2011/08/17

Pag-uwi sa Lupang Ramos

Kung makakausap ko si Nanay, sasabihin ko sa kanya: "Huwag kang mag-alala, mabuti ang aking lagay. Maraming akong pwedeng tawaging Nanay. Maraming nanay nag-aalaga sa akin. Naroon sila sa Lupang Ramos."


Nung isang Sabado ay bumalik kami ni Caloy Gernale, isang visual artist, sa Lupang Ramos, isa sa natitirang lupang sakahan sa lalawigan ng Cavite. Dumalaw kami roon para maghatid ng regalo--isang painting na may pamagat na "Pasan" (2011, acrylic lacquer on canvas, naunang ineksibit sa Vargas Museum). Nakapinta sa painting na ito ang imahen ng maralitang magsasakang may sunong na sako ng tubo, nakasalabit sa pagitan ng mga tubo ang laso na kulay dilaw at may bahid ng dugo, tambutso ng pabrika, at likong kalsada. Sa pagbuhat, tila hirap na hirap ang pawisang magsasaka. Ipinahihiwatig ng painting ang hirap na dinaranas ng uring anakpawis sa ilalim ng panginoong maylupa at ngayo'y pangulo ng Pilipinas na si Aquino.

Nakita ko uli ang mga Nanay at Tatay ko sa Lupang Ramos, mga matatandang lider-magsasaka sa Lupang Ramos. Medyo nanibago ako sa hitsura ng Lupang Ramos--noong huli akong pumunta doon ay mainit ang panahon, maalikabok ang tuyong lupa at bakante ang tubuhan/maisan/palayang kagagapas lamang. Ngayo'y maputik ang taas-babang daan, matingkad ang kulay ng lupa gayon rin ang kulay ng nagtataasang mga mais at tubo. Kuwento ng kanilang pangulong si Tatay Dolen, sa Lunes e aanihin na raw ang mga tubo. Ang mga mais ay puti na kaya't maaari na ring anihin.

Bukod sa banta ng pagpapalita-gamit ng lupa (land use conversion) at pangangamkam, may dagdag at kaugnay pang suliraning kinakaharap ang mga taga-Lupang Ramos. Napaliligiran ng mga pabrika, bukod pa sa mga golf course at shopping mall ang Lupang Ramos sa Dasmarinas, Cavite. Banta sa kaligtasan ng mga pananim at lalo na ng mga residente ay ang epektong dulot ng mga itinatambak ng toxic waste mula sa mga pabrika (sa loob at labas ng Cavite). Sa katunayan, napabalita pa nga sa telebisyon ang dram-dram na mga toxic na basurang basta na lamang iniwan sa bakanteng loteng malapit sa mga residente at mga taniman. Kung di matutugunan ay maaaring makontamina ang tubig sa ilog na siyang pinagkukunan ng inumin at pinagmumulan din ng patubig para sa mga pananim.

Higit sa problemang pangkalikasan na kinakaharap ng mga magbubukid ay ang matagal na panahon nang pagsasamantala sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan. Pinapayagan ng pamahalaang magmay-ari ng lupa ang mga dayuhang korporasyon. Ang mga lupang sakahang kinakamkam ng mga lokal na panginoong maylupa at mga dayuhang kapitalista ay ginagawang subdivision, libangang pangmayaman (halimbawa nga, golf course), mall, at pabrika. Kakarampot ang kinikita ng mga lumilikha ng pagkain ng sambayanan dahil pinahihintulutan ng pamahalaan na makapasok ang mga dayuhang produktong agrikultural sa napakamurang taripa. Bukod dito'y laganap pa rin ang pyudal na pagsasamantala.

Dahil wala nang masaka, ang mga kabataan, ang mga anak ng magsasaka'y napipilitang mamasukan bilang tagapayong sa mga golf course o kaya'y manggagawa sa pabrika. Mas mababa pa sa minimum wage na PhP315.00 (sa Cavite) ang natatanggap ng mga manggagawa. Ang iba'y napipilitang lumuwas pa-Maynila para doon magbaka-sakali, mamasukan bilang kargador o kaya'y katulong sa mga maliliit na restawran.

Hindi iba ang nararanasan ng mga taga-Lupang Ramos sa nararanasan ng iba pang mga magbubukid sa iba pang panig ng bansa (gaya sa Hacienda Luisita sa Tarlac, o sa Hacienda Yulo sa Laguna). Tunay na repormang agraryo at hindi CARP o CARPER ang solusyon sa kanilang suliranin.

Patuloy na lumalaban ang mga taga-Lupang Ramos. At sa susunod na babalik kami ni Caloy, hindi na magbubukid na nahihirapan ang nakalarawan sa painting na aming dadalhin, kundi mga magsasakang kolektibong lumalaban.

Matagal na akong hindi umuuwi sa bahay ng mga magulang ko, mahigit isang taon na. Madalang na rin akong dumadalaw kay Nanay. Nung isang bes na binisita ko siya, may himig-pagtatampo niyang sinabi sa akin, "Naaalala mo lang yata ako kapag manghihiram ka ng pera." Hindi ako umimik, tumawa lang nang bahagya. Malakas ang loob kong mangutang pero wala akong lakas ng loob na ipaliwanag o ilarawan sa kanila kung bakit hindi na ako babalik.