2012/11/19

Para sa ika-21 Gawad Genoveva Edroza Matute (Part 2)

Ngayong taon, maraming mapapait na anibersaryo tayong inaalala.

Nitong unang linggo ng Nobyembre ay nagtirik ng kandila ang mga kaanak ng mga desaparecidos, sa kabila ng kawalang-katiyakan hinggil sa kinaroonan ng kanilang mga mahal sa buhay. Magpahanggang-kasalukuyan ay walang linaw kung buhay pa o patay na ba ang kanilang mga ipinagsindi ng kandila.

Matapos ang ika-26 na taon, ang mga kababayan nating manggagawa ay nananawagan pa rin ng hustisya sa pagpaslang sa mga lider-obrerong sina Rolando Olalia at Leonor Alay-ay.

Ginugunita rin natin ang ikawalong anibersaryo ng pagmasaker sa mga manggagawang-bukid ng Hacienda Luisita. Nitong nakaraang linggo lamang ay nagtipun-tipon ang mga kasapi at tagasuporta ng United Luisita Workers Union para singilin at papanagutin ang pamahalaang Aquino.

Nitong nakaraang linggo rin ay sinubukan natin palawakin pa ang nalalaman ng mga tao hinggil sa kalagayan ng mga bilanggong politkal. Marami sa mga kababayan natin, halimbawa'y si Ericson Acosta na isa ring manunulat na tulad ninyo, ay nananatili pa rin sa loob ng bilangguan sa bisa ng mga gawa-gawang kasong isinampa laban sa kanila.

Samantala, ngayong araw (Nobyembre 23) ay ikatlong taon naman ng anibersaryo ng Ampatuan Massacre. Kabilang sa mga pinaslang ay mga mamamahayag, mga manunulat ding tulad ninyo. Binakhong parang basura ang kanilang mga katawan. Inaalala natin ito hindi para ipagluksa silang mga nakalibing na kundi para panatalihing buhay ang panawagan para sa katarungan, at isiwalat ang pasistang katangian ng Estado. Pero ano kaya ang aasahan natin, kung nitong Hunyo lamang ay pinarangalan ng mismong si PNoy ang dalawang Ampatuan dahil sa kanilang "kahusayan" sa "pamumuno at paggogobyerno?"

Ang mga nabanggit ay magkakaugnay na mga suliraning hindi pa nareresolba. Ang mga pangyayaring ito'y nauulit, lumalala, nauulit, lumalala. Ito ang mga bagay na nakadikit na sa kolektibong kaluluwa ng masang inaapi. Kaya walang dahilan ang makata na isantabi ang kanyang panulat gayong hitik sa karanasan ang lipunan natin. At lalong walang puwang sa lipunang binulok ng neokolonyal at malapyudal na kaayusan, ang mga makatang lumilikha para "...suhayan ang mga kinagisnang kahulugan na umaastang totoo at unibersal pero mga kabulaanang binalangkas para tiyakin ang pangingibabaw ng naghaharing uri sa lipunan." (Dumlao, 2009)

Kung gayon, tungkulin ng makatang "[isiwalat] at [hamunin ang] ang lahat ng bunabansot sa kamalayan at sumasagka sa kalayaan ng indibidwal at sambayanan." Pero "kakambal nito ang walang humpay na pagtuklas at paglikha ng mga bagong kahulugan na tutulong sa taumbayan na unawain at baguhin ang kanyang kalagayan." (Dumlao, 2009) Ibig sabihin, ang mahusay na makata ay may kakayahang ilantad, sa tila bago/nakakapanibagong paraan, ang mga dati, paulit-ulit, at lumalalang sakit ng lipunan, nang sa gayon ay  maunawaan ng taumbayan ang kanilang tunay na kalagayan. Susi rito ang "pambubuliglig" o ang walang sawang pagtatanong, pag-usisa, paglalantad, at paghamon. (Dumlao, 2009)

Kaugnay nito, hindi tayo dapat maging kampante sa anumang kakayahang mayroon tayo ngayon. Kasabay ng pagpapataas ng antas ng kamulatan ay sinisikap din nating maging mas mahusay pa sa ating piniling larangan. (Almario, Sison, Dumlao) Ito ang dahilan kung bakit ang mga napiling pinakamahusay sa ika-21 Gawad Genoveva Edroza Matute (GEM) ay hindi "perpekto." Nangangailangan ang mga ito ng muling pagbisita, pagrerebisa, at pagpapaunlad. Kung mangyayari ito, mas epektibo nilang maipababatid sa mambabasa ang kanilang mensahe.

Nararapat lamang na ibigay sa ating mga mambabasa, sa mga pinag-aalayan natin ng berso't talinghaga, sa mga manggagawa't magsasaka, ang ating pinakamahusay. Basurang serbisyo ang natatanggap nila mula sa Estado; hindi basurang tula ang kanilang kailangan mula sa atin.