2012/10/31

Ang Pekpek ng mga Indio

Ilang buwan na ring umeere sa telebisyon at radyo sa Pilipinas ang ad ng Lactacyd White Intimate. Malawak ang naaabot nito lalo't madalas itong pumapailanlang kung ang palabas sa telebisyon ay mga teleserye at talk show. Pangunahing katangian ng produktong ito ay ang kakayahan nitong paputiin ang "intimate area" ng mga babae. Pangako nito, matapos ang apat na linggo ay tiyak na puputi ang ari't kasingit-singitan, magiging maligaya ang babae, at gayon din ang lalaki.

Para mas mapalapit sa Pilipinang konsyumer ang produkto, ginawan pa ito ng lokal na bersyon. Bukod sa katangiang makapagpaputi ng ari ng babae, ang kakatwa sa ad na ito ay ang pagkuha ng endorser na likas namang maputi. At ang half-British na modelong si Georgina Wilson nga ang naging mukha ng naturang produkto.


Samantala, may kani-kaniyang bersyon din ng ad sa Thailand at Tsina. Parehong-pareho ang hitsura (setting, ilaw, plot, atbp.) ng tatlong ad na ito. Magkakaiba ang mga endorser, pero kapansin-pansing magkakasimputi ang mga ito. Kapansin-pansing ding halong Ingles at pambansa/lokal na wika (Tagalog/Filipino, Thai, Mandarin) ang ginamit sa kabuuan ng patalastas.

Sa India naman, may nauna na palang produktong nag-aalok ng parehong pangako at paligayahin ang buhay-pag-ibig/seks ng mga babae't lalaki--ang Clean and Dry Intimate Wash.


Umani ng batikos ang mga nabanggit na ad, partikular ang sa Thailand at sa India. Madaling maunawaan kung bakit. Ang tanong ngayon, para sa anong klase ng babae ang naturang ad/produkto/ideya? Sa karaniwang mga patalastas ng mga produktong pampaputi, pansin ni Deepanjana Pal (2012), tila nakatuon sa partikular na uri sa lipunan ang mga ito. Aniya, "Nowadays, the person who needs fair skin is the woman who wants a job, the athlete who wins a tournament, the consummate professional that stands on her own two feet." At sa lipunang nananatiling pyudal-patriyarkal, tulad ng India, tila "hindi kumportable" ang lipunan sa patuloy na pagdami ng mga babaeng lumalahok sa produksyong pang-ekonomya, kaya
...we feel the need to slip a few insecurities into her psyche. Preferably something that reminds a woman that no matter how short her shorts are or how good she is at her job, she is ultimately an object, something that men and other women see and judge...They [ads] show working women who are successful and tell the viewer that the critical component of their success is that their appearance is acceptable to men. How the woman sees herself is entirely irrelevant. What matters is how she’s viewed by others. (Pal, 2012)
Ang mas mahalagang tanong, bakit susugal ang dambuhalang kumpanyang tulad ng Sanofi Aventis sa paglalako ng ganitong klase ng produkto/ideya? Ang tugon ni Kultida Samabuddhi (2012): "The white-skin obsession among Thai consumers is a healthy source of income not only for skin product manufacturers, but also for advertising agencies, which seem to come up with endless ideas to lure consumers into buying the products." Totoo ito hindi lamang para sa lipunang Thai kundi sa lipunang Pilipino mismo.



Para manatili ang kapangyarihan sa ekonomya, mahalagang makontrol din ang kultura, kamalayan at mga pagpapahalaga ng lipunang sabayang pinagkukunan ng hilaw na materyal at binabagsakan ng yaring produkto. Naihuhulma ang pagpapahalaga ng mga Pilipino batay sa ganansyang pang-ekonomyang nais makuha ng mga multinasyonal na korporasyon; ginagawa ito sa pamamagitan ng pagkontrol at pagkasangkapan sa iba't ibang ahensya ng kultura, pangunahin ang popular na midya. Magpapatuloy at mauulit pa ito hanggat umiikot sa palad ng iilan ang ekonomya ng mga mahihirap na bansa. Magpapatuloy ito dahil desperado na ang mga naghaharing-uri na ibenta/bumenta ang kanilang nabubulok na ideya at produkto.

Hindi simpleng diskriminasyon sa kulay lamang ang problema rito. Lumalabas, ang isyu sa kulay ay isang paalala na nasa naghihingalong yugto na ang sistemang monopolisado ng iilan.