2011/12/20

Hindi Tayo Titigil sa Pagsusulong ng mga Pinakabatayang Karapatan

Sa isang inosenteng tweet, hindi sinasadya ng istarlet na ibuking kung anong pinagkakaabalahan ni Pangulong Noynoy Aquino sa panahong inaanod ang mga katawan ng mga biktima ng bagyong Sendong sa Mindanao. Nakakadismayang malamang nasa party ang napakasipag na pangulo sa halip na dapat ay inaabala niya ang kanyang sarili sa pagmomonitor sa pangkalahatang sitwasyon sa katimugang bahagi ng bansa noong mga panahong iyon. Marami ang nagpahayag ng pag-aalala sa ganitong aktitud ng pinuno sa pagharap sa mga problemang nangangailangan ng kagyat na atensyon. Mula sa mga propesor, estudyante, at karaniwang mamamayan ay nakatanggap pa nga ng puna ang magaling na presidente.

Kasunod naman ng ganitong sakuna ang karaniwang reaksyunaryong tugon ng mga nagmamalasakit sa kabababayan. Kaliwa't kanan ang mga tele-marathon ng mga higanteng TV networks. Kung saan-saang bank accounts ng mga charitable institutions at foundations ng mga mayroong 'corporate social responsibility' inaanyayahan ang mga taong magpaabot ng kanilang tulong. May diin pa nga sa pagbibigay ng mga donasyong pinansyal. Iniyayabang ang ganitong gawi sa iba't ibang paraan--sa mainstream media, sa TV, maging sa mga social networking sites tulad ng Twitter. Anila'y maigi nang umaksyon kaysa pumuna. Sa mga tweets pa nga ni Carlos Celdran, iginigiya ang tao sa baluktot na malasakit sa pamamagitan ng pagsasabing "Don't dwell too much on the Noy/PSG party y'all. It's not gonna help CDO and Iligan in the long run. Seriously." May mali at kapuna-puna ba sa komento ni Celdran?

Tama namang tumulong pero bakit tila may mali sa popular na paraan ng pagpapakita ng malasakit sa mamamayan?

Buwan ng paggunita at lalong pagpapatingkad sa pangkalahatang pakikipaglaban para sa Karapatang Pantao ang Disyembre. Hindi ang simpleng paghuhulog ng kaunting pinansyal na tulong sa mga bank accounts, hindi ang pangongolekta ng mga lumang damit at sardinas, at lalong hindi ang pagpapaliban sa paniningil sa ibinotong pangulo ang tunay na makakatulong "in the long run" sa mga mamamayan ng Mindanao (at ng buong bansa). Babalikan natin ang mga iba't ibang porma ng pagtalikod at pagwasak sa mga karapatan--ito ang siyang ugat ng tila walang katapusang paghihirap na dinaranas ng taumbayan. Kung may busilak na malasakit ang isang pinuno ng bansa sa kanyang pinamumunuan, uunahin niya ang paggawa ng mga kongkreto at pangmatagalang paraang makatutulong para maibsan man lamang ang kolektibong kahirapan. Pero maiaasa ba natin ito sa isang pinunong mula sa angkan ng mga Panginoong May-Lupa?

Lupa, sahod, trabaho, edukasyon, mga batayang karapatan--ito ang dahilan kung bakit unti-unti nang nawawalan ng tiwala ang mamamayan sa kasalukuyang kairalang pinaaasa lamang sila sa wala. Ito rin ang dahilan kung bakit patuloy na lumalaban ang mga mamamayan.

Parang mga punong pinuputulan ng ugat at pilit na iniaalis sa kanilang mga lupa ang mga batayang mamamayan. Darating ang panahong raragasang sama-sama, parang mga trosong inaanod ng tubig, ang mga mamamayang matagal nang nawalan ng kumpiyansa sa nabubulok na kairalan.