2011/03/25

Ano'ng Tula?*

Sa panahon ng facebook at globalisasyon, ano pa nga ba ang silbi ng tula? May bisa at kapangyarihan pa ba ang tula? At bakit masigasig pa rin ang maraming kabataan sa paglikha ng tula?

Sa UP Diksiyonaryong Filipino (2001), nakatala ang kahulugan ng tula:
1. akdang may mga taludtod, lalo na ang may nalinang na anyong pampanitikan, natatangi sa masidhing gamit ng salita at ritmo upang ipahayag ang isang malikhaing pagtingin sa isang paksa;
2. akda na bagaman malayang taludturan ay natatangi sa napakagandang wika at kaisipan.

Ang makita ang mga bagay-bagay sa paligid sa paraang di karaniwang nakikita ng ordinaryong mga mata (o nararamdaman ng alinmang pandama ng mga ordinaryo) ay katangi-tangi sa mga makata, “malikhaing pagtingin sa isang paksa” ang tawag dito ng UP Diksiyonaryong Filipino. May kakayahan ang makata, sa isang espesyal/kakaiba/katangi-tanging paraan, na ipakita sa kanyang mambabasa ang iba’t ibang bagay na nasa paligid, tungkol sa buhay, o sa lipunang parehong ginagalawan ng manlilikha at mambabasa. Naipapahayag ito ng makata sa isang malikhaing paraan. Kaya niyang laruin ang mga salita. Alam niya kung aling mga salita ang pipiliin, aling salita ang akmang gamitin para lubos at tiyak na maiparating ang kanyang mensahe. Sa pamamagitan ng iilang mga salita, laging higit sa literal na antas ang kahulugang kanyang nalilikha. Para magawa ito, gumagamit siya ng mga tayutay o talinghaga (simile, metapora, hyperbole, ironya, personipikasyon, oxymoron, atbp.).

May mga makatang komportable sa tulang mayroong tugma at sukat. Tradisyonal na paraan ito ng pagsulat ng tula. Ang tugma ay tumutukoy sa “...pagpapare-pareho ng tunog sa dulo ng dalawa o mahigit pang taludtod” (Almario, 1991). Ibig sabihi, sa tula, dapat ay magkakatunog ang mga dulong ponema (bagamat sa kasalukuyan ay may tinatawag na ring “internal rhyme,” ibig sabihin, maaaring sa gitna o sa loob ng mga taludtod ay maaaring magkaroon ng mga ponemang magkakatunog). Samantala, ang sukat naman ay tumutukoy sa “...bilang ng pantig sa loob ng isang taludtod” (Almario, 1991). Dapat, pare-pareho ang bilang ng mga pantig sa bawat linya ng tula—kung mayroong 12 pantig sa unang linya, dapat ay may ganitong bilang ang bawat linya. Sa katutubong sining ng pagtula, nagiging tula ang tula dahil sa dalawang mahahalagang sangkap na ito. Importante ang tugma at sukat dahil ang mga ito ay nakakatulong para madaling maalala o masaulo ng mga mamamayan ang tula lalo na sa panahon ng oral na panitikan. Madaling naisasalin ang mga tula (epiko o awit, atbp.) sa mas batang henerasyon sa tulong ng tugma at sukat. Kumbaga sa kanta, nakaka-LSS (last song syndrome). Halimbawa:

(Salawikain)

Obos obos biyaya (7)
Bucas nama, i, tunganga. (7)


(Salawikain)

Ang sugat ay cun tinangap (8)
di daramdamin ang antac, (8)
ang aayao, at di mayag (8)
galos lamang magnanacnac. (8)

Mapapansing ang unang salawikain na nasa itaas ay mayroong sukat na pipituhin (7 pantig) samantalang ang ikalawa naman ay wawaluhin (8 pantig). Ang dulong tunog ng unang salawikain ay /â/ (may impit na tunog o glotta stop). At ang ikalawang salawikain naman ay mayroong tugmang malalakas. Kabilang sa tugmang malalakas ang mga ponemang /b, k, d, g, p, s, t/. Itinuturing namang may mahinang tugma ang mga tunog na /l, m, n, ng, r, w, y/ (Almario, 1991). Ang kalakasan o kahinaan ng tugma ay nakabatay sa buka ng bibig o kislot ng mga labi at iba pang bahagi ng bibig na nakakatulong sa paglikha/pagbigkas ng tunog, kasama rin ang paglabas ng hangin. (Tandaang hindi nangangahulugang mahina na rin ang tula kung mahinang tugma ang gagamitin.)

Katutubong mga tula ang nasa itaas. Ang tulang mayroong tugma, pipituhin ang sukat at may apat na linya o taludtod ay tinatawag na tanaga. Samantala, ang tulang mayroon namang wawaluhing sukat ay tinatawag na dalít (mabilís). Marami pa ring gumagawa ng mga tulang mayroong katutubong anyo sa kasalukuyan. Sa ganitong paraan, naipakikilala sa mga kabataan ang mayamang kasaysayan ng sinig ng pagtula ng mga Pilipino at sa gayo’y napananatili ang katutubong paraan ng pagtula. Halimbawa:

Kabaret
Rio Alma

Ang sabi ko, Maganda ka.
Ang sabi mo, At di mura.
Ang sabi ko, Gusto kita.
Ang sabi mo, Bayad muna.

Pinakamahalagang sangkap ng tula ang talinghaga. Ito ang balong nagluluwal ng iba’t ibang antas ng kahulugang maaaring mahiwatigan sa o ipahiwatig ng tula. Kadalasan, mayroong central image ang tula—at gaya ng kasasabi lang, ito ang nagsisilbing balon ng kahulugan. Para maigiya ang mambabasa tungo sa gustong ipahiwatig ng makata, mahalaga na ang mga salitang gagamitin sa tula ay kaugnay, kapamilya o ka-universe ng central image. Halimbawa, kung ang central image ay “bigas,” malamang ang mga ka-universe nito ay “binabayó, “kinikiskis,” “pinipili,” “hinuhugasan,” “isaing,” atbp. Tingnan ang halimbawa:

Sining ng Pagtula
Jose F. Lacaba

Kung baga
sa palay, ang tula
ay binabayo o kinikiskis,
saka tinatahip, bago
ialok sa madla.

Kung baga
sa bigas, ang tula
ay pinipilian at hinuhugasan
bago isaing.

Panghalo sa kaning-baboy
ang hugas-bigas, patuka
sa manok ang piniling palay,
ibinubudbod sa lupa
ang ipa at bato.
Ang inihahain sa mesa
ay kaning umaaso.

Kung baga sa bigas,
hindi rin naman mainam sa tula
ang sobrang kiskis at kinis.
Malinamnam ang milagrosa,
pero masustansya
ang bigas na pula.

Sa ars poetica ni Jose Lacaba na “Sining ng Pagtula,” “bigas” ang central image na iniinugan ng iba pang mga salita at pahiwatig sa tula. Ipagpalagay na ginamit ang salitang “nata de coco” o kaya’y “tsinelas,” magiging chopsuey ang tula at mababawasan ang bisa nito sa mambabasa. Madaling nauunawaan ng mambabasa sa literal na antas ang tula ni Lacaba, pero higit pa sa literal ang ipinahihiwatig nito. Pinakamakintal ang mga pinakahuling taludtod: “Kung baga sa bigas,/...Malinamnam ang milagrosa,/ pero masustansya/ ang bigas na pula.//” Ipinahihiwatig ng persona (ang nagsasalita sa tula) sa tula na higit na “masustansya,” higit na mabuti ang “bigas na pula,” literallu; metaphorically, higit na “masustansya” ang mga tulang “pula,” o ang mga tulang nagsusulong ng mapagpalayang ideolohiya at nagmumulat ng sambayanan.

Balikan ang mga salawikain sa itaas. Mapapansing tila nangangaral ang mga ito. Ang mga naunang mga makata ay inilalagay ang mga sarili sa posisyong sila ay tila “mas mataas” at mas marunong, at kung gayo’y may “K” (karapatan) na magmarunong hinggil sa mga bagay-bagay sa buhay ng tao. Kapuna-puna ito maging sa awit na Florante at Laura ni Balagtas. Hitik sa aral ang kanyang pinakasikat na akda. Halimbawa:

Saknong 246 ng Florante at Laura
Francisco Balagtas

Kung ang isalubong sa iyong pagdating
ay masayang mukha’t may pakitang giliw,
lalong paingata’t kaaway na lihim,
siyang isaisip na kakabakahin.

Kaya’t di na nakakapagtaka kung bakit ang karaniwang paraan ng pagbasa sa panitikan, o sa tula sa partikular, ay nakaangkla sa moralistikong pananaw—ibig sabihin, may kakayahan ba ang tula na magturo ng aral, ng konsepto ng tama’t mali sa taumbayan? Sa katunayan, ayon kay Reyes (2005), “nag-uugat ang ganitong pagpapahalaga sa paniniwala na ang panitikan, upang maging mahalaga, ay dapat na bukal ng mga aral na maaaring magkabunga sa buhay. Ito ang moralistikong pananaw.”

Bilang tugon sa moralistikong pananaw, nailuwal ang mga formalista—higit na nagsasaalang-alang sa porma o anyo ng tula kaysa sa nilamaman o paksa. Sa formalismo, itinuturing “ang akda bilang likha...isang artifact, isang bagay na dumaan sa malikhaing proseso; isa itong daigdig na may sariling mga batas at alituntunin na siyang nagbibigay kahulugan dito” (Bennett at Jameson, ipinaliwanag ni Reyes, 2005). Sa madaling salita, naniniwala ang mga formalista na ang tula ay may sariling mundong malayo sa mundong ginagalawan ng lumikha nito—lutáng, detached. Sa kanila, higit na mahalaga ang sangkap, ang anyo kaysa sa nilalaman. “Art for art’s sake” ang mantra nila. Dagdag pa ni Reyes (2005), “Hindi utile (o pagiging isang gamit o instrumento), kundi dulce (kasiyahan o aliw na estetiko) ang layuning linawin ng Formalismo.” Keber kung may makapangyarihang magsulong at magmulat ang tula. Ang importante’y ang “aliw na estetiko” na mahihita mula rito.

Lubhang nakalilimita ang ganitong pagtingin sa tula lalo na sa isang bansang maraming naghihirap. Kaya’t sa bayang Pilipinas, may di matitibag na puwang ang mga tulang “pula,” ang mga tulang mapagpalaya. Pansinin ang tula ni Jesus Manuel Santiago:

Kung ang Tula ay Isa Lamang
Jesus Manuel Santiago

Kung ang tula ay isa lamang
pumpon ng mga salita,
nanaisin ko pang ako'y bigyan
ng isang taling kangkong
dili kaya'y isang bungkos
ng mga talbos ng kamote
na pinupol sa kung aling pusalian
o inumit sa bilao
ng kung sinong maggugulay,
pagkat ako'y nagugutom
at ang bituka'y walang ilong,
walang mata.
Malaon nang pinamanhid
ng dalita ang panlasa
kaya huwag,
mga pinagpipitaganang makata
ng bayan ko,
huwag ninyo akong alukin
ng mga taludtod
kung ang tula ay isa lamang
pumpon ng mga salita.

Aanhin nga naman ng maralita ang tula kung ito ay isa lamang “pumpon ng mga salita,” kung puro dulce lamang. Kinikilala ng makatang may malasakit sa lipunan ang mahalagang papel ng panulat sa pagtutulak ng ganap na pagbabagong panlipunan. Sabi nga ni Tolentino (2009):
...ang pagsusulat ay gawaing politikal. Kapag sinabing ‘politikal,’ mayroong itong nais baguhin at itransporma, layuning nais makamit, at lipunang nais marating. Ibig sabihin, mayroong mas egalitaryong kalagayang naroon sa makakamit na hinaharap kaysa sa kasalukuyan. Mas magandang tanawin ang ‘doon’ kaysa ang ‘dito.’ Pero kailangan pa ring gamitin ang lente ng ‘dito’ para makita ang hangganan ng ‘doon.’
Sumusulat ang makata hindi para makaraos lamang, hindi para ilabas ang sama ng loob, lungkot, o kilig na nararamdaman. “Magsalsal ka na lang!” ang sasabihin ng guro kung ikaw ay magsusulat para lamang mailabas ang personal na sentimyento, kung ikaw lamang ang makikinabang sa iyong tula, kung hindi naman ito makakatulong para maunawaan ng masa ang tunay na kalagayan ng lipunan, para malaman nila kung bakit “mayaman ang Pilipinas pero naghihirap ang sambayanang Pilipino.” Bakit hindi makipagtalik? Hindi ba’t sa pakikipagtalik ay dalawa kayong liligaya? Ang paglikha ng tula ay pakikipagtalik sa mambabasa, pakikipagtalik sa mambabasa. Dahil sa pakikipagtalik ay maaaring makabuo ng panibagong buhay na iluluwal sa pamamagitan ng madugong panganganak—rebolusyon. Paalala ni Tolentino (2009):
Nagsusulat tayo dahil may politikal tayon layunin; lampas ito sa sarili. Nagsusulat tayo dahil may nais tayong baguhin. Mayroon tayong sarili at kolektibong bersyon ng isang mas matiwasay na lipunan sa hinaharap. Nagsusulat tayo dahil kailangan natin at ng lipunan. Nagsusulat tayo ng buhay para mabuhay. Pinili natin ito. Panindigan natin ito.

Mga sanggunian

Almario, Virgilio. 1991. Taludtod at Talinghaga: Mga Sangkap sa Katutubong Pagtula. Pasig: Anvil.

Almario, Virgilio, pat. 2001. UP Diksiyonaryong Filipino. Lungsod Quezon: UP-SWF at Anvil.

Lacaba, Jose. 2002. Kung Baga sa Bigas: Mga Piling Tula. Lungsod Quezon: UP Press.

Reyes, Soledad. 2005. “Mga Puwang sa Pagitan ng Laman: Ang Makabagong Teorya.” A Dark Tinge to the World: Selected Essays (1987-2005). Lungsod Quezon: UP Press.

Tolentino, Roland. 2009. “Tatlong Tesis sa Pagsulat.” Pag-aklas/Pagbaklas/Pagbagtas:Politikal na Kritisismong Pampanitikan. Lungsod Quezon: UP Press.




*Binigkas sa 2nd Regional Cultural Youth Camp ng Kabataan Partylist-ST, Southern Tagalog Cultural Network, Anakbayan-ST, CEGP-ST, at NUSP-ST noong Mayo 2011.