2010/03/29

Ang Babae sa Political Ad

Kalimitan, mayroong dalawang imahen ng babae sa mga TV ads. Ito ang pinatutunayan nina Azarcon-dela Cruz, Mabanglo, at Reyes.

Taong 1988 nang ilathala ang pag-aaral ni Azarcon-dela Cruz tungkol sa mga ipinapakitang imahen ng kababaihan ng pangmadlang midya. Ayon sa kanya, "Judging from the big margin that personal care products and food and beverages had over the other products, it appears that the double image of women--either as sex objects or the nurturing homemaker--persists. The traits being encouraged thus are beauty and a deep concern for one's family and its welfare." Kung tutuusin, hanggang ngayon naman, walang pagbabago sa paraan ng paghahabi ng identidad ng babae sa midya, partikular sa mga patalastas sa telebisyon. Sa mga ads ng sabong panlaba, bitaminang pambata, at pampalasa sa pagkain halimbawa, palaging ang sukatan ng pagmamahal ng isang ina ay nakasalalay sa produktong kinokonsumo niya. Sa isang TV ad ni Kris Aquino, matingkad ang linyang binitiwan niya, "Protective mom ka naman pero bakit ang sine-serve mo, basta-basta?" Sa mga ads naman ng shampoo, hair conditioner, pampahid sa mukha at katawan, at tabletas na pampapayat, ang kagandahan ng babae ay nakasalalay sa approval ng lalake. Halimbawa, sa patalastas ng isang sikat na kremang pampaputi o ng gamot na nakababawas ng timbang, ang mapansin ng lalaking nagugustuhan ang primarya, kundi man natatanging layunin sa pagpapapayat o pagpapaganda.

May ganitong puna rin si Reyes (1991), ayon sa kanya, isteryotipikal ang papel ng babae sa mga TV ads, kundi man isang "caring mother/aunt/older sister," ang babae ay inilalagay sa papel ng "femme fatale or the fatal woman. The Vamp, the fantasy figure..." Idinagdag din ni Reyes ang "hardhitting political commentator/journalist," sa mga naunang imahen. Nagkaroon ng pagkakataon ang mga babae na maging matagumpay sa larangang ito sa panahong inaaresto ang mga lalaking journalist (dahil puro lalake naman ang mga journalist noon) noong panahon ng Martial Law. Kaya lang, ayon pa rin kay Reyes: "the fact that these women have been hired to broadcast the news, although significant, is not really a radical move toward a more equitable distribution of power and responsibility" (1991). Kaya hindi na nakapagtataka, kung sa kasalukuyang panahon, kahit napakarami nang babae sa media industry, hindi naman talaga nabago ang kondisyon ng mga kababaihan, kung paano sila tinitingnan ng lipunan.

Pinaka matingkad ang obserbasyon ni Mabanglo (1989): "Batay sa mga tuntuning panlipunan, kaibang-kaiba ang 'babae' sa 'makata.' Kahit hanggang sa kasalukuyan, nakikilala at kinikilala ang babae hindi dahil sa propesyong pinili niya--manggagamot, guro, dentista, makata--kundi sa kanyang relasyong personal--sa pagiging huwarang ina, butihing asawa, o mapagsilbing anak."

Mahuhusay sa kanilang mga larangan sina Liza Maza, Susan Ople, Pia Cayetano, Gwen Pimentel, Loren Legarda, at Miriam Defensor-Santiago, pero paano sila ipinakikilala sa kanilang political ad? Nakakulong sila "boteng" nilikha ng lipunan, sa boteng pinaglagyan kina Birheng Maria, Maria Clara, Flor de Luna, Helen Gamboa, at Cory Aquino.

Matagal nang dapat binasag ang boteng ito.


Mga Sanggunian

Azarcon-dela Cruz, Pennie. 1988. From Virgin to Vamp: Images of Women in Philippine Media. MM: Asian Social Institute.

Mabanglo, Ruth Elynia. 1989. "Ang Babae sa Loob ng Bote: Pagpapalaya ng Talinghaga sa Gapos ng Kasarian." Ani 3.

Reyes, Soledad. 1991. "Women on Television." Reading Popular Culture. Soledad Reyes, ed. QC: Ateneo de Manila University.