahen at simbulo ng pagiging makabayan ay nakalilikha ng distorted na pananaw. Sa "hip and fun" na paraan ay madali naitatanim sa isip ng mga mamayang tinatawag nilang konsyumer na ang tunay pagmamahal sa bayan ay maipapakita at ang pambasang kaakuhan ay mabubuo sa pamamagitan ng pagtangkilik, pagbili, at paggamit sa fashionalism (sa mga fashion merchandise), at hindi sa paghahangad ng at pagkilos para sa pagbabagong panlipunan.


Mga Sanggunian


Diaz, Tals. 2008. "No to Fascism, Yes to Fashionalism." mula sa http://showbizandstyle.inquirer.net/you/super/view/20080822-156272/No-to-fascism-yes-to-fashionalism.

Featherstone, Mike. 2008. "Theories of Consumer Culture." Cultural Studies: An Anthology. Michael Ryan, ed. USA: Blackwell Publishing.

Kwok, Abigail. 2008. "Ninoy Goes Pop." mula sa http://globalnation.inquirer.net/sosy/sosy/view/20080822-156245/Ninoy-goes-pop.