2012/11/18

Para sa ika-21 Gawad Genoveva Edroza Matute (Part 1)*


Naimbitahan ako ng mga bumubuo ng The Torch ng Pamantasang Normal ng Pilipinas para maging hurado sa ika-21 Gawad Genoveva Edroza Matute (GEM). Bilang hurado, nasa akin ang pasyang pumili ng natatanging mga tula sa Filipino at Ingles.

Dahil napiling maging tagahatol, madaling ipagpalagay na ako ay mahusay sa aking ginagawa, sa pagbasa at pagsulat o paglikha ng tula. Madali rin ngunit mapanganib na ipagpalagay na ako ay isang awtoridad sa pagpapaandar ng mga salita at pagmemekaniko ng mga depektibong tula. Madali ito dahil sa paglalagay sa isang tulad ko sa ganitong posisyon, obligado kayong paniwalaan ang aking desisyon. At para lalong mabigyang-katwiran ang pagpili sa akin bilang hurado, kailangan pang bigkasin nang malakas (ng tagapagpadaloy ng programang ito) ang pangalan ng pamantasang aking pinanggalingan, ang kursong tinapos ko, ang mga palihang dinaluhan, mga akdang nalathala, maging ang mga pagkilalang natanggap.

Pero gaya ng nasabi na, ang palagay na ako ay isang awtoridad, kahanay ng iba pang mga naimbitihan para maging hurado sa pinagpipitaganang patimpalak na ito, ay lubhang mapanganib. Hindi siguro maling ilagay sa kamay ng mga intelektwal/petiburges ang kapangyarihang magpasya kung alin ang mahusay at alin ang basura. Pero nagiging mapanganib ito sa kadahilanang sa sining at kultura, partikular sa  larangan ng paglikha ng tula (at prosa), lalo lamang nabibigyang-diin ang mga nakasanayan nang pamantayang ginagamit ng mga intelektwal/petiburges, yaong mga hinulma ng mga naging mapagpasya sa kasaysayan, yaong mga panukat na nakabatay sa preskripsyon ng kumukontrol sa moda ng produksyon. Samantala, sa ganitong kaayusan, nawawalan naman ng puwang ang mga kabilang sa mas malaking bahagi ng populasyon, lalo na ang mga manggagawa't magsasaka, kasama na rin ang mga mala-proletaryado at lumpen-proletaryado. Naisip n'yo bang imbitahan, halimbawa, 'yung mananahing naglirip ng inyong mga uniporme, para maging hurado rito? Kailan kaya natin iimbitahan ang isang tulad ni Tata Pido o Ka Orly para gumampan ng ganitong gawain? At bakit nga naman kayo mag-aanyaya ng prosti o kaya'y tulak (ng droga) sa programang ito?

Ang mas mahalagang tanong: Aabalahin ba ng mga factory worker, magbubukid, manininda, atbpang tulad nila, ang sarili para basahing isa-isa ang mga sinulat/isinumite ng mga kalahok-estudyante sa paligsahang ito, gayong sila ay “...nagugutom, at ang bituka'y walang ilong, walang mata?” (Jess Santiago)

Ano ngayon ang kailangang gawin ng intelektwal/petiburges na manunulat/hurado? Anong mga pamantayan kaya ang aking gagamitin? Paano ko pipiliin ang pinakamahuhusay mula halos 50 mga tulang kalahok?

Ang petiburges, sapagkat nasa gitna, karaniwa'y mabuway, tila laging naguguluhan at nahahati sa kung ano ang dapat piliin—ang “buhay na nagisnan, puno ng ginhawa” o ang “buhay na kayhirap, bagay na di gagap?” (Bong Ramilo at Rene Agbayani)

Mariin tuloy ang panawagang magpanibagong-hubog tungo sa proletaryong gawi at kaisipan, lalo na sa mga petiburges, lalo na sa mga makatang tulad natin. Nakabatay sa panawagang ito ang mulat na desisyong ilagay ang sarili sa posisyon ng milyun-milyong maliliit. Kung sila ang masusunod, anong klaseng tula kaya ang nais nilang matunghayan? Tungkulin ko ngayong suriin, piliin, at ilantad ang mga tulang may kakayahan/potensyal na tagpuin ang “horizon of expectation” (Hans Robert Jauss) ng mambabasa, o tugunan ang “mga pangangailangan at aspirasyon ng masang Filipino” (tinalakay ni Alice Guillermo, 1995).

Sa aking palagay, para maisakatuparan ang layuning nabanggit, akmang-akma ang saligang-konseptong tinalakay ni Emmanuel Dumlao sa kanyang sanaysay  na “Tungo sa Mapagpalayang Pagtula.” Aniya:

Panagot-laya ang itatawag ko sa saligang konsepto ng mapagpalayang pagtula. Dalawang magkaugnay na kahulugan ang kakabit ng terminong ito. Una, pagsasanib ng mga salitang pananagutan at kalayaan, kapuwa katangian ng pagtula na hindi dapat paghiwalayin. Ikalawa, pagkilala sa tula bilang isang kapangyarihang maaaring gamiting “pantubos” o “pansagot” sa kalayaan; ibig sabihin, ang tula bilang puwersa ng paglaya at pagpapalaya. Samakatwid, kapuwa pananagutan at kalayaan ang mapagpalayang pagtula. (2009)

Alin kaya sa mga tulang kalahok ang “maaaring gamiting 'pantubos' o 'pansagot' sa kalayaan?” At alin kaya sa mga ito ang nagpapatunay na ang tula ay “puwersa ng paglaya at pagpapalaya?” Malalaman natin iyan ngayong hapon.


*Bibigkasin sa ika-23 ng Nobyembre 2012 sa Pamantasang Normal ng Pilipinas, Daang Taft, Maynila.