2013/09/30

Kailangan ba ng Masa ang Sining? (Part 1)

Ang hindi pinaniniwalaan ng burgis at/o petiburges na artista at manggagawang pangkultura, mahalagang sangkap ng bagong demokratikong rebolusyong pangkultura ang sining at masikap itong ginagamit para makatugon sa hinihiling ng masang anakpawis na panlipunang pagbabago--pagbabagong nakagiya tungo sa ganap na sosyalistang konstruksyon. Sa eksena (art scene) at maging sa akademya sa kasalukuyan, karaniwan nang maririnig ang burgis na komento hinggil sa pagkasangkapan sa sining sa pagsusulong sa mga politikal na hangarin: "Kung gusto ko ng pagbabago sa lipunan, hindi ako gagawa ng sining. Sa halip, magtatayo ako ng political organization." O kaya'y ganito: "Nakasasagabal sa kadalisayan ng sining ang pagtanaw rito bilang isang politikal na gawain." Maririnig din ang ganitong sentimyento mula sa kanilang hanay: "Oo, sige na nga, ang sining ay politikal--pero kung gayon ang pagtingin natin, magiging simplistiko at mekanikal ang paglikha ng sining. At kung gayo'y hindi na ito magiging mabunga pa (productive)." (Suarez, 2011) Samantala, pinakairesponsableng (o pinakaignoranteng) komento na marahil ito: "Hindi kailangan ng masa ang sining."

Kailangan ba talaga ng masa ang sining?

Iisipin ng burgis/petiburges na artista, hindi naman interesado sa sining ang pangkaraniwang mamamayang sumasahod ng mas mababa pa sa minimum. Ang pagbisita sa mga galeri at paglahok sa iba pang gawaing may kinalaman sa sining (diskusyon, produksyon, atbp.) ay mga bagay na hindi naman maiisip pang pagkaabalahan ng isang ginang na kumikita lamang sa pamamagitan ng pagtatanim ng gulay. At sinuman ay hindi pa marahil nakarinig ng informal settler o kaya'y bakwet na nangarap maging visual o multimedia artist at naging matagumpay sa pagtupad sa pangarap na ito. At ano nga naman ang masasabi ng maralitang tagalungsod, ng manggagawa't magsasaka sa kontemporanyong sining sa Pilipinas gayong hindi naman (daw) sapat ang kanilang nalalaman para makabuo ng matalinong opinyon? Ano naman ang alam nila sa art critcism at ano ang magiging kontribusyon nila sa pagpapayabong ng kontemporanyong sining sa Pilipinas, gayong hindi naman sila ang "intended audience" ng mga batikang artista sa bansa? At ang kaya lang namang maarok (daw) ng masa, bukod sa mga pelikula sa MMFF, PBA, at mga telenobela, ay yaong social realist art o kaya'y protest art, kaya naman hindi masisisi ang isang pinagpipitaganang artist nang sabihin niyang: "I’m also turned off by Social Realist paintings. I find the politics behind it naive and at times hypocritical. The way they are painted and the content, too, doesn’t [sic] appeal to me. How many depictions of farmers, workers, raised fists, chains, fat cats, evil businessmen and corrupt politicians can we take? Social Realism is just a 'look.'" (Ocampo, sa interbyu ni D'Bayan, 2009)

Nagugutom ang masa. At sining ang huling bagay na maiisip nilang makapapawi sa gutom na nararamdaman. Pangkaraniwan na para sa kanilang maranasan ang mga pinakamalalang anyo ng pagsasamantala sa panahon ng huling yugto ng kapitalismo. At hindi sila baliw para maniwalang sining ang makapagdudulot ng tunay at ganap na pagbabagong panlipunan.

Pero bakit, tulad ng nabanggit kanina, itinuturing ang sining bilang mahalagang bahagi ng nagpapatuloy na pambansa-demokratikong rebolusyon sa Pilipinas? At bakit/paano ito magiging mahalagang kasangkapan sa panahon ng sosyalistang konstruksyon?

Pagtitiyak ni E. San Juan, Jr. sa kanyang "Art Against Imperialism, For the National Struggle of the Third World Peoples," literal na usapin ng buhay at kamatayan ang sining sa mga kolonyal at neokolonyal na lipunang tulad ng Pilipinas. (1988) Paliwanag niya:
Whether they like it or not, the artists in the 'undeveloped countries' of Asia, Africa, ad Latin America serve as witness and participant to a complex but law-governed process in which a new configuration of human relations, both the antithesis and fulfillment of the present, is assuming integrity and substance in the womb of the old dying system. Depending on the artist's choice, aesthetics in the context of the class struggle may serve either as midwife or executioner... 
This conception of the art's role, its import and efficacy in mediating consciousness and reality, is implicitly committed to the goal of radical social change. Either one decides to take a stand in full awareness or allows himself/herself to 'blind necessity'--on the surface, a dualism which art as a kind of human engagement seeks to resolve. But surely, many aestheticians in the metropolis...would dissent. Those who believe art contains self-sufficient, or autonomous, terminal value transcending contingent interests and needs may be scandalized by what they call 'vulgar instrumentalism.' (1988)
Ang kultura--na siyang kakawing ng sining--ay buhay na manipestasyon ng umiiral na ekonomya at politika. Anumang mahalaga at natatanging tagisang nangigibabaw sa larangan ng politika at ekonomya ay siya ring lumilitaw at nagkakahugis sa larangan ng kultura. (De Lima at Sison, 1986, 2003) Samakatwid, maaaring sabihing malapyudal at neokolonyal, o umaaayon sa malapyudal at neokolonyal na kaayusan, ang tipo ng sining na tuwiran at di-tuwirang ineendoso ng Estado at ng iba pang mga institusyon, maging ng mga organisasyong pansining, at mga grupo't indibidwal na may kinalaman sa paglikha ng sining. Sa tuwiran at/o di-tuwirang paraan, ginagamit ng nakapangyayaring pwersa ang sining para madulas at lehitimong ipatanggap, panatalihin, at payabungin ang antinasyunal, antisiyentipiko, at antimamamayang kultura.

Ano ang posisyon ng artista sa relasyon ng produksyon sa kanyang panahon?

Sa loob ng mahabang panahon, sa tulong ng mga maka-Imperyalistang patakaran at tratado, napailalim ang lipunang Pilipino sa pang-ekonomyang kapangyarihang manipulado ng mga malalaking burgesya komprador na direktang nagsisilbi sa kapitalismo at imperyalismo, at nakahanap ng kakampi sa mga lokal na panginoong maylupa. (Zedong, 1939) Magkatulong  nilang pinananatiling atrasado ang mga gamit sa produksyon, habang pinalalala ang di-patas na relasyon sa produksyon--sa pagitan ng burgesya komprador/panginoong maylupa at manggagawa/manggagawang-bukid/magsasaka. Sila ang nagmamay-ari ng gamit sa produksyon (makina, lupa, atbp.) at malaki ang tubong nakukuha nila gayong wala naman silang direktang partisipasyon sa produksyon. Samantala, buong panahon at lakas-paggawa ay inilalaan ng manggagawa/manggagawang-bukid/magsasaka sa paglikha ng produkto, gayong napakababa lamang ng kanilang kinikita mula rito. At habang dumarami ang mga magsasakang inaagawan ng lupa, nadaragdagan pa ang bilang ng mga bumubuo sa reserbang hukbo ng lakas-paggawa, na siyang "pinagkukunan ng murang lakas-tauhan para sa malalaking empresang komprador." (De Lima at Sison, 1983, 2003)

Ngayong malinaw na kung ano ang katangian ng mga relasyon sa produksyon sa malapyudal-neokolonyal na Pilipinas, saan/paano/ano ang posisyon ng artista at manggagawang pangkultura?

Sundan ang ikalawang bahagi ng sanaysay dito.