2012/12/19

Labis na Paghanga, Burgis na Pagdakila

Sa isa sa mga palihan sa pagsulat na inilunsad sa probinsya, naatasan akong ipakilala ang kapwa makatang si Axel Pinpin, mas kilala sa palayaw na "Ka Antoy" ng mga magbubukid. Bago ito, may napansin ako--

Magiliw ang mga tao kay Ka Antoy. Bilugan at maningning ang mga mata ng mga kabataang estudyanteng umiidolo sa kanya. Tila mutwal o parehas naman ang paghanga sa pagitan ng mga kabataan at matatandang magsasakang naroon, at ni Ka Antoy. Ang pagkagiliw ng mga kabataang estudyante ay nagmumula sa kanilang pagkakakilala kay Ka Antoy bilang tanyag na makata, bilang si Axel Pinpin. Samantala, kapansin-pansin namang ang pagkagiliw ng mga magbubukid ay nagmumula sa pagkakakilala kay Ka Antoy bilang aktibista-organisador. Sa katunayan, ayon mismo kay Ka Antoy, hindi naman nalalaman ng mga magsasakang siya pala'y tumutula. Sa hanay ng mga magsasaka, si Ka Antoy ay kilalang-kilala, hindi dahil sa kanyang "celebrity status" kundi dahil sa kanyang pagiging mahusay na organisador.

Nang ipakilala ko ang makatang aktibista, ganito ang sinabi ko:

Siya ay pangkalahatang kalihim ng Katipunan ng mga Magsasaka sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK). Sa ilalim ng pasistang rehimeng US-Arroyo, siya ay dinampot, ipiniit, at sinampahan ng gawa-gawang kaso, kasama ang iba pa sa tinaguriang "Tagaytay 5." Bago ito ay matagal na siyang nag-oorganisa at nagmumulat ng mga magbubukid sa Cavite. Napagsasabay niya at hindi pinaghihiwalay ang pagtula at politika, ang paglikha ng tula at pag-oorganisa. Dapat hangaaan pero hindi dapat ilagay sa pedestal--si Axel Pinpin.

Sa sinabi ko, may isang bagay na itinama si Ka Antoy, at may isang bagay na mahigpit niyang sinang-ayunan.

Ayon kay Ka Antoy, bago siya ikinulong ay matagal na siyang hindi sumusulat ng tula, sa halip ay nakatuon ang kanyang atensyon at buong panahon sa pag-oorganisa at pagpapataas ng antas ng pampulitikang kamulatan ng masang magsasaka sa Cavite. (Bagamat hindi naman niya itinangging nakalahok na siya sa isang pambansang palihan bago pa man siya naging aktibista.) Sa katunayan, hindi nalalaman ng kanyang mga inoorganisa na siya pala'y isang makata, sikat na makata. Dagdag pa, nakalikha na lamang uli siya ng mga tula noong nakapiit na (gaya ng nabanggit kanina).

Ano naman ang mahigpit na sinusugan ni Ka Antoy? Sang-ayon siya sa sinabi kong hindi siya dapat idolohin, o mas tiyak, ilagay sa pedestal. Hindi nararapat ang labis na paghanga, ang pag-idolo sa isang kasama.

Sa aking palagay, pagkabulag ang pinakamalalang maaaring ibunga ng labis na paghanga. Nagiging bulag tayo sa mga kahinaan ng ating kasama kapag siya'y labis na hinahangaan at nilalaanan ng burgis na admirasyon. Habang itinataas sa pedestal ay tila lalo namang lumalayo ang hinahangaan sa humahanga. Nagiging matayog at tila imposibleng maabot ang ehemplong ipinakikita ng kasama gayong dapat ay itinuturing itong inspirasyon, bagay na dapat ay sinisikap na maisabuhay ng mga lider-masa.

Puring-puri ni Teo Marasigan (2012) ang halimbawa ni Axel Pinpin:
Para siyang espesyal na lider-masa para sa mga aktibista. Paborito siyang imbitahan sa iba’t ibang pagtitipon para tumula. Ang mga pagbasa niya, madalas na sinasalubong ng katahimikan at tinatapos ng malakas na palakpakan. Marami ang nagpapakuha ng larawan kasama siya at may mga nakasaksi na rin ng pagtili sa kanya ng ilang tagahanga, kahit hindi menor-de-edad. Paborito ring gustuhin at ibahagi, i-like at i-share, ang mga tula niya sa Internet. 
Mahalagang maunawaan at maisaalang-alang ng ating mga lider-masa na bilang mga publikong pigura, sila'y gumaganap din bilang inspirasyon ng masa't mga kasama. At kung gayo'y dapat na naisasaalang-alang nila kung gaano kalawak ang kanilang impluwensya sa masa at maging sa kapwa-aktibista. Mahalaga ring maging malay (conscious) sila sa kung paano nila itinatanghal ang sarili sa publiko, sa loob at labas ng Internet.

Sa palagay ko, dapat ay maging maingat at mapagmatyag din ang mga lider-masa sa labis na paghanga at burgis na pagdakilang (i.e. "fangirling," pag-idolo, paglalagay sa pedestal, pagkilos ayon sa burgis na pamantayan ng kasikatan, atbp.) iginagawad sa kanila ng masa at ng mga kasama. Ibig sabihin, hindi dapat malakihin ang labis na pagpapahalagang ibinibigay sa kanila; ngunit mahalagang sa kanila mismo manggaling ang pag-unawa at pagpapaunawa na hindi naaayon sa panawagang magpanibagong-hubog at mamuhay nang simple ang lampas-taong digri ng paghanga at mala-showbiz na pagdakila.

May espesyal na pitak sa puso ng masa at ng mga tagahanga ang ating mga lider-masa. Ito ay dahil bukal ng inspirasyon ang ating mga lider-masa. Nakapagbibigay ng lakas ng loob--na ipagpatuloy ang pakikipaglaban para sa mga pinakabatayang karapatan--ang bawat salitang kanilang isinasaysay, ang bawat kilos, pihit, at pitik ng kanilang mga desisyon at isip. Pero dapat maging malinaw sa ating lahat--sa panig ng tagahanga, at sa panig ng hinahangaan--na hindi dapat bigyan ng toleransya ang grabeng pagdakila.

Ibig sabihin, dapat maging epektibong halimbawa ng simple at kolektibong pamumuhay, at pagpapanibagong-hubog tungo sa proletaryong kaisipan at kamalayan. Laging maging maingat at hindi dapat magpadalus-dalos sa paglikha at pagsasagawa ng mga desisyon, gaano man ito kaliit.

Parang bombang naghihintay na sumabog ang labis na paghanga. Minsan lamang na magkamali ang lider na inidolo nang sobra, bombang sasabog sa mukha ang dulot nito. Higit pang dulot ay ang kawalan ng tiwala at kumpyansa sa lider na dinakila nang husto. Magkakapira-piraso ang ilusyong nilikha ng di-prinsipyadong paghanga at labis na pagpapahalaga. Ito ang dagok ng burgis na pagdakila. (Hello, Bona?)

Mabigat na dalahin ito para sa ating mga lider-masa. Hayaan nating si Teo Marasigan (katuwang si Terry Eagleton) ang tumapos sa sanaysay na ito:
Pero hindi nalalamon si Pinpin at hindi lumalabnaw ang kanyang mensahe – at wala ring nagsasabi nito. Ang dahilan: tumatanggi siyang magkaganito. Sabi nga ni Eagleton, “Kung ang iyong mga pinakamamahal na rebolusyonaryong likhang-sining ay pwedeng lamunin ng sistema, nangangahulugan lang ito ng isang bagay: hindi sa hindi sapat ang pagiging pasabog o subersibo nila, kundi… wala silang tunay na ugat sa isang pangmasang kilusang pampulitika at oposisyunal…” (Teo Marasigan, 2012)