2011/02/15

Kung ang Gusto ng Pamahalaa'y Kaunlaran, Bakit Di Kami Kasama?

'Yan ang tanong ng 3,000 manininda, mga maralitanglungsod ng Kadiwa, ang sentral na pampublikong pamilihan sa Dasmarinas, Cavite. Nakatakdang idemolis sa ika-15 ng Pebrero, madaling araw, ang halos isang ektaryang ilang dekada nang kinatitirikan ng mga tindahan, maliliit na puwesto ng mga nagtitinda ng karne, gulay, at isda, mga naglalako ng iba pang produkto. Divisoria ng Cavite ang bansag sa Kadiwa, pagkat dito ang unang bagsakan ng mga kalakal mula sa mga karatig na probinsya.

Walang katapusang exodus

Maraming dekada na ang nakalilipas nang mapilitang mag-iskwat sa Maynila ang laksa-laksang mga pamilya mula sa iba't ibang probinsya sa Kabisayaan, Bikol, at iba pang rehiyon, bunsod ng kawalan ng lupang sasakahin. Madalas, kinakamkam ng mga panginoong maylupa ang karampot na sakahang kanilang ikinabubuhay. Sa ilalim ng tulay, sa ibabaw ng estero, sa tabi ng riles--sa mga lugar na ito, sila ay nag-jai ho. Sa paniniwala nila, mas maigi ang pamumuhay sa lungsod dahil doon, mas malapit sa eskwelahan at trabaho.

Sabi ng mga lumipas na pamahalaan, ang kaunlaran ay dapat bigyang-daan. At sa bawat planong pangkaunlarang inilalatag, kailangang may magsakripisyo. Sapilitang isinakripisyo ng mga nagdaang rehimen ang karapatan at kabuhayan ng mga promding iskwater. Winalis ang ilalim ng tulay, ibabaw ng estero, at tabi ng riles; ang iba'y sinunog na parang mga malulusog na talahib na kinakaingin. Ayon kay Tita Elvie ng KADAMAY, panahon pa ni Marcos nang ilipat sa DBB ang mga illegal settlers. Walang kabuhayan sa DBB at ang mga mamamaya'y walang tulong na tinanggap mula sa pamahalaan. Ngunit sa pamamagitan ng sama-sama pagkilos, natutuhan nilang kumayod--nagdilig ng dugo sa putik na kinasadlakan kung kinakailangan.

Ngayo'y nagbabanta na namang sila ay mapalayas mula sa lupang kanilang pinagyaman. Walang malinaw at tiyak na relokasyon.

SM: Tanda ng kaunlaran?


Taong 2009 pa nang mabalitaan ng mga residente ang nilulutong plano sa pagitan ng pamahalaang bayan ng Dasmarinas at ng SM Prime Holdings. Bilang bahagi ng "pag-unlad" ng Dasma at ng pagsasalungsod nito, kailangang mapalitan na ng isang bongga at airconditioned na pamilihan ang Kadiwa. Ngunit, ngayong taong 2011, ilang buwan makalipas ang pagkapanalo ni Noynoy Aquino, tiyak na matutuloy na ang proyekto. Isasapribado na ang Kadiwa Public Market at ipauupa ito sa malaking burgesya komprador para tayuan ng Savemore Hypermart. Halos 3,000 maliliit na negosyante at maninida, tribike, at tricycle drivers, mga mangangalakal mula sa kalapit na talipapa at grocery stores ang tatamaan ng nasabing "kaunlaran." Limampung taon (50) na long-term lease agreement ang pinirmahan at pinagtibay sa pagitan ng lokal na pamahalaan at ng SM Prime Holdings ng mga Sy.

Nagkaroon na ng diyalogo sa pagitan ng alyansa ng mga manininda ng Kadiwa at ng KADAMAY, at ng lokal na pamahalaan at SM Prime Holdings. Ngunit matikas ang butihing mayora sa kanyang desisyong tuluyan nang isapribado ang palengke. Maaari pa rin naman daw kasing makapagtinda ang mga mamamayan sa Hypermart na itatayo--kinakailangan lang ay makabayad ng PhP3,000.00 kada buwang renta, 6 na buwang security deposit na may halagang PhP3,000.00 rin kada buwan, bukod pa ang tubig, ilaw at lisensya, buwis, at iba pang bayarin. Kayanin kaya ng mga manong at manang na magbayad ng ganito kalaking halaga?

Tunay na kalagayan sa likod ng kompyutasyon


Sa halagang PhP8 M kada taon ay ipauupa sa SM ang naturang palengke. Sabi ng pamahalaang lokal, makakatulong daw ito para mabayaran ang mga pagkakautang. Kung tutuusin, tubong lugaw ang SM pagkat kikita sila ng halos PhP17 M sa PhP25 M na makokolekta nila mula sa upa ng mga manininda, hindi pa kasama ang tutubuin ng SM sa parking space, terminal ng PUV, at mga merchandise sa loob ng malamig na supermarket.

Kung paiigtingin at isasaayos lamang ng lokal na pamahalaan ang pangongolekta ng buwis at pagpapatakbo ng palengke, sa PhP50.00 na upa kada araw ay tiyak na makakatipon ito ng PhP27 M kada taon, higit na malaki kaysa PhP8 M lamang na iuupa ng SM Prime Holdings. Sa ganitong paraan, masisiguro ring mayroong kabuhayan ang mga mamamayan ng Dasma. Sa pamamagitan din ng pondong ito, lalo pang mapauunlad ang mga serbisyong sosyal gaya ng pagamutan at edukasyon para sa mga residente.

Save us, NOT Savemore


Tiyak na masasagasaan ang kabuhayan ng nakararaming mamamayan ng Dasma, at maaapektuhan din ang mas marami pang mamamayang nakikinabang mula sa pampublikong pamilihang Kadiwa. Maaaring maganda sa paningin ang pagkakaroon ng sosyal na Savemore sa pusod ng Dasma, ngunit kung susuriing maigi, aalingasaw ang mabahong epekto ng planong pangkaularan, ng pakikipagsabwatan ng pamahalaan sa mga pribadong korporasyon. Papatayin nito ang kabuhayan at karapatan ng maraming maliliit na Pilipino. Dadanasin ito kahit ng mga magiging apo pa lamang ng mga mamamayan ng Dasma.

Sino bang ayaw sa kaunlaran? Sino bang ayaw umunlad? Ang mga manininda sa Kadiwa ay kaisa ng pamahalaan sa paghahangad ng kaunlaran. Ngunit paano kung ang "kaunlarang" ito ay pakikinabangan lamang ng iilan? Kaninong interes ba ang pinangangalagaan ng pamahalaan--ang interes ng malawak na mamamayan o ang interes ng mga naghaharing uri?

Sa pagbabalik sa kasaysayan, makikitang ang nagpalago sa dati'y maputik na Dasmarinas Bagumbayan ay ang mga mahihirap na mamamayang maraming beses nang inagawan ng karapatang makapagtrabaho ng marangal at mamuhay nang disente. Silang mga maliliit na manininda ng Kadiwa ang nagpagod at nagpalago ng Kadiwa, kaya't dapat lamang na sila ang makinabang sa lupang pinaglaanan nila ng dugo at pawis.

Hindi naman ako manininda, ni hindi taga-Dasma, pero damay ba ako?


Ang usapin sa pagsasapribado ng pampubikong palengke ay hindi iba sa usapin ng hakbang-hakbang at sistematikong pagsasapribado ng mga serbisyong sosyal sa bisa ng Public-Private Partnership na proyekto ng rehimeng US-Aquino. Maingay sunod-sunod at walang humpay ang pangangalampag ng mga kabataan at kaguruan sa lansangan upang itambol sa pamahalaan ang mariing pagtutol sa unti-unting pagsasapribado ng sistema ng edukasyon sa ating bansa. Nauna nang itinaas ang matrikula sa UP nang hanggang 300% maging sa iba pang state universities and colleges (SCU's), taun-taon ang pagkaltas sa badyet sa edukasyon, walang habas din ang pagtaas ng tuition sa mga pribadong pamantasan.

Tungkulin ng mga kabataang makilahok at makialam sa isyung kinakaharap ng mga maralitang manininda. Ang kanilang ginagawa ay pakikipaglaban para sa karapatang--isang bagay na siya rin namang dapat nating binabantayan at itinataguyod. Sabi nga ni Simoun, "ang buhay na hindi iniuukol sa dakilang layunin ay walang saysay--tulad ng batong ni hindi magagamit sa pagtatayo ng bahay."

Tutulan ang demolisyon! Ipaglaban ang karapatan sa buhay at kabuhayan!