2011/05/10

Bakit Sinusunog ang Effigy?*

Ano ang effigy at bakit ito sinusunog?

Ang effigy ay isang three-dimensional na likhang sining na karaniwan ay gawa sa papel o karton. Maituturing itong isang eskultura. Kadalasan ay nasa pitong talampakan o higit pa ang malalaking effigy. May mga maliliit na effigy rin na ginagamit bilang maskara o kaya’y headdress. May dalawang paraan ng paggawa ng effigy—ang mabilisan at matagalan. Ang mabilisan at simpleng effigy ay karaniwang gumagamit ng karton o chickenwire (o kaya’y manipis at makapal na kawad) bilang base o pundasyon. Ang matagalan at malaking effigy naman ay gumgamit ng putik o clay bilang hulmahan.

Mula sa Arkibong Bayan
Isang representasyong may eksaheradong hugis at anyo ang effigy. Sa paggawa ng effigy, isinasaalang-alang ang mga matitingkad na pisikal na katangian ng personalidad na pagbabatayan—halimbawa, ang malalaking ngipin at prominenteng nunal sa mukha ng dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay lalo pang pinalalaki at ginagawang prominente sa effigy. Kumakatawan ang effigy sa isang kilalang personalidad, gayon din sa mga bitbit na interes at intensyon ng personalidad na ito. Kaya nga gumgamit ng mga imaheng kongkreto, karaniwan o madaling makilala bilang metapora sa personalidad na ginagawan ng effigy—halimbawa, matatandaang si Gloria Macapagal-Arroyo ay ipinakita bilang daga, buwitre, Hitler, bulldozer, tuko, atbp. Nagkakaroon ng malinaw na biswal na paglalantad ng katangian ng personalidad, ng pangulo ng bansa halimbawa, kapag iniuugnay, idinidikit o idinudugtong ang mga pisikal at prominteng katangian ng bagay (o hayop) sa personalidad—halimbawa, si Gloria Macapagal-Arroyo bilang tuko. Ang effigy na ito ay may katawan ng higanteng tuko pero may ulo ni Gloria. Sa ganitong paraan ay naipapakita ng mga manggagawang pangkultura sa malikhain at matalinong paraan ang damdamin ng malawak na mamamayan.

Dati nang ginagamit ang mga effigy sa pagpapahayag ng kolektibong damdamin. Sa Angono, Rizal, panahon pa ng kolonyalismong Kastila ay gumagawa na ng effigy ang mga tagaroon. Ang mga higantes ng Angono ay orihinal na nilikha hindi para i-promote ang turismo sa kanilang bayan kundi bilang protesta sa mga mananakop na Espanyol, partikular sa mga represibong patakaran at pasistang polisiya ng mga prayle at opisyal. Gayon din sa lalawigan ng Quezon—ayon sa kuwento, "ang Higantes ay porma rin ng protesta ng mga magsasaka sa kanilang mga lokal na landlord na ganid at matakaw sa partihan sa ani. Kaya sa isang panahon ay mga mukha ng panginoong maylupa ang pinu-portray ng mga Higantes sa Rizal" (komento ni Axel Pinpin).

Ginagamit ang effigy sa propaganda o sa pagsusulong ng interes ng uring anakpawis. Ang malaki at makulay na effigy ay madaling nakatatawag ng atensyon ng midya at ng karaniwang mamamayan. Sa pamamagitan ng midyang magtututok ng atensyon sa effigy ay madaling naipapahatid sa malawak na masa ang mensahe at hinaing ng sambayanan. Hinihikayat din ng effigy ang ordinaryong Juan dela Cruz na mag-usisa at magtanong hinggil sa ipinaglalaban ng mga mamamayan. Ang effigy ay nakakatulong din para lalong maahita ang masa. Pinatitingkad pa nito ang makabayang damdamin ng taumbayan.

Masikap na ginagawa ang effigy. Kung gayon ay bakit kailangan pa itong sunugin?

Sa sinaunang sibilisasyon, sinusunog ang mga effigy sa paniniwalang kasama nitong maaabo ang masasamang espiritu. Sa kasalukuyang panahon, mayroon nang materyalistang (sa halip na ideyalista) dahilan kung bakit sinusunog ang mga effigy, simbolo ito ng pagkondena sa represibong kalagayang lalo pang pinaiigting ng palasak na sistemang panlipunan.

Simboliko ang akto ng pagsusunog ng effigy, taliwas sa paunang impresyon ng iba, hindi isang tradisyon o ritwal ang pagsusunog. Hindi ito ginagawa para lamang diwa ng pagsusunog. Ang mga effigy ng papet na pangulo ay karaniwang sinusunog dahil simbolikong ipinapakita ng aktong ito ang nag-aalab na damdamin ng malawak na aping mamamayang tutol sa pag-ibayo ng politikal, ekonomiko at kultural na impluwensya at kontrol ng Imperyalistang US. Inilalarawan ng apoy na tumutupok sa effigy ang nagbabagang kasidhian ng layunin ng mamamayan na wakasan ang pandudusta at pang-aalipin ng naghaharing pwersa na siya namang kinakatawan ng papet na pangulo. Madalas at taun-taon itong ginagawa sa SONA (state of the nation address) ng pangulo dahil hindi nagkakaroon ng tunay at ganap na pagbabago sa kondisyon ng maraming Pilipino. Hanggat nananatiling malapyudal at malakolonyal ang lipunan, magpapatuloy ang simbolikong pagsusunog ng effigy sa lansangan.

*Mababasa sa modyul sa paggawa ng effigy na inihanda nina Andang Juan at Caloy Gernale para sa UGATLahi Artist Collective.