2012/07/09

Arman Albarillo, Bayani't Rebolusyonaryo sa Panahong Post-kolonyal

Estudyante ako sa Unibersidad ng Pilipinas-Los Banos  nang makilala si Arman Albarillo sa pamamagitan ng bidyong may pamagat na "Bakwet" (Maki Pulido, GMA 7). Hindi pa ako aktibista noon. At bagamat taong 2004 lamang ito, wala pang YouTube at Facebook (o anumang teknolohiyang may kinalaman sa Web 2.0 at/o social media maliban sa blogging) noon.

 


Sa mga pagtitipon at kilusang masa ko na siya sunod na nakita, minsa'y sa telebisyon. Nagsasalita na siya sa entablado at harap ng midya noon, bilang pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan-Timog Katagalugan (BAYAN-TK). Sa mainstream media, madalas na may diin sa pagiging biktima ng mga biktima. Ito ang naaalala ko kay Arman noon--biktima ng Oplan Bantay Laya ng pasistang rehimeng Gloria Macapagal-Arroyo--bago siya naging lider-masa. Magaling na lider si Arman, mahusay magsalita, masinsin magpaliwanag--ganitong Arman ang nakita't nakilala ko sa mahabang panahong kumilos si Arman sa hayag na pakikibaka. Sa mga ganitong pagkakataon, hindi masasabihing hindi na mababakas kay Arman ang alaala ng brutal na pagpatay ng mga bataan ni Jovito Palparan sapagkat naroon pa rin ito, parang hanging habang umiihip ay lalong nakapagpapabaga sa hangarin niyang makamit ang hustisya.


Ang sakit ng lipunang ito ay masusuma marahil sa buhay ni Arman--butbot ng kontradiksyon. Sikapin nating isa-isahin ang mga ito:

Una, ang buhay-magsasaka ng pamilya ni Arman sa Oriental Mindoro ay direktang kabaliktaran ng mga tahimik at masayang buhay sa bukid na madalas ilarawan sa mga pinta ni Amorsolo.

Ikalawa, ang kanyang mga amang koordineytor ng BAYAN at inang kasapi ng Gabriela, parehong aktibong kumilos para ipaglaban ang lehitimo nilang karapatan, ay pinatay ng mga mersenaryong nakakamuplahe. Ang mga militar na nakatapos ng pag-aaral at pagsusundalo sa pamamagitan ng kaban ng bayan, ay sila ring umuutas sa sarili nilang kababayan para ipagtanggol ang reaksyunaryong gobyerno.

Ikatlo, gaano man kahirap ay pinili ni Arman na maging kritikal at obhetibo sa pagsusuri sa kasalukuyang gobyerno at sa lipunan sa pangkalahatan--dahilan kung bakit mulat at kumprehensibo niyang nakita ang kapakinabangan ng paghahanap ng katarungan sa hayag na pamamaraan.

Ikaapat, may puwang ang pag-ibig sa pakikibaka. Pero naunawaan ni Arman na lalong dapat may puwang ang pakikibaka sa loob ng isang relasyon (bagay na hindi madaling nauunawaan ng mga petiburges na mga kasama).

Ikalima, at marahil ay pinakamatinding kontradiksyong naranasan ni Arman--ang pagsampa ng gawa-gawang kaso (tulad ng frustrated murder at murder) sa isang taong matagal nang napatunayang kahit-paano'y may tiwala pa siya sa gobyernong mismong pumatay sa kanyang mga magulang at naging dahilan ng pagkakawatak-watak ng kanyang pamilya.

Ikaanim, ang pangangailangang humawak ng armas at bumalik sa kanayunan kung saan mas matindi ang mga kontradiksyon.

Ikapito, nang minasaker ng mga militar ang mga magulang ni Arman at mapilitan siyang magbakwet, itinampok ito sa mainstream media--kumikita na kasi noon ang mga ganitong institusyon mula sa tumitinding galit ng masa kay Arroyo. Ngayon, sa ilalim ng "popular" na pangulong Noynoy Aquino, si Arman naman at ang 26 na iba pa ang minasaker ng mga militar--at tila walang pakialam ang mainstream media.

Ang ganitong karanasan ay hindi eksklusibo kay Arman--ito ay kolektibo, malawakan at lantarang nararanasan ng mga Pilipino sa araw-araw, mula sa kanayunan hanggang sa kalunsuran. Pinatutunayan ng karanasang ito ni Arman na mismong gobyerno ang nagtutulak sa maraming mga Pilipino na kumapit sa armas at isulong ang matagalang digmang bayan para sa tunay at ganap na pagbabagong panlipunan.

Mukhang kailanman ay hindi mauunawaan ng reaksyunaryong estado na ang pagpatay sa mga lider ng masang anakpawis ay hindi nakakapagpahina ng kanilang loob. Hindi namin makakalimutan ang mga naiambag ni Ka Arman. At lalong hindi namin malilimutang kayong Imperyalista, mga Panginoong Maylupa, at mga Burukrata-Kapitalista ang pumatay sa kanya at sa marami pa naming mga kasama. Mananagot kayo.

Taas-kamaong pagpupugay sa kabayanihan ng rebolusyonaryong Arman Albarillo!