2011/12/07

Hindi pa Gasgas ang Sining: Hinggil sa NASAAN? II*

“It is an oxymoron to say that a counter-insurgency program is respectful of human rights... The ordinary folks, whom the President referred to as his boss, are the victims of Oplan Bayanihan—they were displaced from their homes and communities, harassed, arrested and detained, tortured and killed.” –Marie Hilao-Enriquez, Secretary-General, KARAPATAN

Tikom ang bibig ng kasalukuyang rehimeng US-Aquino sa dumaraming bilang ng paglabag sa karapatang-tao at pampulitikang pamamaslang. Habang pinapuputok ang mga baril na kumikitil sa buhay ng mga naghihirap at pinagkaitan at sa mga nagtatanggol sa kanila, tila nakapasak ang mga earphones (na ginagamit para di maabala sa paglalaro ng PSP) sa tainga ni PNOY—nilulunod ang sarili sa background music ng videogame at nagbibingi-bingihan sa pangkalahatang daing ng mga mamamayan.

Sa pagsisimula pa lamang ng kanyang pamumuno ay agad na pinalaya ang mga sundalong Magdalo sa bisa ng conditional amnesty. Samantalang hindi pinagbigyan ang iginigiit na general, unconditional and omnibus amnesty ng mga bilanggong politikal.

Ipinagpatuloy lamang ni PNOY ang Oplan Bantay Laya ng dating administrasyong US-Arroyo sa pamamagitan ng Oplan Bayanihan, isang enggrandeng planong anti-mamamayan, sumusupil sa karapatang magsalita, magtanong at magtanggol ng mga batayang karapatan. Sa katunayan, nasa 55 na ang bilang ng mga biktima ng pampolitikang pamamaslang. Isa sa kanila si Celito Baccay, lider-manggagawa sa Timog Katagalugan, binaril habang pauwi sa kanilang bahay sa Dasmariñas, Cavite. Sa National Capital Region, mayroong naitalang limang biktima ng pampulitikang pamamaslang. Kabilang na rito si Antonio Homo, isang lider-maralita na tumutol sa demolisyon ng kanilang pamayanan sa Navotas.

Sa ika-63 taon ng paggunita sa Pandaigdigang Deklarasyon ng Karapatang Pantao, matapang na naglunsad ng eksbisyong may pamagat na “NASAAN? II,” ang mga kontemporanyong kabataang manlilikha/artista, sa pangunguna ng UGATLahi Artist Collective. Sa eksibisyong ito, itinatampok ang iba’t ibang obrang sining na tumatalakay sa kasalukuyang katotohanang panlipunan. Pinatutunayan nitong hindi pa gasgas ang kambas at brotsa sa paglalantad ng kolektibong kondisyon at aspirasyon ng mga mamamayang pinangakuang dadalhin sa “tuwid na landas.”

Malinaw na nakaguhit sa kambas ang kainutilan ng pamahalaang US-Aquino sa pagtugon sa mga batayang pangangailangan ng sambayanan—lupa, sahod, trabaho, edukasyon, at karapatan.

Makulay ang mga tauhang gumagalaw sa paboritong video game ni PNOY. Pero higit na matingkad ang katotohanang sinubukang ikuwadro ng mga artista ng bayan sa pamamagitan ng kanilang di matatawarang talino at talento.

May bisa pa ang sining—lalo na sa panahon ng umiigting na panlipunang krisis.


*Tunghayan ang mga likhang-sining na kalahok sa NASAAN? II, We Are We Are ArtSpace sa Anonas Extension, QC.