2010/04/19

Underdog Style: Paboritong Posisyon ng mga Presidentiables

Victimization ang isa sa paboritong rhetorical device ng mga politiko, partikular ng mga presidential candidates na sina Manny Villar (Partido Nacionalista) at Noynoy Aquino (Partido Liberal). Sabi kasi, malambot daw ang puso ng mga Pilipino sa mga underdog. Kinakampihan natin si Mara (papel na ginampanan ni Judy Ann Santos noong 90's sa teleseryeng MaraClara) dahil kumakatawan sa ating kalagayan ng bawat sampal at sabunot sa kanya ng kontrabidang si Clara. Mas gusto nating manalo si Sheryn Regis kaysa sa itinanghal na kampiyong si Erick Santos dahil di tulad ng huli, di hamak na mas aba ang kalagayang pinanggalingan ng probinsyana. Tuwang-tuwa tayo kapag napapanood at napakikinggan si Charice Pempengco dahil kahit natalo siya sa kumpetisyong sinalihan sa ABS-CBN 2, wagi naman siya sa panlasa nina Oprah at Ellen Degeneres. May puwang sa puso natin si Manny Pacquiao (sa kabila ng umaalingasaw na kayabangan) dahil siya ay "nagsikap" na maiahon ang kanyang pamilya mula sa kubong dating tinirhan tungo sa mga mansyong kanyang naipatayo sa pamamagitan ng mga kinikita sa pagboboksing. Silang lahat, tulad nina Manny Villar at Noynoy Aquino, ay mga underdog (o at least nagpapakilalang underdog).

Sa mga ads ni Manny Villar, ipinakilala niya ang sarili bilang "lumaking mahirap sa Tondo." Pero dahil sa pagsisikap ay nagawa raw niyang maging matagumpay. At ngayon, bilyonaryo na siya. Nagawa niya ito kaya't ito rin daw ang kanyang gagawin kapag siya ang naging pangulo ng Pilipinas.

"Biktima rin po ako," ang sabi ni Noynoy Aquino, kasi sila raw ay "inapi nang walang kalaban-laban." Dagdag pa niya, "utang ko sa inyo ang lahat. Kayo ang aking lakas." Kaya't bilang ganti sa ating "pagsuporta" sa kanyang mga magulang/pamilya, siya ay naghahangad na maging pinaka mataas na pinuno natin.

Underdog style. Sa ganitong posisyon kumportableng nananamantala ang mga politiko lalo na sa panahon ng eleksyon. Ang tanong, sino sa mga gumagamit ng posisyong ito ang totoong doggie (o "tuta")?

(Ang dibuhong nasa itaas ay likha ng kontemporanyong visual artist na si Caloy Gernale.)