2010/04/05

Pag-ibig sa Wika sa Panahon ng Globalisasyon

Sisiyasatin sa sanaysay na ito ang kaseryosohan ng papatapos (kung matatapos nga) na rehimeng Macapagal-Arroyo sa pagtataguyod at pagpapaunlad sa pambansang wika sa panahon ng globalisasyon. Aalamin ng may-akda kung paano pinasisidhi ng mga patakarang pangwika ng pamahalaan ang dapat sana’y maalab na pagmamahal at pag-ibig ng mamamayang Pilipino sa wikang pambansa. Sa huli’y, babanggitin sa sanaysay na ito ang mga posibleng panandalian at pangmatagalang solusyon para mapag-ibayo ang makabayang damdamin ng sambayanan, partikular sa usaping pangwika.

Introduksyon

Ang “maca” sa Macapagal ng mahal na pangulo ng Pilipinas ay nangangahulugang “lamog” sa wikang Espanyol, tumutukoy, halimbawa, sa nabugbog na bahagi ng prutas.1 Samantala, ang “pagal” naman na isang salitang Tagalog ay pumapatungkol sa “pagod” na maaaring nararamdaman ng isang tao kung siya ay nahahapo o kung nagsasawa na (ganito rin ang ibig sabihin ng “pagal” sa wika ng mga Kapampangan). Kung ang mga salitang ito lang ang gagamitin sa pagsusuri sa kasalukuyang kalagayan ng bansa, hindi na nakapagtatakang pakapal na nga nang pakapal ang dami ng mga taong sumusuporta sa pagpapatalsik kay Gloria Macapagal-Arroyo bilang pangulo ng Pilipinas. Sa ilalim ng kanyang panunungkulan, nalamog at napagod ang mga mamamayan, partikular ang mga tagapagtaguyod ng wikang Filipino bilang pangunahing wikang panturo, dahil sa mga panukalang kanyang nilagdaan at sa kasalukuya’y ipinatutupad.

Sa panahon ng globalisasyon, malayong nakapapasok ang kulturang dayuhan, lalo na ang kulturang maka-Amerikano sa Pilipinas. Ito ay mahahalata di lamang sa topograpikal at pisikal na kaayusan ng mga lungsod at bayan sa bansa, maging sa kaugalian at pananaw ng mga Pilipino. Sapagkat hindi lamang mga produktong banyaga ang pumapasok sa bansa, nakapanloloob din ang kaisipang kolonyal at nilulupig nito ang damdaming makabayang at tradisyong anti-kolonyal na minana pa ng mga Pilipino sa kanilang mga ninuno.

Sa papel na ito ay muling bubuksan ang usapin hinggil sa patakarng pangwika ni Gloria Macapagal-Arroyo nang sa gayon ay masiyasat kung anu-ano ang kasalukuyang implikasyon o bunga ng pagpapatupad ng Executive Order No. 210.

Pag-ibig sa ilalim ng E.O. 210

Bilang tugon sa hinihiling ng globalisasyon, nilagdaan ni Gng. Macapagal-Arroyo ang Executive Order No. 210 o E.O. 210 (“Establishing the policy to strengthen the use of English as a second language in the educational system”). Marahil, inaakala ng pekeng pangulo na ito ang pangunahing makatutulong sa mga mag-aaral nang sa gayon, sa kanilang pagtatapos at pagsabak sa tunay na mundo, ay maging “highly competitive” sila at magkaroon ng lakas ng loob para makipagsabayan sa iba pang mga bansa lalo na ngayong panahon ng globaliasyon. Hindi na siguro kailangang dagdagan pa ang mga klasrum at ipagawa ang mga nasira para may maupuan naman ang mga kabataang nag-aaral ng agham at matematika sa wikang Ingles.

Ang E.O. 210 ay naglalaman ng mga patakarang lumamog sa wikang pambansa. Ayon dito, hindi bababa sa 70% ng oras sa loob ng klase ang ilalaan sa pagtuturo gamit ang wikang Ingles bilang midyum. Sa pagtuturo ng agham at matematika, Ingles ang gagamitin mula elementarya hanggang hayskul. Ayon pa dito:
...The English language shall be used as a primary medium of instruction in all public institutions of learning at the secondary level...This policy has the objective of developing the aptitude, competence and proficiency of all students in the use of English to make them better prepared for the job opportunities emerging in the new, technology-driven sectors of the economy. 2
Napadadalas nga ang pagbisita ng pangulo sa ibang mga bansa para magtanong kung may mga trabaho bang nakaabang para sa manggagawang Pilipino. Dumadalaw siya sa mga karatig na bansa sa Silangan at Gitnang Silangang Asya para ilako ang “husay” ng mga Pilipino.  Ginagawang bentahe ng pamahalaan ang “kahusayan” ng mga Pilipino sa pagsasalita gamit ang wikang Ingles. Kaya naman mas pinipili ng mga multinasyonal na korporasyon at ng mga pamahalaang ng at employment agency sa ibang bansa ang mga Pilipino kasi marunong silang umingles-Ingles. Noong 2009, halos nasa kalahating milyon ang nagsipagtapos at nasa ganitong bilang din ang nadagdag sa bilang nga mga walang trabaho sa bansa ngayon. Kaya naman, mahigpit na bilin ng gobyerno, huwag na raw maging pihikan sa trabaho. Kung nangagailangan ng domestic helper, caregiver, nursing aid, waiter/waitress, entertainer, at iba pa sa abroad (mga trabahong may glorya, “glorified katulong”), huwag nang maging maarte. At kailangang marunong mag-Ingles, kalimutan ang pagmamahal sa wika’t sa bayan. Tutal, katumbas naman nito’y pagiging “bagong bayani.”

Siguro’y mabuti ang hangarin ng pangulo. Napakaganda nga namang pakinggan kung lahat ng mga Pilipino’y maipapadala sa ibang bansa bilang mga “glorified alipin” para makapagpadala ng dolyar na sasalba sa ekonomiya at nang sa gayo’y mabansagang mga bagong bayani. Napakaganda sigurong tingnan kung bawat Pilipinong uuwi galing sa ibang bansa ay sasalubungin natin ng kuwintas na gawa sa kumpul-kumpol na sampagita, mga palakpak, at photo opportunity. At ang Pilipinas ay kikilalanin sa mundo bilang “Kanlungan ng mga Bagong Bayani.” Madali naman palang maging kahilera nina Jose Rizal at Andres Bonifacio. Hindi kailangang magpabaril sa Bagumbayan o kaya’y magpalibing sa hukay na wala pang isang talampakan ang lalim.

Hindi titindi ang pagmamahal ng mga Pilipino sa sariling wika, pero ano namang kapakinabangan ang makukuha mula sa damdaming ito kung hindi naman magiging stable ang ekonomiya? Sa panahon ng globalisasyon, ito ang mahalaga. Mabuhay ang E.O. 210!

Bagamat mukhang matutuloy ang eleksyon ngayong taon, malakas pa rin ang banta ng napipintong pagsasakatuparan ng planong maging Punong Ministro ni Gloria Arroyo. Maaaring magbago ang patakarang pangwika, kung gayon. Sa ngayon, ang panandaliang solusyong maihahain ng may-akda ng papel na ito ay ang sumusunod:

Una, hadlangan ang Cha-Cha. Kung mananatili sa poder si Macapagal-Arroyo, mananatili rin ang patakarang pangwikang kanyang itinaguyod. Sa halos siyam na taong panunungkulan niya bilang pangulo, ano ba ang napala ng wikang pambansa?

Ikalawa, alalahaning ang unang solusyong binanggit sa papel na ito ay siya na ring panandalian at pangmatagalang solusyon. Hindi totoong wala namang ibang pwedeng pumalit sa mahal na pangulo. Mayroong halos 80 milyong Pilipino sa kasalukuyan. Sa laki ng bilang na ito, imposibleng walang mapipiling mahusay, matatag, at makabayang pinuno, ang sambayanan. Sa ngayon, walang ibang pagpipilian ang mga Pilipino kundi maging matalino (sa kabila ng pambobobong ginagawa ng administrasyon) sa paggawa ng desisyong makakaapekto sa magiging kinabukasan ng wikang pambansa.

Kongklusyon

Kung mayroon mang mabuting naidulot ang E.O. 210 ni Gloria Macapagal-Arroyo, marahil, lalong napag-alab nito ang damdaming makabayan ng mga Pilipino, partikular ng mga tagapagbantay at tagapagtaguyod ng wikang pambansa—at iyang ay walang iba kundi ang mga gurong Pilipino. Sa mga pagkakataong sinisikil ang wikang pambansa at mga hangarin at kaisipang mapagpalaya, lalong nagiging agresibo ang mga taga-akademya sa pagtanod at pagpapaunlad sa wikang Filipino. Sa palagay ng awtor ng sanaysay na ito, hindi magagapi ng isang kapirasong papel lamang ang tradisyong anti-kolonyal ng mga Pilipino. Gayonman, nagtatakda ito ng isang mabigat na hamon. Sa panahon ng globalisasyon, paano pag-iibayuhin ang tradisyong ito kung hinaharangan naman ang pag-unlad ng wikang pambansa na siyang inaasahang magbubuklod sa kalat-kalat na isla at isip ng mga Pilipino?

Sa kasalukuyan, pinaglalayo ng administrasyon ang mga Pilipino sa pamamagitan ng pagtutulak sa mga Pilipinong mangibang-bayan. Kung watak-watak nga naman ang mga pamilyang Pilipino, magiging lalong mahirap pagbuklurin para sa iisang layunin ang mga mamamayan. Sa ngayon, pinaniniwala ng pamahalaan na ang pangangailangan lang ng tao ay makakain, magkaroon ng laman ang tiyan. Alalahaning hindi lang tiyan ang marunong magutom, isip ma’y kumakalam din. Digma ng mga ideolohiya ang nagaganap—kailangan nating makilahok.

Mga Tala

1. Sinangguni sa ikalawang edisyon ng Latin American Spanish Dictionary (New York: Random House, 2000), p. 175.

2. Kasama ito sa apendiks ng aklat na pinamatnugutan ni Pamela Constantino, Filipino at Pagpaplanong Pangwika: Ikalawang Sourcebook ng SANGFIL (Quezon City: SWF-UP Diliman, SANGFIL, at Pambansang Komisyon para sa Kultura at Sining, 2005), pp. 322-323.