2012/01/31

Problemang Peti-B: Paano Haharapin ang Kinabukasang Walang Katiyakan?

Wala na yatang ibang sasaklaw sa ligalig na pinagdadaanan ng mga kabataang petiburges liban sa "Awit ng Petiburges" (sinasabing sina Bong Ramilo at Rene Agbayani raw ang lumikha at orihinal na pamagat raw nito ay "May Panahon"). Sabi sa kanta:
Buhay na nagisnan, puno ng ginhawa
Buhay na kumupkop, di yata makakayang iwan
Buhay na kay hirap, bagay na di gagap
Bukas o nakaraan, saan nga ba ang patutunguhan  
Nagugulhan ba ako ngayon
Naghihitay na sila roon  
May panahong magduda’t magtanong
Ngayo’y panahon ng pagharap at pagsulong
Pagtatanong ay huwag lubayan
Tunggalian ay walang katapusan

Aking mga mata, malinaw ang nakita
Luha ng kapatid, dusa na di napapatid
Diwa ay natalos, humayo at kumilos
Tawag ng pangangailangan
Di na matatalikuran

At ang bisig ko’y handa na ngayon
At makakayang iwan ang noon  
May panahong magduda’t magtanong
Ngayo’y panahon ng pagharap at pagsulong
Pagtatanong ay huwag lubayan
Tunggalian ay walang katapusan 
Mabuway ang mga kabataan, sabi nga ng mga matatanda. Mabuway ang ating hanay dahil para tayong pendulum na pakaliwa't pakanan, paroo't parito kung mag-isip, hindi makapagdesisyon nang tiyak--magtatrabaho na lamang ba, magpapaalila sa mga korporasyong multinasyunal, o tatalikdan ang "magagarang oportunidad" para pagsilbihan ang sambayanan? Magko-call center ba, mag-a-abroad? O lalahok sa malawak na organisasyong-masa? Hahawak ba ng armas kung kinakailangan?

Habang lalong lumalala ang krisis ng kasalukuyang kairalan, lalo lamang lumalabo ang tsansa ng mga kabataang makamit ang kanilang mga personal na pangarap. Sa kabilang banda, ang ganitong kairalan nama'y matabang lupa para sa pagsusulong katuparan ng isang dakilang misyon--ang baliktarin ang tatsulok--wakasan ang dantaong paghahari ng Imperyalismong Amerikano sa Pilipinas, itaguyod ang soberanya ng bansa, at patagin at patatagin ang sosyalismong daan tungo sa ganap na pagkakapantay-pantay. Enggrande ang mga adhikaing ito pero hindi imposibleng mangyari--hindi maiiwasang mangyari.

Kaya nga desperado na ang Imperyalismong Amerikano sa pagpapanatili ng kanilang kontrol sa ekonomya, politika, militar at kultura ng Pilipinas. Kung kinakailangang mag-recycle ng trapo'y gagawin nila ito--at ginagawa na nga. Sa katunaya'y, isang dakilang nanlilimahid na trapo ang nasa Malakanyang ngayon.

Sa ilalim ni Noynoy Aquino, ipinatutupad ang pinakamasahol na programang pang-edukasyon. Bukod sa nagpapatuloy ang pagtaas ng matrikula at iba pang mga bayarin, tuluyan na ring isinasapribado ang maraming state colleges and universities (SCU's). Dagdag pang pahirap ang pagpapatupad ng K+12 (Universal Kindergarten + 12 years basic education) na sinimulan nitong nakaraang taong 2011. Lalamanin ng kurikulum ng dagdag na 2 taon sa hayskul ang pag-aaral ng mga tinatawag na technical/vocational skills na kailangan para makapagtrabaho sa mga pabrikang tulad ng nasa EPZA (Export Processing Zone Authority) sa Cavite at iba pang engklabo sa CALABARZON, maging sa mga pagawaan sa ibang bansa, pag-aari pa rin ng mga dayuhan. Sa ganitong mga patakaran pang-edukasyon, lalong lumolobo ang bilang ng mga di makapag-aral, ng mga di makatapos, at sa huli'y lumolobo rin ang reserbang lakas-paggawa. At habang lumalaki ang bilang ng mga walang trabaho't nag-aagawan sa trabaho, lumiliit naman ang sahod ng karaniwang manggagawa.

Patunay pa ng isang lider-manggagawa sa Cavite, ngayo'y di hamak na mas mahirap makakuha ng trabaho sa EPZA (o iba pang engklabo), dahil maging mga college graduate ay nakikipila't nakikipag-agawan na rin ng trabahong mayroon sa mga pabrika. At dahil hindi naman talaga lumilikha ng lokal/pambansang batayang industriya ang papet na rehimen, ibinubugaw na lamang ni PNoy ang maraming kabataang Pilipino papunta sa ibang bansa para maging factory worker, welder, entertainer, di kaya'y domestic helper. Dollar remittances ng mga OFW at hindi batayang industriya ang bumubuhay sa naghihingalong ekonomyang nakabatay sa mga neoliberal na patakaran.

Habang nadaragdagan ang bilang ng mga dropout, nababaon naman sa utang ang mga estudyante at kanilang mga magulang para lamang may maibayad sa matrikula. Ibinabaon sa ilusyon ng "matagumpay na hinaharap" ng Imperyalismong Amerikano ang maraming mga kabataan nag-aakalang pagkagradweyt ay magkakaroon sila ng masaganang buhay. Pero isang ilusyon lamang ito--zombie ang mga kabataang naniniwala't kumakapit pa rin sa ilusyong ito. Nahahati ang isip ng karaniwang kabataang gustong maging maunlad ang sarili at pamilya gayong nananampal na ang katotohanang bulok ang lipunang ito at kailangang may gawin tayo. Hinahati sila, hinahati tayo ng mga kontradiksyon sa sarili, sa pamilya, sa pamantasan, sa lipunan. Hinahati tayo ng ating mga kahinaan. Sabi nga, mabuway daw tayong mga petiburges.

Kaya nga walang katiyakan ang kinabukasan hangga't hindi mulat na binabaka ang mga sariling mga kahinaan, hangga't hindi sinusubukang igpawan ang mga ito. Hindi bukod ang personal na kontradiksyon (may kinalaman man sa pag-ibig o pamilya) sa dominanteng kontradiksyon sa lipunang sumasaklaw sa ating lahat. Sabayan, kolektibo, at magkasama natin itong tutugunan at gagamutin.

Sa sandaling makaramdam ng paninimdim o alinlangan, i-rewind at patugtugin ang "Awit ng Petiburges" sa isip habang taas-kamaong sumusulong. Hahawak ng armas kung kinakailangan.