2010/04/12

Pagsilang ng mga Makabagong Mito ng Pagkapangulo: Ang Paglilipat ng Imahen ni Ate Guy kay Gloria Macapagal-Arroyo

Sikat si Nora ”Ate Guy” Aunor, dating naglalako ng tubig sa riles, bilang aktres at mang-aawit. Nakilala siya hindi lamang sa galing sa pag-arte at pagkanta, kundi sa kanyang aura na kung titingnan ay hindi naman kakaiba. Naging bantog si Ate Guy hindi dahil ”artistahin” siya kundi dahil sa pagka-ordinaryo niya. Ang kanyang pagiging ordinaryo—kayumangging balat, mababang tindig, sarat na ilong, pagiging mahirap, at kawalang-edukasyon—ang naglapit sa kanya sa masang Pilipinong mayroong kahalintulad na kalagayan.

Tulad ni Ate Guy, ang kasalukuyang pangulong si Gloria Macapagal-Arroyo ay kayumanggi, maliit, at sarat din. Pero di tulad ng ating Superstar, si Gloria ay mula sa angkan ng dating pangulong Diosdado Macapagal, pamilya ng mga mayama’t maimpluwensya, nakapag-aral di lamang sa Pilipinas, maging sa Amerika, at higit sa lahat, may pera siyang maaaring gamitin para ”pagandahin” ang kanyang sarili (kaya nga nakapalagay siya ng breast implants, naaalala mo?). Naglalako rin si Gloria, hindi ng tubig, kundi ng lakas-paggawa sa mga mayayamang kapitalistang bansa.

Mahal ng mga tao si Ate Guy. Gusto ng masa si Gloria...gustong patalsikin. Mahal ng taumbayan si Ate Guy dahil ”...maging anoman ang masamang balita o iskandalo na naikakapit sa kanya. Nakikita nila ang mga iyon katulad ng isang pangkaraniwang bagay na nangyayari sa sinomang tao, at ang kanilang idolo ay isang tao lamang” (Landicho, 2005). Mahal ng mga tao si Ate Guy dahil ang mga eskandalong nararanasan niya ay lubhang personal at hindi nakaaapekto sa kalagayang pang-ekonomiya at pampulitika ng bansa (Maaarig manipestasyon ng problema ng lipunan ang mga eskandalong kinasangkutan ni Ate Guy, gaya ng isyung pagkakalulong niya sa droga. Pero hindi ito nakaaapekto sa ating pagkabansa, sa halip, aktuwalisasyon lamang ito ng tumitinding problema ng lipunan.). Samantalang si Gloria, sa bawat eskandalong nakadikit sa pangalan niya—NBN-ZTE, Macapagal Avenue, Jocjoc Bolante at ang fertilizer fund, Hello Garci, ChaCha at ConAss, $20,000-dinner sa Le Cirque at Bobby Van’s sa New York, at marami pa—mayroong henerasyon ng mga mamamayang naaapektuhan, pinakaapektado ang mga nasa ibaba ng tatsulok, ang mga manggagawa at magsasakang minsang humanga kay Ate Guy. Nakikita ba ng taumbayan kay Gloria ang idolong si Ate Guy?

Sabi ni Elsa, isa sa mga di-malilimutang papel na ginampanan ni Ate Guy sa pinilakang-tabing: ”Walang himala! Ang himala ay nasa puso at isip lamang!” Hanggat nasa poder si Gloria, mukhang mangangailangan tayo ng matinding himala. Naalala ko tuloy, di rin malilimutan ang isa pang linyang binigkas ni Ate Guy sa pelikulang Anak Ka ng Ina Mo: ”Hayup! Hayuuuuuuuup! Hayuuuuuuuuuup!”

Sa palagay ninyo, kapag bumaba sa poder si Gloria, pagkatapos ng kanyang termino, makalilimot na naman ba tayo, gaya kung paano natin nalimutan ang mga naganap sa panunungkulan ng unang babaeng pangulo? Gaya ng kung paano binalewala ng mga tagahanga ni Ate Guy ang mga eskandalo sa buhay ng idolo?

Pansin nga ni Lourd de Veyra, tayong mga Pilipino ay tila masyadong cool sa kabila ng mga isyung panlipunang kinakaharap natin ngayon—kasing-cool tayo ng -32% na satisfaction rate ni Gloria. Bakit tayo cool? Busy ba tayo? Sobrang busy na hindi na natin mabigyang-pansin ang problema ng lipunan?

Ayon kay Campbell (1988), ang mga may impluwensya at kilalang tao sa paligid natin ay may ginagampanang ”mythological roles,” at tayo, bilang mga tagamasid, ay tumitingin sa mga taong gaya nina Ate Guy at Gloria hindi bilang mga personalidad kundi bilang mga mitolohikal na karakter. Bilang mga mitolohikal na karakter, may mga ekspektasyon ang lipunan sa kanila na kailangan nilang matupad. Ito ang dahilan kung bakit si Ate Guy ay parang diyos nating sinasamba, at si Gloria naman ay parang kontrabida sa pelikula, kinasusuklaman natin. Dagdag pa ni Campbell (1988), ”when a person becomes a model for other people’s lives, he has moved into the sphere of being mythologized.”

Ang mga sinehan ay parang altar na pinupuntahan ng mga tao para tunghayan at sambahin ang mythological role na ginagampanan ni Ate Guy. Samantala, ang Malakanyang naman ay parang isang madilim na kastilyong pinupuntahan ng mga taong may dalang sulo at itak, sumisigaw ng “Naroon ang aswang! Susugod tayo para sunugin ang aswang!”

Mga Sanggunian

Campbell, Joseph. 1988. The Power of Myth with Bill Moyers. Betty Sue Flowers, ed. New York: Bantam Doubleday Publishing Group, Inc.

Landicho, Domingo. 2005. “Bakit Nila Mahal si Nora Aunor?” Si Nora Aunor sa mga Noranian: Mga Paggunita at Pagtatapat. Nestor de Guzman, ed. Quezon City: Milflores Publishing Inc.