2011/01/06

Mga Dagli at Noynoy

Na-download ko mula sa online aklatan ni Mykel Andrada ang handout ukol sa pagsulat ng dagli. Mayroong writing prompt doon. Ganito ang ipinagagawa:

"Kunwari, crush mo ang pangulo ng Pilipinas. Gumawa ng sais o six-word story tungkol sa kanya."

Binago ko ito nang kaunti para maging mas magaan para sa mga estudyante ko sa hayskul (edad 13 hanggang 15).  Pinagawan ko ng dagli na binubuo ng 21 salita ang mga estudyante. Ganoon pa rin ang paksang iinugan, kunwari, patay na patay sila sa presidente ng Pilipinas. Ipagpalagay na makasama nila ito, ma-trap sila sa loob ng crucible o petri dish na metaporikal, ano kaya ang gagawin nila? Pagkakataon na nila ito para sunggaban ang presidenteng crush na crush nila kunwari. Ano ang mangyayari?

Narito ang ilan sa pinakamahuhusay na dagli na nilikha ng mga estudyante ko (pansining ang iba ay matulain pa nga):

Nagbrownout nang ika'y aking kasama sa gilid. Minimithi kong mga labi mong namumula-mula, kinain ko na parang ice cream sa apa. (Mikka Basa)

Pumasok sa kastilyong bahay, naupo sa rosas na sofa, kinausap na parang machine gun. Pag-uwi ay natulili na. ("Machine Gun" ni Flor Poblete)

Naaalala nang magtagpo sa panaderya, di alam kung bakit pinalampas pa. Para sa 'yo ako'y magiging tinapay na anytime pwedeng-pwedeng kainin. (Crisanta Canon)

Dito sa nag-aapoy na silid, sa aking tabi ika'y nanatili, parakung maubos ang oxygen, narito ako upang magbigay ng hangin. ("Oxygen" ni Andeng Rolloda)

Pumunta ako sa Malacanang, nakita ko siya, namula, kinilig. Hahalikan ko sana. Dumating, kasintahan niya. Tinulak ako at sinabihang kerida. ("Crush ko si Noy" ni Aira Arcilla)

Nakita ko si Gloria sa aking panaginip. Nakipag-usap ako sa kanya, kaya lang humarang ang aking ina. Ginising niya ako. ("Panaginip" ni Josua Salinas)

Isang araw ay nakasalubong ko si President Aquino. At aking agad siyang niyakap ngunit ako'y itinaboy ng kanyang mga bodyguards. (Joysha Franco)


Sa totoo lang, diring-diri silang gawin ang writing prompt na ito. Sino ba namang hindi madidiri sa isang mangangamkam ng lupa?