2010/06/07

Ang mga Jejemon at Sistema ng Edukasyon sa Ating Bansa

Nananatiling kolonyal at komersyalisado ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas. Bagamat sa bungad pa lamang ng rehimen ni Gloria nalikha ang bidyo-dukyumentaryong “Misedukasyon,” may kakayanan pa rin itong saklawin ang kasalukuyang sitwasyon sa mga paaralan sa ating bansa. Kaya kahit sa mga estudyante kong ngayon pa lamang napanood ang bidyo, nagiging makintal ito. Pagkat ang ipinakikita rito ay karanasang malapit at di iba sa kanilang mga karanasan bilang mga estudyante, at sa mas malaking tanaw, bilang bahagi ng marginalisadong sektor ng lipunan.


Maraming tanda na magsasabing kolonyal nga ang edukasyon. Bago umalis ang mga mananakop na Amerikano, siniguro nilang sa pamamagitan ng mga batas, programa, at iba pang lehitimasyon ay mayroon pa rin silang kontrol o impluwensya sa atin.1 Ibig sabihin, hindi kailangan ang pisikal na presensya nila para masabing tayo ay patuloy na masakop. Sa kasalukuyang panahon, evident ito halimbawa, sa mga patakarang pangwika na ipinatutupad sa bansa natin. Isa sa mga patakarang ito ang E.O. 210 na nilagdaan ng nagdaang rehimeng Arroyo, at itinuturing na tahasang paglabag sa Konstitusyon.2 Nakasaad dito ang paggamit sa wikang Ingles bilang pangunahing wikang panturo sa mga paaralan sa bansa. Sa ganitong paraan, magiging “globally competitive” ang mga kabataang Pilipino. Kailangan daw ito nang sa gayon ay matutong makipagsabayan ng mga Pilipino sa iba pang mga lahing lumalahok sa globalisasyon.

Pinagtitibay ng ganitong patakaran ang kaisipang higit na mahusay ang wikang Ingles at anumang produkto at kultura mula sa bansang nagpamana ng wikang ito sa atin. Kaya nga nakaririndi nang ulit-uliting Ingles ay patuloy na umiiral bilang isa sa mga pangunahing status symbol ng mga nakaaangat na uri.

Dagdag pa, mapapansing karaniwan sa mga kurso at programang inilalako ng mga pamantasan sa Pilipinas ay nakaayon sa pangangailangan ng mga korporasyong multinasyonal. Halimbawa sa amin sa Cavite State University-Rosario, mayroong kursong tinatawag na Associate in Technology o AT. Sa ilalim ng programang ito ay may iba’t ibang majors na maaaring pagpilian ng mga mag-aaral—tulad ng AT Major in Welding and Fabrication, Refrigeration and Airconditioning, Garments Technology, Drafting Technology, Automotive Technology, Electronics, Stationary Marine Technology.

Ang aming kampus ay matatagpuan sa pusod ng sikat na Philippine Economic Zone Authority, na nakasanayan nang tawaging EPZA. Isa itong ahensya ng pamahalaan na tumutulong sa mga dayuhang kompanya na mamuhunan dito sa Pilipinas. Libreng buwis ang iniaalok nito. Misyon nito ay “to provide a globally competitive environment to investors.” Isa sa mga bansang sineserbisyuhan nito ang Estados Unidos. Sa katunayan (as of June 2010), mayroong 217 kompanya mula sa Amerika ang nakapag-ooperate sa EPZA ngayon.3

Mapapansing tila nakalinya ang mga programa ng aming pamantasan sa misyon ng EPZA. Sa esensya, state u na tulad ng sa amin ay tila wala na ring ipinagkaiba sa mga pabrikang matatagpuan sa loob ng EPZA; para na rin itong pabrika ng mga future factory workers na isusubo’t ipapakain namin sa dambuhalang EPZA. Hindi rin naman kasi nalalayo ang misyon ng aming eskwelahan sa misyon ng EPZA: “It shall produce professional, skilled, and morally upright individuals for global competitiveness.”4

Samantala, dahil sa sistematikong pagtaas ng matrikula sa mga pribado at pampublikong institusyon, itinuturing na komersyalisado ang edukasyon. Tuloy, ang edukasyon ay tila nagiging komoditi, isang produktong binibili sa mahal na halaga, sa halip na isang karapatang dapat ay tinatamasa ng lahat. Maaaring sisihin ang pagpapatupad ng Education Act of 1982 na nagbibigay-kalayaan sa mga pribadong eskwelahan na magtakda ng kanilang matrikula na nagdudulot ng taun-taong pagtaas nito.5 Parang presyo ng langis, matrikula’y deregulated rin.

Hindi rin natin dapat kaligtaan ang Higher Education Modernization Act of 1997 (HEMA) na siya namang nagbibigay-permiso sa mga state colleges and universities (SCU’s) na ibenta o iparenta ang mga assets ng mga pamantasan (tulad ng lupa, building, intellectual property rights, atbp.) nang sa gayon ay matutong magsarili ang mga ito.6 Sa madaling salita, unti-unting inaabandona ng pamahalaan ang mga SUC’s lalo’t napatutunayan ng mga ito na kaya nitong magsarili at kumalap ng pondo mula sa mga pribadong korporasyon sa halip na igiit ang mas mataas na subsidyo mula sa gobyerno. Sa esensya, unti-unting iniaabandona ang mga SUC’s at sistematiko ring nagiging semi-privatized ang mga ito. Isang magandang manipestasyon ng HEMA ang nagmamagandang 7Eleven sa loob mismo ng kampus.

Sa ganitong kalagayan, napipilitan ang maraming mga kabataan na huminto na lamang sa pag-aaral. Ang mga kabataang ito, karaniwan, ay ang tinatawag nating jejemon (sila rin ang jologs ayon kay Roland Tolentino.)7 Dagdag pa:
Ito ang sub-uri ng lumpen-proletaryado, ang ayaw mong makasama sa public transport dahil ito ang inaakala mong magnanakaw ng iyong cellphone o notebook, ayaw mong makita sa mall dahil ito ang low-brow na manggugulo lamang, o pumapasok sa UP Fair para makipaggitgitan at makapasok ng libre. (Tolentino, 2010)
Dala-dala ng mga jejemon ang nabubulok na sistema ng edukasyon. Sila ang patunay na nananatiling kolonyal at komersyalisado ang edukasyon sa Pilipinas. Isinasantabi sa pamamagitan ng mga umiiral na patakarang pang-edukasyon ang mga kabataang binabansagang jejemon ng lipunan, silang mga tinanggalan ng karapatang magkaroon ng pormal na edukasyon. Samakatuwid, nagkakaroon ng hidwa sa pagitan ng mga uri may kakayanang magbayad nang mahal para sa sinasabing de-kalidad na edukasyon, at ng mga kabataang matagal nang inetsapwera ng lipunan at kaisipang  malakolonyal.

Gusto kong linawin na hindi ang sinasabing “pambabalahura” ng mga jejemon sa wikang Ingles o Filipino man ang nagsisilbing alingawngaw ng bulok na sistema ng edukasyon sa bansa. Sa halip, ang kulturang kanilang iginigiit at kanilang identidad ang nagsisiwalat ng nagnanaknak kalagayan ng maraming mga paaralan, pribado man o SCU, sa ating bansa.

Mga Tala


1 Dr. Francis Gealogo, Historian, Ateneo de Manila University, sa isang interbyu mula sa “Misedukasyon”
2 Basahin ang “Saan Tutungo ang Wikang Filipino Ngayong Binubura Ito ng Globalisasyon?” ni Bienvenido Lumbera, mula sa Filipino at Pagpaplanong Pangwika: Ikalawang Sourcebook ng SANGFIL, pinamatnugutan ni Pamela Constantino (Quezon: UP-SWF, 2005), pp. 261-265.
3 Tingnan ang opisyal na website ng Philippine Economic Zone Authority, http://www.peza.gov.ph/index.php?option=com_content&view=article&id=138&Itemid=167&nationality=American
4 Tingnan ang opisyal na website ng Cavite State University, http://www.cvsu.edu.ph/index.php?option=com_content&view=article&id=52&Itemid=56
5 Carl Marc Ramota, “Profit-makers Produce Mediocre Graduates,” http://www.bulatlat.com/news/5-5/5-5-graduates.html
6 Panoorin ang “Misedukasyon.”
7 Roland Tolentino, “Jejemon,” mula sa Pinoy Weekly, 3 Mayo 2010, http://www.bulatlat.com/main/2010/05/03/jejemon/