2010/03/22

Tugon sa "Kamprofusap-usapan" ng Heraldo Filipino na nalathala noong 2009

Ang sanaysay sa ibaba ay tugon sa ”Kamprofusap-usapan: Delving into professors’ [in]competency Part 1” na nalathala sa ikalimang isyu ng Heraldo Filipino para sa taong 2009. Ang tugon na ito ay nalathala sa ikalawang isyu ng ika-24 na tomo ng HF. Mainit na isyu ang galing ng guro,kung ito ba ay epektibong naipapakita sa loob (o labas) ng klase. Pero ang sa palagay ko ay na-miss ng mga estudyante ng DLSU-D ay ito: "Edukasyon ay karapatan." Kailangang matyagan ang husay at kalidad ng pagtuturo, o ng edukasyon sa pangkalahatan, hindi dahil malaki ang ibinabayad pangmatrikula kundi dahil karapatan natin ang magkaroon ng dekalidad na edukasyon. Kailangan ito pag-usapan, taga-state U ka man, o hindi. Ito ang gusto kong maunawaan ng mga estudyante sa DLSU-D. Sa maikling panahon na nagturo ako doon, ewan ko kung naunawaan nga nila.

Kagaya ng kalimitang ginagawa sa unang araw ng klase, maiging ipakilala ko muna ang sarili ko. Ako po si Raquel Juan, kasalukuyang nagtuturo sa ilalim ng Kagawaran ng Filipino at Panitikan at nasa ikalawang taon na sa Paaralang Gradwado ng Pamantasang De La Salle-Dasmariñas. Bilang guro at mag-aaral, may isang importanteng bagay akong gustong bigyang-diin sa liham kong ito.

Hindi tulad ng mga regular na propesor sa Pamantasang ito, mababa lamang ang sinasahod ko—sapat lang para makaraos pero tiyak na kulang para makaipon. May mga pagkakataon pa ngang nahuhuli ang sahod ko, partikular ’yung para sa substitution, sa kabila ng kasipagan sa paniningil ng tuition fee ng Pamantasang De La Salle, mula sa mga estudyante. Totoo ang sinasabi ng marami na mahirap magbadyet. Malaking bahagi kasi ng sinesuweldo ko ay ibinabalik ko lang sa Pamantasan—pambayad sa matrikula para matapos ko na ang pangalawang digri ko. Kagaya ng humigit-kumulang sampung libong mag-aaral sa Pamantasang De La Salle- Dasmariñas, malaki rin ang ibinabayad kong pangmatrikula. At kagaya ninyong lahat, dahil ang perang ito ay pinaghirapan ko, mataas ang pagnanais kong makapagtamasa ng de-kalidad na edukasyon sa pamamagitan ng pagkakaroon ng matatalino at mahuhusay na guro.

Sabi sa inyong artikulo: ”...with the high tuition fees we pay La Salle it is their duty to give us professors that who are not only competent but also deserving of the students’ respect.” Nakatutuwang malaman na malaki ang pagpapahalaga ng mga Lasalyanong mag-aaral sa salaping pinaghihirapang kitain ng kanilang mga magulang para makapag-aral ang mga anak. Gayunman, hindi dapat nakatali sa kakayahan ng taong makapagbayad ng malaking halaga ng matrikula ang pagkakaroon o pagtatamo ng maayos na edukasyon. Ang edukasyon ay hindi isang produkto o serbisyong inilalako sa mga tao. Ang edukasyon ay hindi isang bagay na nabibili lamang ng mga maykaya. Ang edukasyon ay hindi isang pribilehiyong tinatamasa ng iilan. Higit sa lahat, ang edukasyon ay isang karapatan, na siya mismong itinatakda ng batas. Sa katunayan, nakasaad pa nga sa Article XIV, Section 1 ng ating Konstitusyon: "The State shall protect and promote the right of all citizens to quality education at all levels, and shall take appropriate steps to make such education accessible to all." Samakatuwid, ang edukasyon, bilang isa sa mga karapatan, ay dapat nating bantayan. 
Kung ito ay lagi nating aalalahanin, maiisip siguro ng mga namumuno sa bansa natin na paglaanan ng sapat na badyet ang iba’t ibang serbisyong sosyal kabilang ang edukasyon, sa halip na utang-panlabas at serbisyong militar lamang ang bigyang-prayoridad. Kung alam natin ang ating mga karapatan, hindi na siguro masasayang ang buwis na ibinabayad ng mga magulang, mga guro, at iba pang kawani at manggagawa sa ating bansa. Isipin ninyo, kung nabibigyan ng sapat na badyet ang edukasyon at kung walang nangungurakot sa gobyerno natin, darating ang panahong hindi na natin kailangang magbayad ng malaking halaga para magkamit ng de-kalidad na edukasyon. Tatamasahin ng lahat ng mga mamamayan ang kanilang karapatan. Kung kayang itaguyod ng gobyerno ang de-kalidad na edukasyon, hindi na kailangang iasa sa mga pribadong institusyon lamang ang maayos na edukasyon. (Hindi siguro magkakaroon ng halos 300% increase sa tuition and other fees ng Unibersidad ng Pilipinas, gayon na rin sa iba pang state colleges and universities.) Pero paano kung mismong mga pribadong institusyon ay hindi rin ito kayang ibigay? Huwag sana nilang malimutang karapatan natin ang pinag-uusapan dito.

Edukasyon ay Karapatan
(Tugon sa ”Kamprofusap-usapan: Delving into professors’ [in]competency Part 1” na nalathala sa ikalimang isyu ng HF para sa taong 2009)