2012/05/04

“Model City” ni Mark Salvatus, ang Lungsod, ang Nayon at ang Sementeryo

Walang katapusang umiikot ang “Model City” ni Mark Salvatus—yari sa maliliit na mga larawang ginupit mula sa mga katalogong ipinamumudmod ng mga debeloper (SM Development Corporation, Ayala Land Inc., Robinson Land, atbp.), isa-isang pinatindig, nakaharap sa isang closed-circuit television camera (CCTV) na matiyagang nagmamanman sa marahang pag-ikot ng bilog na tablang pinagpapatungan ng mga gusali. Bahagi ng Territories ni Mark Salvatus ang instalasyong ito, kasalukuyang naka-eksibit sa Ateneo Art Gallery.

Sa kanyang “Model City,” tila sinusubukan ni Salvatus na ipatanaw sa atin ang ilan sa mga posibleng hinaharap ng lipunang Pilipino—una, ang Pilipinas bilang “surveillance society” o “CCTV nation” at ikalawa, ang bansa sa panahon ng ganap na pagpapalit-gamit ng lupa (land use conversion).

“Model City” na de-CCTV

Binabantayan ng isang CCTV camera ang malawak na lungsod ng mga bakal at semento. Sa kabilang bahagi ng gallery, naka-project ang imahen/bidyo ng umiikot na lungsod, nakaharap sa tagamasid.

Pinupuna ba ni Salvatus ang lipunang tadtad ng CCTV o payak na ipinakikita lamang ito? Ang malinaw, tagumpay si Salvatus sa paglalagay sa tagamasid sa posisyon ng nakapangyayari (powerful). Sa pamamagitan ng kanyang “Model City,” pahapyaw na naiparamdam ni Salvatus sa tagamasid kung paanong magmasid na parang boss sa mundong maliit (o mundo ng maliliit).

Sa “Model City,” CCTV camera ang mata ng tagamasid, gayundin sa lipunan. Sa pamamagitan ng CCTV’ng ikinabit sa bawat kanto at poste, nagkakaroon ng maraming mata at kung gayo’y dagdag na kapangyarihang makakita ang sinumang nagmamasid. Sa lipunan, ang nagmamasid ay ang may higit na kakayahang pang-ekonomya kumpara sa nakararami—ang may kakayahang makabili at makapagpakabit ng CCTV, ang may kakayahang bigyan ang sarili ng kapangyarihang matyagan hindi lamang ang bigat ng daloy ng trapiko kundi ang padron ng galaw at pang-araw-araw na buhay ng mga tao, partikular ng mga “kaaway” ng “maykapangyarihan.” Tila diyos o Big Brother ang asta ng makapangyarihang tagamasid.

Planong “Model City” sa kanayunan

Indikasyon ng urbanidad at pag-unlad ang mga gusali. Sa Pilipinas, madalas ay sa kalunsuran matatagpuan ang mga ito. Pero dapat pansining karamihan sa mga gusali at iba pang imprastruktura ay naitayo sa pamamagitan ng dayuhang pamumuhunan (foreign investment). Dapat ring pansining sa kasalukuyang panahon ay tiyak at sistematikong gumagapang mula sa kalunsuran tungo sa kanayunan ang padron ng pagtatatag ng mga gusali—madalas ay mga high-rise na kondominyum, otel, resort at shopping mall.

Isa sa napakaraming mga halimbawa ang sitwasyon ng Hacienda Looc, sa Nasugbu, Batangas. Mayroong apat na baranggay, may lawak na halos 8.65 M ektarya ang Hacienda Looc. Bahagi ng likas na yamang pinagkukunan ng kabuhayan ang karagatan, kapatagan at kabundukan sa Hacienda Looc. Samakatuwid, pagsasaka’t pangingisda ang pangunahing moda ng produksyon ng mga taal na naninirahan dito. Itong mismong likas na kagandahang nabanggit ang nakapukaw sa interes ng SM Development Corporation (SMDC) at ng iba pang debeloper.

Nauna nang nagkainteres ang Fil-Estate Properties Inc. sa Hacienda Looc. Plano ng naturang korporasyong gawing “world class tourism and leisure complex” ang lugar at tawagin itong Harbourtown Golf and Country Club. Sagabal sa planong ito ang interes ng mga magbubukid ng Hacienda Looc na gaya ng nasabi na ay nabubuhay sa pagtatanim, pag-ani at pagbebenta ng mga tinatawag na “annual crops.” Ayon pa sa ulat, “sa maagang yugto ng proyekto ay naglabas na agad ang Fil-Estate ng mga brochure ng Harbourtown na nagpapakita ng kabuuang magiging larawan ng proyekto upang maging atraksyon sa mga target na kliyente.” Ang brochure na ito ay katulad ng mga inipong brochure ni Salvatus at ginamit sa kanyang “Model City.”

Pareho kundiman mas engrande ang planong nais maisakatuparan ng SM Development Corporation sa Hacienda Looc. Bukod sa magagarang kondominyum, otel, resort at golf course, balak nitong tayuan ng higanteng daungan ang Hacienda Looc—isang istratehiyang makatutulong sa mas mabilis na importasyon ng dayuhang produkto at eksportasyon ng hilaw na materyales. Mas mabilis dahil direktang nakaharap sa Dagat Timog Tsina ang unang distrito ng Batangas, at kung gayon, hindi na kinakailangan pang lumiko papuntang daungan sa Maynila ang mga barkong magdadala ng kalakal.

Makikita hindi lamang sa mga brochure kundi sa maraming bilbord sa EDSA at sa puwitan ng mga pampasaherong bus ang magiging hitsura ng mga gusali at iba pang kaugnay na estruktura na itatayo ng SMDC. Kung tuluyang matutupad ang plano, hindi na sa bilog at umiikot na tabla, kundi sa aktwal mismong mamamasdan ang “Model City.”

 Subalit hindi imahen ng urbanidad at pag-unlad ang natanaw ng mga taga-Hacienda Looc. Hinanakit nila, kung ang pagtatayo ng gusali ay para sa pag-unlad, bakit tila hindi sila kasali? Bangungot sa mga taga-Hacienda Looc at marami pang mga magbubukid sa kanayunan ang “Model City.”

Tahimik at payapa ang “Model City” ni Salvatus—simpayapa at sintahimik ng sementeryo.