2013/08/04

Ilang Tala Hinggil sa Sining at Propaganda sa Kalunsuran sa Panahon ng Terminal na Krisis-Panlipunan

1. Karaniwang atraksyon at mahalagang sangkap rin ng mga kilos-protesta ang mural. Gaya ng natalakay na dati, isa sa mga prominenteng katangian ng protest mural ay pagiging mobile nito. Pagkat hindi laging sa pader makikita ang protest mural. Maaaring nakapinta ang mga imahen sa malaking kambas. Kung hindi man bitbit, nakasabit ang mga ito sa entablado, nagsisilbing backdrop at nakikita ng lahat habang nakikinig sa talumpati ng kanilang lider.

Higit na mahalagang gamit (function) ng sining ang kakayahan nitong magpukaw sa damdamin at kamalayan ng tagamasid (viewer). Para sa mga kontemporanyong rebolusyonaryo, mayroong mas matalas na papel na ginagampanan ang sining. Kabilang ang sining sa rebolusyong pangkulturang (cultural revolution) inilulunsad kasama ang malawak na hanay ng mga mamamayan. Layunin nitong buwagin ang maka-Imperyalistang superistruktura at itaguyod ang proletaryadong kulturang ginagabayan ng Marxismo-Leninismo. Kung kaya't karaniwang sa kolektibong pamamaraan inilulunsad ang mga gawaing pangkultura. Halimbawa, ang paggawa ng mural ay isang panlahatang gawain at hindi ikinikredit sa isang tao lamang o sa indibidwal na pangalan ang tagumpay ng paglikha. Kaiba sa burgis na kaayusan, sa paggawa ng likhang-sining halimbawa, ang indibidwal na artist ang umaako ng pagkilala/paghanga; samantala, hindi binibigyang-pagkilala ang iba pang mga kalahok sa paggawa/produksyon (ang mga laborer/construction worker at/o ang intern, halimbawa).

Madalas na pinapaksa ng mga protest mural ang mga pinakamariin at batayang isyung nagpapabigat sa pamumuhay ng karaniwang tao. Halimbawa, sa mural na ito na nilikha ng mga manggagawa para sa ika-125 pagdiriwang ng Araw ng Paggawa, tampok si Noynoy Aquino, kasama si Uncle Sam, sakay sa Porsche. Ang mga mamamayan naman sa mural ay larawan ng ahitasyon--nakahilera silang dala ang mga karatula at banner na naglalaman ng kanilang panawagan. Sa mural na ito, tila bugbog-sarado sa taumbayan ang tambalang Noynoy at Uncle Sam. Ito ang masining na manipestasyon ng kolektibong damdamin ng mga mismong manggagawang nagpinta sa mural na ito:

Protest mural para sa Araw ng Paggawa 2011
(Nakuha ang larawan dito.)

Detalye ng naturang mural: Ang taumbayan.

Detalye ng mural: Si Noynoy at si Uncle Sam.


Ang sining bilang epektibong paraan ng pakikipag-ugnayan sa mga karaniwang mamamayan--ganitong katangian ng sining ang siya ring pilit na kinakasangkapan ng reaksyunaryong Estado. Sa gitna ng malubhang krisis panlipunan at pangkultura, lumilitaw ang pinakamapanlinlang na katangian ng Estado sa tahasang paggamit nito sa sining para ilako ang kanilang konsepto ng kapayapaan. Ang makulay na mural sa kahabaan ng EDSA ay dagdag lamang sa listahan ng mga likhang-sining at cultural object na ginamit ng Sandatahang Lakas (Armed Forces of the Philippines o AFP) para ibenta kapayapaang nakabatay sa susog ng Imperyalistang kaayusan. Nariyan ang pagkuha sa mga sikat na artistang tulad nina Gloc-9, Anne Curtis, Gerald Anderson, atbp., bilang mga "peace ambassadors." Dagdag pa ang paghirang kay Sarah Geronimo bilang "Oplan Bayanihan Ambassadress." Si Sarah Geronimo ang umawit sa theme song ng Oplan Bayanihan at siya rin ang nanguna sa music video nito.
Sa music video, binigyang-diin ang dalawang bagay--kapayapaan at kaunlaran. Sa pananaw ng reaksyunaryo, ang kapayapaan ay makakamit sa pamamagitan ng pagsuko sa armadong pakikibaka. Samantala, magbibigay-daan naman ito sa kaunlarang nakabatay sa "public-private partnership program" ng rehimeng US-Aquino, sa kaunlarang mga pribadong korporasyon lamang ang nakikinabang. (Juan, 2013)
Kasuklam-suklam ang paggamit ng AFP sa sining bilang anila'y "instrumento ng kapayapaan." At dapat na simbolikong ipako sa krus ang artist na si A.G. Saño sa kanyang direktang pagpapakasangkapan sa berdugong AFP at pakikipagsabwatan rito upang samantalahin ang mga pinakaatrasadong mamamayan sa kalunsuran sa paghikayat sa kanila na makiisa sa paggawa ng tinatawag nilang EDSA Peace Mural. Si A.G. Saño ang visual artist na nanguna sa pagdibuho ng naturang mural. Kasama rin siya sa pagpaplano nito gaya ng nabanggit niya sa isang interbyu. Matatandaang bago ito ay tumanggap siya ng parangal mula sa ambassador ng Estados Unidos na si Harry Thomas.  

AFP: "Ito ang gusto ko...Kapayapaan."
(Galing ang larawan rito.)

Pinakamapanlinlang  na bahagi marahil ang detalyeng ito ng EDSA Peace Mural:

Ang rebelde at ang sundalo ayon sa EDSA Peace Mural.
(Ipagpaumanhin ang larawan; walang ibang napaghugutan kundi ito.)

Magkahawak-kamay ang (walang-ulong) rebelde (sa kaliwa, nakapulang armband) at ang sundalo (sa kanan, nakaunipormeng pang-AFP). Nakatindig sila sa harap ng dilaw na bakgrawn at sa pagitan naman nila ay ang salitang "peace." Mapapansin rin ang pamilyar na simbolo ng puso at kapayapaan sa bandang itaas ng kataga.

Mapanlinlang ito sapagkat taliwas ang mga imaheng ipinakita sa EDSA Peace Mural sa tunay na nangyayari sa kanayunan. Hindi kapayapaan ang dala ng mga sundalo ng AFP sa malalayong mga rehiyon. Sa ilalim ng panunungkulan ng commander-in-chief ng AFP na si Noynoy Aquino, patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa kalunsuran, lalo na sa mga militarisadong lugar sa malalayong probinsya. Halimbawa, mula noong Hulyo 2010 ay nakapagtala na ang KARAPATAN ng 142 bilang ng mga biktima ng extrajudicial killing. Laganap rin ang tortyur, panggagahas, ilegal na pag-aresto, atbp.--lahat nang ito ay nagaganap sa mga lugar na halos hindi naaabot ng batayang serbisyo mula sa gobyerno.


2. Sa isang raling iglap sa Mendiola para sa ika-43 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) noong Marso 2012, unang natunghayan ang portrait ni Ka Roger Rosal, namayapang tagapagsalita ng BHB. Nakapinta sa kambas ang larawan ni Ka Roger, suot ang kanyang Mao cap at pulang kamisetang nagtataglay ng imahen ng magkapatong na karet at maso. Tila nakatingin sa tagamasid, nakabuka nang bahagya ang bibig ni Ka Roger. Sa bandang ulunan ay nakasulat ang katagang "We want you;" samantala, nakahilera naman sa ibaba ang mga salitang "Join New People's Army." (Ipinagawa sa artist na si Ponsi Guerra ang pintang ito.)

Ka Roger: "We want you."
(Mula rito ang larawan.)

Madaling mahinuhang ang naturang pinta ay subersyon ng recruitment poster ng US army (ipinakomisyon sa ilustrador na si James Montgomery Flagg), na kinatatampukan naman ng larawan ni Uncle Sam sa parehong posisyon, nakaturo ang mga daliri, ang mga mata'y nasa tagamasid. 

Uncle Sam: "I want you."
(Nahugot mula rito ang larawan.)

Pansining sa bersyong ipinagawa ng BHB, ang orihinal na panghalip (pronoun) na "I" ay pinalitan ng "we"--isa ito sa mga mayor na pagkakaiba ng mga imahen at tekstong matutunghayan sa dalawang likhang-sining. Sa pamamagitan ng malay na pagpalit ng "I" tungo sa "we," may pagtatangkang magpasiklab ng masiglang banggaang pang-ideolohiya. Tila sa pamamagitan ng sining ay tinutunggali ng progresibong ideolohiya ang maka-Imperyalistang pagpapahalaga. Sa pagpalit ng ginamit na panghalip, naililipat ang tanaw mula sa liberal/indibidwal na "I" tungo sa prinsipyado at panlahatang "we," na nagpapahiwatig ng kolektibong pagkilos, isa sa mga prinsipyong pinanghahawakan ng mga kontemporanyong rebolusyonaryo.

Dagdag pa, ang Mao cap ay tila indikasyon ng patuloy na pagsangguni ng BHB at PKP sa Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong (MLKMZ). Maigi ring bigyang-pansin ang ginamit na mga kulay sa bakgrawn--unti-unting nilalamon ng pulang kulay sa ibaba ang dilaw na pigment sa itaas, nagpapahiwatig sa mapulang silangan, isa sa mga karaniwang simbolo/imaheng malimit na makikita sa mga likhang-sining at panitikan ng rebolusyonaryong kilusan.

Sa paggamit sa sining bilang integral na bahagi ng programa ng demokratikong rebolusyong bayan, ang "We want you" portrait ni Ka Roger ay naglalayong maipalaganap (to popularize) ang politikal na aspirasyon ng Bagong Hukbong Bayan at ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP)--sa madaling salita, sa kagyat ay maipaalam sa masa na nagpapatuloy ang armadong pakikibakang pinangungunahan ng malawak na hanay ng mga magbubukid sa kanayunan.