2013/10/08

Kailangan ba ng Masa ang Sining? (Part 2)

Basahin muna ang unang bahagi ng sanaysay na ito.

Pagkat abala na ang uring anakpawis sa paglikha ng mga pinakabatayang pangangailangan ng mga tao sa lipunan (hal., pagkain, damit, bahay, atbp.), maging sa pag-asembol ng mga luho't pamorma ng uring burgesya (hal., Mac Air, Blackberry, iPhone, iPad, Fred Perry, Doc Marten's, Converse, at marami pang iba), ang mga artista at iba pang miyembro ng intelihensya, ay maraming oras na nailalaan sa pagpaplano at paglikha ng kanilang sining. Naniniwala silang mayroon silang "laya," "awtonomya," at "soberanya" mula sa anumang politika kung kaya't malaya rin nilang naigigiit ang kanilang tipo ng sining. At kung gayon, ayon kay E. San Juan, Jr., ang ganitong klase ng artista ay mayroong dalawaang pagpipilian:

She/he can deny the objective inequality in his/her mind and exalt the supraclass, supraracial status of the artist...She/he is happy, with a conscience at rest. This benevolent impartiality is rewarded with cash and sinecure; we may call this 'Right' opportunism.  
Or the intellectual can get rid of his/her petty bourgeois hang-ups, the egotistic lifestyle encrusted by the decadent and parasitic milieu of Paris, London, or New York, and 'go native' again, this time extolling a mystical essence like 'Negritude,' or an authentic Oriental (Gandhian?) spirit. This we may call 'Left' opportunism. Kim Il Sung repudiated this trend of 'restorationism.' (1988)
Ang "restorationism" ayon kay Kim Il Sung, ay tumutukoy sa "anti-Marxist na ideolohiyang naglalayong ibalik at ipagkapuri ang mga bagay na mula sa nakaraan sa paraang di-kritikal at walang pagsasaalang-alang sa prinsipyo ng uri at mga banta ng kasalukuyang panahon." (sinipi ni San Juan, 1988) Ibig sabihin, ito yaong mga halimbawa ng gawa na pumapaksa at dumadakila sa anumang atrasadong bahagi at katangian (ideya, imahen, mito, atbp.) ng nakalipas at kung gayo'y nakatutulong sa pagpapanatili sa mga atrasado at pyudal na mga gawi at pananaw (halimbawa, ang mga primitibo at patriyarkal na paniniwalang ipinangaral ng mga epiko noong unang panahon, muling isinasabuhay sa pamamagitan ng pagtatanghal sa mga ito sa pamamagitan ng kontemporanyong sining-biswal).

Ang dalawang nabanggit na tipo ng oportunismong pinakikinabangan ng mga pribilehyadong artista, ang kanilang mga gawa, at kanilang mga prinsipyong pansining, ay malinaw na senyal ng umiiral na pampolitika at pang-ekonmyang sitwasyon sa Pilipinas.

Isa pa sa matingkad at nakababahalang manipestasyon ng pampolitika't pang-ekonomyang kaayusan sa kultura, laluna na sa sining, ay ang katulad na anyo ng pagsasamantala sa ilalim ng di-patas na relasyon sa produksyon sa pamamagitan ng hatian sa gawain (division of labor). Sa aking pananaw, makikita ito sa iba't ibang layer ng pagsasamantala. Una, kapag ginagamit/pinapaksa ng artista ang kolektibong karanasan ng isang komunidad, pero hindi naman niya nararamdamang may pangangailangang magsukli/magbalik (to give back) sa mismong komunidad na pinagkunan/pinaghalawan niya ng inspirasyon/konsepto/ideya. Ikalawa, kapag umuupa ng lakas-paggawa (manual labor) ang artista para gawin/tapusin, isakatuparan at magkaroon ng pisikal na anyo ang kanyang ideya, pero hindi binibigyang-kredit ang mga ito para sa lakas-paggawang iniambag nila sa konstruksyon/produksyon ng sining. Tumatanggap ng pagkilala ang artista para sa kanyang ideya, pero hindi makatatanggap ng anumang pagkilala ang nag-ambag ng lakas-paggawa, maliban sa bayad sa pag-upa rito (pakyawan o arawang kita). At ikatlo, kapag ang mismong paksa ng likhang-sining ay hindi kabilang sa intended audience ng artista, at kung gayo'y ang mismong buhay na pinili't pinaghugutan ng inspirasyon ng artista ay walang akses sa sining na nilikha.

Pahayag ng rebolusyonaryong si Chiang Ching, nagsisikap ang mga magsasaka sa kanayunang mapaunlad ang agrikultura at mabago ang di-patas na relasyong sosyal; buong panahon nila'y nakalaan sa paggampan sa gawaing ito. At minsan sa isang taon lamang silang may pagkakataong makapanood ng dula o pelikula, tungkol pa ba naman ito sa magarbong pamumuhay ng mga emperor at panginoong maylupa, o magiging tungkol ba ito sa buhay ng mga maralitang namuhunan ng dugo't pawis para sa tunay na panlipunang pagbabago? (1993) Mayroong tinatamasang kalayaan at libreng oras para mag-isip at lumikha ang mga artista dahil inilalaan na ng mga manggagawa't magsasaka ang kanilang buong panahon sa paglikha ng mga kakainin natin, at ng mga bagay na gagamitin natin sa araw-araw--at anong klaseng sining pa ang kanilang matutunghayan? Ang masakit pa, ang mga artista mismo'y inaaaliw ang kanilang sarili sa "ganda" at "husay" ng kanilang mga ideya, gayong hindi nila nalalaman, sila mismo'y nagsasamantala sa murang lakas-paggawang inilalako ng maralita.

Balikan natin ang tanong: kailangan ba ng masa ang sining? Ano ba ang papel na ginagampanan ng sining sa paghubog sa lipunan?

Gumaganap ng mahalagang papel ang sining sapagkat kinikilala ng pambansa-demokratikong kilusan ang kakayahan nito, katuwang ang iba pang sangkap ng kultura (wika, musika, literatura, edukasyon, atbp.), na lupigin ang atrasado, elitista, at reaksyunaryong kulturang pinakikinabangan ng lumalalang kairalan.

Sa konteksto ng wika, trailer at pelikula, tinangka ni Juan (2013) na ipaliwanag kung bakit kailangan ng masa ang sining:
What the filmmaker needs to understand is that the marginalized also have their ideological needs and a significant part of such is the need to use their mother tongues to advance their ideological and cultural cognizance. This advanced ideological consciousness is supposed to guide the marginalized in examining life and society, in their involvement in the process of proletarian transformation, a gradual and rigorous process of peeling off bits and remnants of the semifeudal-neocolonial present, and in combatting revisionist ideas that may appear when socialist construction in the Philippines starts...
Ang masa ay mayroong matinding pangangailangang ideolohikal na hindi nila napag-uukulan ng atensyon pagkat inagaw na ng sistematikong pagsasamantala sa trabaho ang libreng oras na maaari pa sana nilang magamit para paunlarin ang kanilang mga talento at kasanayang kultural. Mahalaga ang kasanayang ito pagkat makakatulong ito sa pagpapatalas ng kanilang pag-unawa at pagsusuri sa kanilang kalagayan. Sa panahon ng sosyalistang konstruksyon, makakatulong din ito sa pagtutuwid sa mga kontra-proletaryong argumento at kaisipan.

Sa pabrika, ang manggagawa ay sinasanay sa robotik na pagkilos. Sa loob ng maghapong pagkakaupo, ang indibidwal na manggagawa ay nakapako lamang sa isang napakasimple at napakapartikular na gawain--kung ang produkto ay kamiseta, ang indibidwal na manggagawa ay maaaring atasang manahi lamang ng manggas sa buong maghapon at sa loob ng tiyak na panahon (halimbawa, 3 buwang pananahi ng manggas kung ang manggagawa ay nakapirma sa 3-buwang kontrata). Sa ganitong klase ng routine, nakatitiyak ang mga tagapagtimon ng imperyalistang kaayusan na nagiging ampaw kundi man malabnaw ang kolektibong kamalayan ng masa. Higit pang nakapagpapalabnaw ng kamalayan ang klase ng kulturang matagal nang umiiral--ginagatungan nito ang gasgas na paniniwalang walang kinalaman ang sining sa politika. Nagbibihis-katotohanan ang ganitong paniniwala pagkat ang interes ng masa'y sinanay at pinanatiling malayo sa praktikal at sosyo-politkal na halaga ng sining.

Kailangan ng masa ang sining at kailangan nila itong angkinin at linangin para masigurong hindi matutulad sa kaso ng Tsina, halimbawa, ang sistemang panlipunang pinagsikapang mabago ngunit dahil nangibabaw ang mga rebisyunistang pwersa ay umandar ito nang paatras, mula sa sosyalistang konstruksyon pabalik sa kapitalistang kaayusan. Matagalan at nakamamatay ang prosesong itong malaon nang sinimulan sa mga sonang gerilya sa kanayunan at mga baseng masa sa kalunsuran, sa tulong ng mga kadre ng ARMAS (Artista at Manunulat ng Sambayanan), at ng mga artista at manggagawang pangkultura mula sa magkakaalyadong hanay ng mga abanteng petiburges, manggagawa, at magsasaka. Mahabang panahon pa ang kailangang gugulin at hindi dapat magdalawang-isip ang mga kadre at kasama kung kinakailangang gamasin ang mga ligaw na damong sumisipsip sa sustansya ng sining na dapat ay para sa pagtupad ng ating rebolusyonaryong hangarin.



Mga Sanggunian

"Chiang Ching The Revolutionary Ambitions of a Communist Leader." 1993. A World To Win. Issue no. 19. Mula sa http://www.aworldtowin.org/back_issues/1993-19/chiang_Ching.htm, naakses noong 16 Setyembre 2013.

D'Bayan. 2009. "Manuel Ocampo's Anarchy in the RP." mula sa kolum na Artmageddon. Philippine Star. Mula sa http://www.philstar.com/arts-and-culture/506690/manuel-ocampos-anarchy-rp, naakses noong 16 Setyembre 2013.

De Lima at Sison. 2003. Ekonomya at Pulitika ng Pilipinas. Pilipinas: Aklat ng Bayan, Inc.

Juan. "Trailer as Strainer." 2013. mula sa http://discussionlab.com/features/amalgam-trailer-as-strainer-juan/, naakses noong 08 Oktubre 2013.

San Juan, Jr. 1988. "Art Against Imperialism, For the National Struggle of Third World Peoples." Ruptures, Schisms, Interventions: Cultural Revolution in the Third World. Maynila: DLSU Press.

Suarez. "Salvaging the Author: The Social Turn in Philippine Poetry." High Chair. Issue no. 15. Saguid at Gueverra, mga patnugot. Mula sa http://www.highchair.com.ph/issue15/15_salvagingtheauthor.htm, naakses noong 16 Setyembre 2013.

Zedong, Mao. 1939. "The Chinese Revolution and the Chinese Communist Party." Selected Works of Mao Tse-Tung. Mula sa http://www.marxists.org/reference/archive/mao/selected-works/volume-2/mswv2_23.htm, naakses noong 16 Setyembre 2013.