2012/05/26

Mural, Extramural: Kung Bakit Hindi Literal na Nasa Pader ang mga Protest Mural sa Pilipinas


The community mural movement is a good example of a process of people’s re-appropriating culture as their own, reclaiming their visual imagery, historical heritage, and human particularity in a medium of artistic strength and dignity. –James Cockcroft and Eva Cockcroft

Murals are the people’s blackboard. –Pablo Neruda

Painted images cannot stop wars or win the struggle for justice, but they are not irrelevant. They fortify and enrich the spirit of those who are committed to the struggle and help to educate those who are unaware. –Eva Cockcroft

Mural na ginawa ng UGATLahi Artist Collective para sa May Day Rally 2011

Inaabangang lagi ang mural na madalas ay nagsisilbing bakgrawn sa entablado tuwing Mayo Uno, o kung anibersaryo ng kilalang organisasyong masa, o kung mayroong malaking demonstrasyon ang marginalisadong sektor. Mural ang tawag sa mga malalaking kambas na pinintahan ng mga imaheng may kahulugang kolektibo o konsenswal na nabibigyang-kahulugan ng mga tagamasid. Bagamat literal na nangangahulugang “pader” (muros, wall) ang salitang “mural,” madalas ay hindi literal na nasa pader ang mga protest mural sa Pilipinas. Sa halip, ang protest mural, gaya ng kababanggit lang, ay yari sa kambas o katsa, likha ng isang kolektibo, ng mga kasapi ng komunidad.

Pinakamahalaga ang papel na ginagampanan ng komunidad sa paglikha ng mural, mula sa pagpaplano at konseptwalisasyon, sa paggawa, hanggang sa mismong pagkakabit nito sa entablado o pagbitbit nito sa lansangan. Masining na representasyon ng lahatan ngunit organisadong sentimyentong politikal ang mural (taliwas sa indibidwalista at makasariling ideya at guni-guning karaniwang ipinapakita sa mga likhang-sining ng burgis na artista). Laging sinisikap na maging kongkreto ang mga ideyang itatanghal sa mural, sa kambas man o sa pader. Hindi isinasakripisyo ang kasiningan gayong hindi kailanman ikinokompormiso ang politika sa bawat mural na nililikha.

Kolektibong pananaw at panawagan ng masang anakpawis ang pinapaksa ng mural. Sa isang lipunang malakolonyal at malapyudal, mayroong mahabang kasaysayan ng pagsasamantala ang mga mamamayan sa kamay ng burukrata kapitalista, panginoong maylupa, at Imperyalistang Amerikano (Guerrero, 2005). Ang mahabang karanasang ito ay organikong pinagkukunan ng inspirasyon at ideya ng mga kasapi ng komunidad sa paggawa ng mural. Ito rin ang dahilan kung bakit sa kongkretong paraan ay nagkakaroon ng makulay at matalas na pagdidibuhong nakatutulong naman sa paggabay sa tagamasid sa pagbasa/pag-unawa sa nilalaman ng mural. Madaling nauunawaan ng masa ang pangkalahatang mensahe ng mural dahil direkta nitong sinasalamin ang kanilang dalamhati at aspirasyon. Kaya nga madalas ay ikinakabit ang salitang “protest/a” sa mural. Gaya nga ng nabanggit na nina J. Cockcroft at E. Cockcroft (1978), “Community murals have a distinctive relationship to social change: they are concrete public expressions of a community’s values, problems or goals; they are created with intense community involvement and they may be seen as a form of political praxis.”

Matagal nang bahagi ng kasaysayan ng masa ang mga protest mural, o ang protest art sa pangkalahatan. Ayon kay A. Guillermo (2001), mayroong tatlong yugto ang protest art/revolutionary art bago pa man ang dekada ’70—ang Unang Kilusang Propaganda sa ilalim ng kolonyalismong Kastila, ang ikalawa’y sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano hanggang dekada ’40, at ang ikatlo’y nagsimula noong mga huling taon ng dekada ’30 hanggang dekada ’50.

FQS Mural, January 2006 (Kasamang lumikha
sina Orly Castillo, Boy Dominguez,
Mary Jane Alejo, atbp.)

Sa panahon ng kolonisasyong Amerikano, saad ni A. Guillermo (2001), “…a new perception of class consciousness came with the founding of the first labor union of printing press workers by Isabelo delos Reyes in 1901.” Ganito rin sa ikatlong yugto naman ng kasaysayan ng protest art sa Pilipinas, maging sa Estados Unidos. Sa katunayan, ayon pa rin kay A. Guillermo (2001), “this period saw the rise of labor unionism and the mass mobilization of workers to struggle for their rights. Artistic expressions espousing the cause of the masses significantly increased in literature and the visual arts where they were grouped under the term ‘social realism.’ In the Philippines, the debate between ‘proleterian art’ and ‘art for art’s sake’ occurred…” Iyon nga lang, sa panahong ito, ang political art ay mahigpit na nakaugnay sa dyornalismo pa lamang (tulad ng makikita sa mga editorial cartoon), hindi pa sa paglikha ng mural.

Maaaring sa kasaysayan ng protest mural, pinakamatingkad ang mga nalikha noong panahon ng Batas Militar sa ilalim ng dikdaturyang Marcos at Imperyalismong Amerikano. Marami sa mga tagalikha ng sining ay mga aktibista. Sa panahong rin ito, naitatag ang Nagkakaisang Progresibong Artista at Arkitekto ’71 at ’72. “Their basic principle being ‘art for the masses,’ many of their members spread out to the depressed areas where they interacted with the people and conducted workshops.” (A. Guillermo, 2001) At kabilang ang mural sa mga porma ng sining na masiglang ginamit at pinaunlad ng mga artista ng bayan, kasama ang masa, sa pagtataguyod ng kanilang panlahatan at partikular na adhikain: “Murals proliferated after the Ninoy assassination, one of which was Justice for Ninoy Justice for All which showed the faces of the martyrs Macli-ing Dulag, Dr. Bobby dela Paz, Edgar Jopson, Dr. Johnny Escandor, and Ninoy Aquino. Another was the mural Fight for the People’s Right to Know, Fight for Press Freedom (1986), largely done by the young committed artist Manuel Gutierrez who himself a martyr of the movement.” (A. Guillermo, 2001)

Nananatiling masiglang bahagi ng kasaysayan ng protest art at epektibong paraan ng pagpukaw, pag-aahita, at pagpapataas ng diwang makabayan, ang paggawa ng mga protest mural para sa mga demonstrasyon at aksyong masa. At magpapatuloy ito lalo’t sa inuuod na yugto ng monopolyo-kapitalismo, papatindi pa nang papatindi ang kaapihang dinaranas ng taumbayan. Sa dahilang ito, ang mural ay nagiging “extramural” (literal na nangangahulugang “beyond boundaries”)—ang protest mural ay hindi na literal na nasa pader pagkat ang pader ay hindi naibibiyahe’t naipaparada sa lansangan. Ang mural ay nagiging extramural kung kinakailangang, bitbit ng masang anakpawis, nakaladlad sa lansangan para kagyat na makita’t maunawaan ng marami ang kanilang pampulitikang tindig at panawagan.


Paggawa ng protest mural

Karaniwan ay may taas na limang talampakan at habang 8 talampakan (5ft. x 8ft.) ang kambas o katsang ginagamit sa paggawa ng mural. Mangangailangan din ng pintura—kulay-puti (karaniwa’y isang galon) at mga pinturang may kulay na asul, pula, at dilaw (primaryang kulay, tig-iisang litro). Mahalaga rin ang paintbrush o brotsa—malapad para sa pagkukulay, at manipis para sa pagdedetalye. Hindi kinakailangang bumili ng mamahaling gamit. Maaari namang manghiram sa mga kapitbahay basta’t tiyaking isasauli ito nang malinis at maayos.

Pinaplano at pinagdedesisyunan hindi ng isang tao o sinumang bisor ang temang paghahalawan sa pagpipinta ng mural. Ito ay kolektibong pinag-uusapan at pinagdedesisyunan ng kolektibo o komunidad. Sa panahon ng pagpaplano, maiging talakayin na rin ang mga kahinaan at kalakasan ng bawat isa sa pagdodrowing, pagkukulay at pagpipinta, nang sa gayon ay mapagtulung-tulungan ang kahinaan ng isa’t isa. Tandaang hindi kinakailangang maging napakahusay sa pagdodrowing o pagpipinta para makagawa ng mural. Ang pagdodrowing at pagpipinta ay mga kasanayang napag-aaralan at natutuhan at sinuman ay maaaring maging mahusay rito basta’t regular at disiplinadong nagsasanay.

Sa panahon ng pagpaplano, masinsing pinag-uusapan kung anu-anong mga imahen at kung paano pagtatabi-tabihin sa kambas ang mga imahen. Alalahaning wala naman talagang takdang pormula rito, bagamat makakatulong ang mga batayang kaalamang gaya ng “rule of thirds,” “composition,” “distribution of colors,” “cohesion and organization of ideas and images,” atbp.

Mural na ginamit sa Human Rights Commemoration noong Disyembre 2011,
KARAPATAN-ST (Kasama sa mga lumikha ng mural ang kontemporanyong
visual artist na si Caloy Gernale, at mga kasama sa Timog Katagalugan)

Bago matapos ang pulong o bago ang aktwal na paggawa ng mural, maaari nang magtalaga o maghahati ng mga gawain—halimbawa, sinu-sino ang mga bibili/kukuha ng gamit? Sino ang mahusay sa pagkakarpintero, pagdodrowing, pagkukulay? Ubod ng protest mural ang kolektibong paggawa. Tandaang wala itong saysay kung ito ay pinagpapasiyahan lamang ng iilan at kung ito ay “lutang” o malayo sa aktwal na kolektibong paninindigan ng mga kasapi ng komunidad.

Sa aklat ni A. Guillermo (2001), inisa-isa ang mga tinatawag na “community symbols” na sa napaunlad na sa pamamagitan ng masidhing pagpapalalim ng pampulitikang kamalayan kasabay ng pagsasanay sa gawaing kultural. Ilan sa mga “community symbols” na ito ay ang bandila ng Pilipinas at mga kulay nito, ang kulay na pula, ang kamao/nakataas na kamao, ibon (kalapati, lawin), sinaunang alpabetong Pilipino o baybayin (mas popular sa tawag na “alibata”), atbp. Nalikha at napaunlad ang mga simbolong ito sa loob ng mahabang panahon ng pakikibaka ng masang anakpawis. Kahit pa sabihing gasgas na, maaari pa ring gamitin ang mga ito sapagkat madaling nakaka-“relate” ang masa sa imaheng nabanggit. Mahusay na naipaliwanag ni M. Angelo (2008) ang kahalagahan ng paggamit ng mga pangkulturang simbolo:

Ang simbolo ay tumatayo o humahalili sa isang bagay, sitwasyon, damdamin at sensibilidad ng isang tao, komunidad, at lipunan. Karaniwan, ang simbolo ay nalilikha dahil sa kolektibong pagkaunawa at pagkakaisa sa kaugnay na kahulugan nito -- ito man ay sa paraang denotasyon (tunay na kahulugan) o konotasyon (pakahulugan). 
Sa mahabang kasaysayan ng panitikan at sining biswal na nalikha at patuloy na nililikha ng rebolusyonaryong kilusan, ang mga simbolo o imaheng ito ay nagpapatuloy at nanunuot sa kamalayan ng mga mambabasa o audience. (Angelo, 2008)

Samakatuwid, isang epektibong paraan ng pagpapabatid ng mensahe ang paggamit ng mga kongkretong imahen. Sa rebolusyonaryong panitikan at sining-biswal, karaniwan ngunit matalas na ginagamit ang mga simbolong (bukod sa mga nabanggit na) tulad ng araw, karet at maso, bundok, dagat at isda, nakakuyom na kamao, kadena, pulang tala, daluyong/bagyo/sigwa, aso o tuta, lupa, baril/armas, at nakayukong palay. (Angelo, 2008)

Mural para sa May Day Protest 2012



Mga sanggunian

Angelo, Mario. 2008. “Mga Pangkulturang Simbolo sa Panitikan at Sining-biswal ng Rebolusyonaryong Kilusan.” Ulos. Pilipinas: Artista at Manunulat ng Sambayanan.

Cockcroft, Eva at James Cockcroft. 1978. “People’s Art and Social Change: The Community Mural Movement.” Radical America. Vol. 12, No. 2. Estados Unidos: Radical America.

Guerrero, Amado. 2005. Maikling Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino, ikatlong edisyon. Pilipinas: Pambansang Kagawaran sa Edukasyon-Paaralang Primarya ng Partido.

Guillermo, Alice. 2001. Protest/Revolutionary Art in the Philippines 1970-1990. Pilipinas: University of the Philippines Press.