2010/03/15

Fresh U, F. U.!

Mga mukha ng child star turned international pop sensation turned local TV personality na si Billy Joe Crawford at ng TV commercial model turned VJ turned recording artist na si Nikki Gil--na nababalitang magdyowa sa totoong buhay--ang nasa prente ng bagong ad campaign ng Colgate (Colgate-Palmolive Co., NY, USA at Colgate-Palmolive Philippines, Inc.), ang Fresh U. Pop na pop ang atake sa kanilang TV commercial--organisado sa masining na paraan ang mga makukulay na post-its sa background, makinis ang mukha ni Nikki Gil, pang-boy-next-door ang aura ni Billy Joe. Sinamantala ng Colgate ang wholesome nilang image, lalo na ang kanilang singing voice, tutal, mga recording artists naman sila. Kapansin-pansin din ang malalaki, malalapad, at mapuputi (o over-exposed) nilang mga ngipin. Sa saliw ng nakaka-LSS na theme song, madaling namamagnet ang atensyon, partikular ng mga kabataang petiburges na siyang target market ng naturang produkto.

Mapanlinlang ang halina ng bagong ad ng Colgate. Ang dini-display nitong panawagan ay hindi iba sa ipinapanawagan ng Ako Mismo ng PLDT/Smart at Adopt a Li'l Beanie ng Nescafe (Nestle). Inaadornohan ng "makabayang" (minsan, "makakalikasan") himig ang kanilang mga ad campaigns para magkaroon ng (mapagbalatkyaong) saysay ang akto ng pagbili o pagkonsumo ng mga mamamayan sa kanilang produkto.

Minamaksimisa ng transnasyonal na kompanyang Colgate-Palmolive ang multimedia/digital media sa kampanyang Fresh U sa pamamagitan ng pagtatayo ng website na para lamang dito (i-click ang pulang link na ito para masilayan ang kanilang website). Sa bungad ng site, ang love team na Nikki-Billy na may magagarang costume at ngipin ang sasalubong sa iyo. I-click ang kanilang about page nang mabasa ang marubdob nilang layunin. Ayon dito, umaasa silang sa pamamagitan ng proyektong ito ay mahihikayat ang mga kabataanng tumindig para sa kinabukasan (ito rin ang mensahe ng kanilang theme song). Dagdag pa:
Fresh U is for you, the youth. It's about speaking out and sparking change. It's about sharing your ideas, dreams and opinions to benefit your community. It's about your aspirations and how you make them reality. It's about making a difference. It's about you working for a better future. 
Colgate Fresh Confidence will give you the venue to act on your dreams and aspirations. Now is your chance to bring forward your ideas to improve your community. Four projects will be funded with P50,000 each to make these ideas a reality. 
Sinasabi rito na ang Colgate mismo (o ang pagbili at/o pagsuporta sa produktong ito, di man hayagang sinabi) ang daan para maabot ang mga pangarap. Sa tanong na "With P50,000, what can you do to make a difference?" (ito ang tanong na kailangang sagutin ng mga gustong sumali sa pakulo ng Colgate), nagkakaroon ng monetary value ang 'pangarap.' Ibig sabihin, ang pangarap na sinasabi ng higanteng korporasyong Colgate-Palmolive ay kaya nilang tumbasan ng halaga, kayang bilhin. Ang pangarap ay nare-reduce sa halagang P50,000., nare-reduce sa mga bagay at gawaing maaaring makuha o magawa sa pamamagitan ng pera. Pera ang nagpapaikot sa mga pangarap.

Kaya't bakit ka mangangarap ng tunay at makabuluhang pagbabago na mahirap abutin, mahirap tuparin, at kung di-maiiwasan ay maaaring umabot pa sa puntong kailangan mag-armas? Bakit mangangarap kung ang pangarap ay di maiiwasang makuha sa madugong paraan? Bakit mangangarp ng tunay na pagkakapantay-pantay kung ang pangarap ay mare-reduce pala sa halagang P50,000? At kung matupad ang pangarap na popondohan ng Colgate-Palmolive, makararanas ba ng kakintalan o mananatili ang kairalan?

Binibili ng Colgate ang pangarap mo.

Makakaasa ba talaga tayong magkakaroon ng pagbabago at makatitiyak ba tayong "tayo'y may magagawa," gaya ng sinasabi sa Fresh U theme song, kung ang nagsusulong nito ay ang dayuhang kompanyang Colgate-Palmolive? Ganito na rin ang tanong ko kaugnay ng Ako Mismo ng PLDT/Smart at ng Adopt a Li'l Beanie ng Nestle. Ang paalala nga ng dati kong titser sa Pagsulat ng Kulturang Popular (Fil150), "isip-isip."