2010/08/23

Kaalyado ng mga Jejemon: Mga Jologs, Emo, Bekimon, at si Pedrong Maralita

“...Makikita nating ang paaralang pinapasukan ng isang estudyante ay nagpapahayag ng kanyang katayuang ekonomiko sa lipunan.” Ito ang obserbasyon ni Bienvenido Lumbera sa kanyang sanaysay na “Edukasyon Para sa Iilan: Kung Bakit Asal-mayaman si Pedrong Maralita” (1972). At kung gayon, makikita rin nating ang kawalan ng mapapasukang paaralan (sanhi ng sobrang taas na matrikula) ng isang estudyante ay nagpapahayag din kanyang katayuang ekonomiko. Hindi na makapag-aaral si Pedrong Maralita pagkat hindi kaya ng bulsa ang P1,000 kada yunit na tuition sa mga pribadong paaralan, ang naisakatuparan nang 300% pagtaas ng tuition sa UP o kahit pa ang nakaambang 2,000% paglobo ng tuition sa PUP.


Gayunman, makakahanap at makakahanap pa rin ng paraan si Pedrong Maralita para makipagsabayan sa ibang mga mag-aaral na kinakaya o may kaya talagang magbayad ng mahal na matrikula. Kung hindi sa mosh pit ng mga libreng rock concert sa plaza (halimbawa, ang mga emo o punk), sa mosh pit ng mga surplus goods sa ukay-ukay (jologs at jejemon), o di kaya’y sa mosh pit ng mga kompyuter at headset sa loob ng kani-kanilang mga cubicle (mga call center agent na bekimon) matatagpuang nakikipagsabayan sa kanilang mga kauri (at hindi kauri, ‘yung mga nasa mas mataas) ang mga peti-B na piniling magtrabaho na lamang sa halip na ipagpatuloy ang pag-aaral sa ilalim ng sistemang kolonyal at komersyalisado. Kung hindi sa mga eskwelahan, dito sila nakatatagpo ng puwang para igiit ang kanilang politikal at kultural na identidad at eksistensya.

Ang sapilitang pakikipagsabayan naman ang puwersang lulupigin ng mas mataas na uri. Kaya nga kundi pinagtatawanan ay inaalipusta ang mga jejemon, emo, at bekimon. Kagaya halimbawa ng pag-etsapwera ni Kris Aquino, na balik-Malakanyang ngayon bilang presidential sibling at nananatiling kabilang sa isa sa mga pyudal na angkan sa Pilipinas, sa promding basketbolistang asawang si James Yap na di hamak na mas bata, mas mahirap, at di-mayaman kumpara kay Kris.

Bibiguin ng mga jejebusters na magkaroon ng kontrol sa wika at kultura ang mga jejemon. Bibiguin ng mga konyong makapasok sa libreng pa-concert ng Myx o MTV ang mga jumping jologs, emo, at punk. Bibiguin ng mga yuppies na magkaroon ng panggitnang uring lifestyle ang mga bekimon. Samantala,  binibigo ng kasalukuyang sistema na matamasa ng maraming Pedrong Maralita ang karapatan nilang makapag-aral hanggat para sa iilan lamang ang edukasyon.

Taong 1972 pa nang ipamulat ni Lumbera sa atin:
Marahil, ang mga Pedrong Maralita na may hilig sa buhay-mayaman ay siya na ring hudyat ng pagbabagong darating sa ating lipunan. Sapagkat bigo ang mga ito sa pagpupunyaging makaakyat sa pamamagitan ng edukasyon, sila’y mulat sa katotohanang mapanlinlang ang pangakong ginhawa at kasaganaan ng edukasyon para sa iilan. Sa mga panahong darating, itutuon ila ang kailang tingin sa mga taong natatangi, at susuriin kung alin talaga ang batayan ng pagtatangi sa ating lipunan sa kasalukuyan. At makikita nila na walang ibang batayan kundi ang yaman at pag-aari. At kapag nakita nila ang katotohanang ito, makikiisang muli sila sa mga abang nasa ibaba upang makipagtulungan tungo sa pagpapantay-pantay sa lahat ng tao sa lipunan.