2011/10/20

PR: Sigaw ng mga Magbubukid sa Timog Katagalugan: “OCCUPY CALAMBA!”

PRESS RELEASE
20 October 2011
3PM


Sigaw ng mga magbubukid sa Timog Katagalugan: “OCCUPY CALAMBA!”
Mga Magsasaka ng Timog Katagalugan, tumugon sa panawagang “Occupy Mendiola” ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas

Bilang tugon sa malawak na panawagan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na “occupy Mendiola,” sumentro ang halos isang libong magbubukid, kasama ang iba pang sumusuportang sektor, sa pangunguna ng Katipunan ng Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK) sa Crossing, Calamba para ipakita ang matinding pagkontra sa anti-magsasakang rehimeng US-Aquino.

Inokupa ng mga magbubukid sa pamumuno ng KASAMA-TK ang mga matataong lugar sa Crossing, Calamba kung saan naganap ang maiksing programa. Nagpahayag ng kani-kanilang mensahe ng pakikiisa at pagsuporta sa laban ng mga magsasaka ang iba’t ibang lider-masa.

Partikular na tinututulan ng KASAMA-TK ang 20-taong Project CALABARZON na naglalayong i-convert ang mga lupang sakahan para maging mga economic processing zone. Magreresulta ito sa pagtatanggal ng mga lupang sakahang pangunahing ikinabubuhay ng pinakamalawak na mamamayang bumubuo sa 75% ng populasyon ng lipunan—ang mga magbubukid.

Sa ilalim ng asyenderong rehimeng US-Aquino, lalong lumalala ang sitwasyon ng mga kawawang magbubukid. Lumalakas ang loob ng mga katulad ni PNOY na mga asyendero sa pagkamkam ng mga lupa. Ilan lamang sa mga tampok ang kaso ng mga magsasakang pinalayas sa Hacienda Yulo sa Laguna, Hacienda Looc sa Batangas, at Lupaing Ramos sa Cavite.
Kasabay ng programa, nagsagawa rin ng Fact Finding Mission sa Hacienda Yulo sa Canlubang, Laguna dahil sa ilegal na pagpuputol ng puno na diumano’y parte ng proyekto ng Pamilya Ayala at Pamilya Villar sa pagpapalit-gamit ng lupain.
Sa plaza ng Sta. Rosa, Laguna magkakaroon ng gabi ng pagkakaisa bandang alas-7 ng gabi.

Maglulundo ang isang linggong protestang magsasaka sa isang pangkulturang parangal kinabukasan, ika-21 ng Oktubre, sa kinikilalang ‘peasant war hero’ na si Gregorio “Ka Roger” Rosal sa UP Amphiteater, Diliman, Quezon City kung saan magtitipun-tipon ang pinakamalalaking orgaisasyon ng mga progresibong magsasaka sa buong Pilipinas.#