2011/06/25

Kapag Nandito ang mga Dayuhang Turista, Tayo ang Nag-a-adjust?

Tinanong ako ng estudyante kanina sa klase, "Bakit po kapag tayong mga Pilipino ang pumupunta sa ibang bansa, halimbawa sa US, pinag-aaralan natin ang wika nila, pero kapag naman sila[ng mga Amerikano at iba pang dayuhang turista] ang bumibisita sa bansa natin, wika pa rin nila ang ginagamit natin?"

Napakahusay ng tanong lalo na kung isasaalang-alang na unang araw pa lamang ito ng klase at hindi pa nga namin pormal na sinisimulan ang semestre. Dapat sana'y ako ang magtatanong ng ganoon sa mga estudyante pero naunahan ako ng isa sa kanila. Masarap sagutin ang tanong niya--bakit nga ba tayo ang umaangkop sa wikang ginagamit ng mga turista, di-magkadaugaga ang mga dila natin sa pagbigkas ng "How do you find the Philippines? We hope you enjoy your stay here. Thank you, come again!" Hindi nababahala ang mga turista na maliligaw o maloloko sila dito dahil una, pinagmamalaki ng estado na Pilipinas ang pangunahang bansa sa Asya na gumagamit ng Ingles; at ikalawa, kilala raw ang mga Pilipino sa pagiging "hospitable."

Pinasagot ko ang tanong sa isa pang estudyante, ang sabi niya: "Siguro po, kaya ganoon ay dahil kolonyal mag-isip ang mga Pilipino." Tama naman, may malalang kaisipang kolonyal nga tayong mga Pilipino pero hindi tamang isisi sa mga Pilipino kung bakit kolonyal tayo mag-isip. (Hindi rin kasalanan ng mga mamamayang Amerikanong bumibista bilang turista dito sa bansa natin kung bakit sa halip na sila ay tayong mga tagarito ang umaangkop sa pangangailangang pangkomunikasyon/pangwika nila.)

Sa puntong ito, balikan natin ang kasaysayan. Maaalalang nasa kasibulan ng kanyang pagpasok sa monopolyo kapitalismo ang Estados Unidos (EU) at sa panahong ito ay nagpapalawak na ito ng teritoryong maaaring paglagakan ng sobrang produkto at pagkunan ng murang lakas-paggawa at hilaw na materyales. Ito ang panahong naging direktang kolonya ng EU ang bansang Pilipinas. Ang napakagandang lokasyon ng Pilipinas ay makakatulong sa monokapitalistang EU na makapagpalawak pa ng impluwensya sa Asya. Kontra-rebolusyonaryong dahas at panlilinlang ang ginamit ng monokapitalistang EU para salakayin at sakupin ang bayan natin. Ang pagdating ng mga bagong kolonisador ay nangangahulugan ng pagtatag at pagpapanatili ng kolonyal at malapyudal na katangian ng ekonomya sa Pilipinas. Sa ilalim ng tuwirang panghahari ng bagong mananakop, pinanatiling atrasado ang pagsasaka sa kanayunan.

Dahil sa papalakas na rebolusyonaryong pwersa sa Pilipinas at sa iba pang panig ng mundo (halimbawa, sa Cuba at Vietnam), napilitan ang monokapitalistang EU na lubayan ang direktang pamamahala sa mga kolonya nito at sa halip ay idelolonisa (dekolonisasyon) ang mga bansang sakop sa pamamagitan ng pagtatag ng mga papet na gobyerno. Kaya't ang Pilipinas ay naging neokolonya o di-tuwirang kolonya ng monokapitalistang EU. Nagpatuloy ang pagpasok ng sobra-sobrang kapital sa bansa at pinalobo naman ang reserbang hukbo ng lakas-paggawa.

Kung sino ang kumokontrol sa base (ekonomiya) ay siya ring nakapagtatakda at nagiging mapagpasya sa superstructure (politika at kultura). Nagpatalo ang pamunuang Aguinaldo sa kanilang mga burges na tendensya ng mahikayat silang "makipagtulungan" sa kolonisador na Amerikano kapalit ng "awtonomya." Sa ganitong paraan ay nagkaroon ng signipikanteng impluwensya ang monokapitalistang EU sa politika. Sa panahon naman ng dekolonisasyon, naseguro ng imperyalista ang kanilang kontrol sa bansa sa pamamagitan ng pagtatatag ng pamahalaang Komonwelt.

Matatandaan ding sa ilalim ng kolonyalismong Amerikano, kinakitaan ng kasigasigan ang mga mananakop sa pagpapalaganap ng wikang Ingles at kaisipang kolonyal. Naisagawa ito sa pamamagitan ng pagtatag ng pampublikong sistema ng edukasyong nagtataguyod ng kaisipang paborable sa mga kahingiang pang-ekonomya ng imperyalistang bansa. “Mahinahong pagpapasuko” ang tawag ni Bienvenido Lumbera dito. Ang maka-Kanlurang oryentasyon at pananaw ay bunga ng matagal na panahong paghubog ng imperyalistang EU sa kulturang Pilipino.

Hinubog ng imperyalistang Estados Unidos ang dilang Pilipino ayon sa pangangailangan nito. Sa panahon ng nabubulok na yugto ng kapitalismo, malinaw na kailangan ng EU ang mga manggagawang “madaling makakaintindi” sa mga patakaran nila. Kaya nga sa kasalukuyang panahon, ipinangangalandakan, sa pamamagitan ng mga higher education institutions, ng CHEd, DepEd (sa pamamagitan ng K+12) at TESDA, ang paniniwalang dapat maging “globally competitive” ang mga kabataan, ang susunod na henerasyong dadagdag sa reserbang hukbo ng lakas-paggawa. Bukambibig ng mga eskwelahan ang pagiging “globally competitive” habang ibinabandera ang iba’t ibang kursong batay sa “pangangailangan” ng global market (nursing, caregiving, information technology, hospitality management, tourism management, atbpang kahalintulad na kurso). Sa kasalukuyang kairalan, pinaniniwala ang mga kabataang Pilipino na ang daan tungo sa pagiging “globally competitive” ay ang pagiging English proficient.

Laganap ang mga tinatawag na “English speaking zone” at/o “English only policy” sa mga eskwelahan. Sa katunayan, may mga eskwelahan pa ngang nagpapataw ng multa sa mga hindi makasusunod sa mga patakarang ito. Sa maagang punto pa lamang ay inihahanda na ang mga kabataan sa kaisipan at gawing “global.”

Maaalalang ang dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay nagpatupad pa nga ng Executive Order No. 210 na nag-aatas na Ingles ang maging opisyal na wikang panturo sa mga paaaralan. Ang katwiran—para daw maging “globally competitive” ang mga estudyante. Maraming kabataan ang nangangarap na makapagtrabaho sa ibang bansa. At ang gusto ng estado ay maging “proficient” ang mga kabataan sa Ingles para mangyari ito. Sa prosesong ito, napababayaan naman ang wika ng masa, ang wikang pambansa.

Mauunawaang sa pagpapalaganap at pagpapaunlad ng wikang pambansa, malaki ang papel na ginagampanan ng sentro ng kapangyarihang pampulitika. At dahil mayroong malakas na impluwensya ang imperyalistang Estados Unidos sa sentro ng kapangyarihang pampulitika sa bansa natin, hindi nabibigyang-puwang ang paglinang sa wikang pambansa. May mga ginagawa ang iba’t ibang pamantasan para sa pagpapaunlad ng wikang Filipino, pero walang kaisahan ang mga ito.

Hanggat ang kapangyarihang pang-ekonomya ay nasa kamay ng dayuhan at lokal na naghaharing-uri, mananatiling nakaguhit ang kulturang Pilipino sa palad ni Uncle Sam.