2010/03/08

Paghabi ng Birtuwal na Identidad at Hierarchy sa WWW: Hinggil sa mga SNS's

Kung mayroon man nakatutuwa hinggil sa pagyabong ng mga social networking sites (SNS's) tulad ng Friendster, Multiply, MySpace, Twitter, at itong pinaka popular, ang Facebook, ito ay ang pagkakaroon ng pagkakataong makaugnayan at makpagpalitan ng mensahe't kuro-kuro sa mga iniidolong manunulat at kritiko. Kung nabubuhay pa siguro si Howard Zinn, o kaya sina Louis Althusser at Mao, may Facebook account siguro sila kundi man fan page, at kung gayon, sana'y aprubahan nila ang aking imbitasyon.

Nakatutuwang isiping dahil sa teknolohiya ay napakadali na ngayong makipag-ugnayan sa ibang mga tao, kakilala man o hindi, saanmang lupalop galing, basta't mayroong internet connection, LAN cable, o wi-fi signals. Sa pamamagitan ng Facebook (at ng iba pang SNS's), madali at mabilis nang maging updated sa mga bagay na pinagkakaabalahan ng mga dating kaklase, mga kaibigang matagal nang di nakita't nakausap, at mga "friends" na hindi mo naman personal na kilala. Ang mga SNS ay nagsisilbing plataporma para sa birtuwal na reunion. Ibig sabihin, ang pagyayabang hinggil sa mga personal achievement ("Magkano ang sahod mo?," "Tingnan mo ang bagong kotse ko!," "Ang puti at ang kinis mo na ngayon.," "Nag-asawa ako ng mayaman!," "Nakarating na ako sa Amerika," "Ginagawa ko lang Cubao ang HongKong!"), e madali nang ibalandra, dalawang megabytes o higit pa, kada segundo.

Maraming users ang iginugugol ang kahit ilang minutong bahagi ng kanilang panahon sa buong maghapon, at sa araw-araw na ginawa ng diyos, para sagutin ang tanong na "What's on your mind?" para ma-broadcast sa kanilang mga "friends" ang walang kamatayan nilang "status update." Kadalasan, mga walang kawawaang bagay ang laman ng kanilang "shoutout" ("Maliligo na ako," "I am sleepy," "Ang sarap ng lunch kanina!," "I am going to the mall with my friends tomorrow," "Excited!"). Kahit pag-utot, pag-aaksayahan ng panahong i-publish sa www. Pinag-aaksayahan rin naman ito ng panahon ng mga nagbabasa't nagkokomento.

"Wrong privacy" ang tawag dito ni Lourd de Veyra. Sa kanyang segment na Word of the Lourd sa TV5, pinagbulaybulay ni Lourd ang kasalukuyang konsepto ng mga Pilipino hinggil sa privacy. Aniya, sa pagyakap sa makabagong teknolohiya, ay "buong loob na [isinuko] ng tao [ang] maraming aspekto ng kanyang pribadong buhay." Dagdag pa niya, sa pamamagitan ng mga SNS, "dahan-dahan nang nabubura ang mga boundaries ng privacy natin."

Mas madali nga namang maghabi ng identidad na birtuwal kaysa identidad na aktuwal. Mas madaling maging katanggap-tanggap sa mga online community dahil may kalayaan ang user o sinumang marunong gumamit ng kasalukuyang teknolohiya (ang digital media) na ilagay ang kanyang personalidad sa loob ng kahong tinatawag nating kompyuter. Sa mga SNS, maaari kang mag-display ng identidad, gaano man kalapit o kalayo sa iyong aktuwal na katangian. Sa Facebook halimbawa, maaari mong iparamdam sa iyong mga contacts ang iyong pagiging "cool" at "astig." Puwede mong ipagyabang ang kahit anong aspekto ng iyong buhay, partikular ang iyong kalagayang ekonomik.

Ang profile na binubusisi ng user ay magandang simula. Dito, inilalagay ng user ang kanyang educational background, pati na ang kasalukuyang kompanyang pinagtatrabahuhan. Pero pinakamagandang venue ng "kaastigan" ang shoutbox ('yung naglalaman ng iyong status update). Kagaya ng nabanggit na, sa pamamagitan nito, maaari mong ipaalam sa maraming tao na, halimbawa, pupunta ka bukas sa SM Mall of Asia, para panoorin ang Alice in Wonderland sa IMAX. Alam nating lahat na hindi mura ang ticket sa IMAX. Isang malaking luxury ito dahil para makapanood ka rito, malamang, marami kang ekstrang pera, disposable income kumbaga.

At sino ang nagsabing walang hierarchy sa www?

Ang mismong kakayahan ng tao na mag-acquire ng internet service sa kanyang household ay isang patunay na hindi nabubura ng teknolohiyang tinatawag na www o kahit web 2.0, ang hierarchy, ang di pagkakapantay-pantay. Dahil hindi lahat ng mga Pilipino ay may access sa internet, o sa makabagong teknolohiya sa pangkalahatan. Sa mga pamayanan sa kanayunan, sa mga lugar na P7.00 lang sa maghapon ang kinikita ng mga manggagawang bukid, sa malaking bahagi ng Pilipinas na pinuproblema pa rin  kung paano pakakainin ang mga anak, sumagi pa kaya sa isip ng mga tao doon ang "pangangailangang" makasabay sa takbo ng mundo, sa takbo ng globaslisasyon, sa pag-inog ng mundo, sa bagong updates sa Twitter at Facebook?

Ang hierarchy ay hindi hinabi at hindi rin binura ng HTML at XML. Pero nananatili ito.

Napag-uusapan na rin lang ang kalagayan ng mga magsasaka sa Pilipinas, heto ang makabuluhang obserbasyon ni Irene Angelopoulos:
There’s an ominous irony in FarmVille, a Facebook application that enables users to build and maintain a virtual farm. It’s more than a game: It’s an allegory. Virtual existence is feudalism for the modern age. Those who hold the information are kings and those of us toiling in the virtual fields are the servile peasantry: selling our souls for the mind-numbing comfort of an online existence. (Angelopoulos, 2010)
Sa mga SNS, natututo rin ang taong i-package ang kanyang sarili, at ibenta sa paraaang magiging katanggap-tanggap ito sa kasapi ng online community. Sa ganitong paraan, wala nang ipinagkaiba ang tao sa produktong kinukonsumo para sa "kaligayahan." Hindi ba't konsumerismo ang tawag dito?