2013/12/13

Para sa ika-22 Gawad Genoveva Edroza Matute: Kumpetisyon sa Pagsulat ng Maikling Kuwento

Nananatiling mahalagang bahagi ng buhay ng mga karaniwang mamamayan ang panitikan pagkat, ayon kina Jun Cruz Reyes at Soledad Reyes (1984), “napakaraming masalimuot na pagbabagong naganap hindi lamang sa kultura kundi sa kasaysayan.” Ang ganitong katotohanan ay nakikipag-umpugan sa isa pang katotohanang nananatiling atrasado ang moda ng produksyon sa Pilipinas gayong bumibilis naman ang pag-unlad ng teknolohiyang pinagkakakitaan ng mga kumpanyang multinasyonal. Sa madaling salita, kahit sabihin pang napakalaki na ng iniunlad ng mga proseso at teknolohiyang pangkomunikasyon, nakapirmi naman sa pagkamalakolonyal/malapyudal ang ating lipunan. Itong mga katotohanang ito ang siya ring naglalatag ng materyal na kondisyong nagsisilbing matabang lupa laluna para sa mga kuwentistang nagsisimula pa lamang magtanim at magpalago ng kanilang mga akda.

At ang Gawad Genoveva Edroza Matute, na higit dalawang dekada nang isinasagawa, ay isa lamang sa mga institusyong patuloy na nagtataguyod ng panitikang Filipino. Balon ito ng mga bagong manunulat—mga manunulat na sa palagay ko ay nasa sangandaan ng kanilang buhay.

Kung tutusi'y wala naman talagang gaanong pagpipilian ang mga manunulat, palibhasa'y mga intelektuwal na petiburges—mga nakapag-aral at nangangarap pang magkaroon ng mas komportableng pamumuhay. Paano mangyayari ito? Maaaring una, sa pamamagitan ng paglilingkod sa mga kaaway sa uri (i.e. ialay ang katapatan sa mga dambuhalang korporasyon hanggang marating ang pinapangarap na buhay na lampas sa uring pinanggalingan), o ikalawa, sa pamamagitan ng pagtataksil sa mismong uring pinagmulan at buong pagpapakumbabang pakikiisa sa mga uring isinantabi (i.e. magsikap na magpanibagong-hubog at mamuhay nang simple habang aktibong lumalahok sa kilusang pambansa-demokratiko). Sabi nga ni E. San Juan, Jr. (2004), kung hindi ka pipili, ikaw ang pipiliin. Hindi ka makakatakas pagkat ang pag-iwas sa katotohanan at pagtangging lumahok ay katumbas din ng pagpapagamit sa uring nagsasamantala.

Patuloy na nagbabago ang lipunan at maaari itong mangyari nang natin hindi namamalayan. Maaari din namang tayo mismo'y aktibong lumahok at baguhin ang takbo ng kasaysayan. (Pero lilinawin ko: hindi ito madaling gawin, at kung gayo'y hindi dapat apurahin.) Dapat maging malinaw na kung kaya ang panitikan ay nagiging integral na bahagi ng buhay ng tao, ay dahil isa itong “ideological weapon” (San Juan, 1988), o sandatang pang-ideolohiyang may kakayahang gawing sariwa ang mga pinakabatayang problemang panlipunang matagal nang nagpamanhid sa pandama ng karaniwang tao. Sa kanyang sanaysay, malinaw ang paglalarawan ni E. San Juan, Jr. sa papel ng manunulat (artista):

[…] the central task of the artist is to demistify the class-distorted picture of the world established by imperalist domination. His vocation is to undermine, not reinforce, the predominant interest of the ruling class. In order to dismantle the sacrosanct engines of repression, one must reform public opinion and restore to the masses their self-confidence, their long-suppressed tradition or resourcefulness and creativity. The principal task—namely to transform the people as an object (in itself) to a subject (for itself)--also presupposes and entails converting the deracinated native intellectuals into revolutionary cadres serving the people. (San Juan, 1988)

Sa puntong ito, hayaan ninyo akong ipakilala sa inyo ang mga nagwagi sa paligsahan sa pagsulat ng maikling kuwento para sa taong ito. Natatangi ang mga akdang ito sapagkat una, pumapaksa ang mga ito sa buhay, tagumpay at kabiguan ng mga karaniwang tao; ikalawa, halatang kilalang-kilala ng mga may-akda ang kanilang pangunahing tauhan—ang hitsura nito, ang pisikal na anyo, ang kaluluwa, maging ang amoy ng kanilang hininga, at kahit pa likaw ng kanilang bituka; at ikatlo, pagkat hindi naisakripisyo ang porma, napanatili ang kasiningan ng akda, at dahil dito'y mas epektibo nilang naipararanas sa mambabasa ang masasalimuot ngunit tagni-tagning partikularidad sa buhay ng mga tauhan sa kanilang kuwento.

Halimbawa, sa maikling kuwentong “Padre de Pamilya,” naipakilala nang husto sa mambabasa ang kompleks na sikolohiya ng pangunahing tauhang. Kapuri-puri ang masinsing paggalugad ng awtor sa lohika at damdamin ng pangunahing tauhan. Sa kuwentong ito, madaling mauunawaan ang kabalintunaan ng pyudal na kaayusan sa lipunan sa punto de bista ng batang babaeng nasa edad labinlima.

Higit na mahusay ang “Batman,” sa aking palagay. Bukod sa punto de bista ay namaksima rin ng may-akda ang paggamit sa karaniwang wikang balbal kung tawagin. Konsistent ang paggamit ng awtor sa wika. Napanindigan din nito ang mga imaheng pinili para ilarawan ang kabusilakan ng paksang hindi karaniwang tinatalakay sa mainstream—ang pag-ibig na lesbian.

Sa laman at anyo, pinakanatatangi ang “Istambay.” Nakapokus ito sa isang partikular at mahalagang yugto sa buhay ng isang kabataang maralita. Sa kuwentong ito, sabay na ginalugad ng awtor ang damdamin at karanasan ng maralitang binata, laki sa hirap, hindi nakatapos, at walang trabaho. Kahit maiksi ang pormat, malinis na naisiksik ng manunulat ang mga magkakaugnay na aspektong bubuo sa katauhan ng bida—ang kanyang buhay bilang panganay na anak, ang kanyang nilalangaw na buhay-pag-ibig, ang kanyang nakapanlulumo ngunit nakakaahitang karanasan sa trabaho, atbp. Habang binabasa ang kuwento'y unti-unti ring umuunlad ang characterization hindi lamang ng pangunahing tauhan kundi maging ng mga personalidad (i.e. minor characters) na nakapaligid sa kanya. Sa dulo, mayroong pino (subtle) ngunit makintal na epiphany na ipahihiwatig ang bida. Higit sa lahat, gaya ng naunang dalawa, himig at wika ng karaniwang mamamayan ang tila nagsilbing takuya ng mga binhing nais ipunla ng may-akda sa isip at damdamin ng mambabasa.


Mga sanggunian

Reyes, Jun Cruz at Soledad Reyes. 1984. “Ang Ating Panitikan sa Ating Panahon: Introduksyon.” Ang Ating Panitikan. Lungsod Quezon: Association of Philippine Colleges of Arts and Sciences/JMC Press.

San Juan, E. Jr. 2004.  “Ang Sitwasyon ng Manlilikha sa Panahon ng Pagbabagong Pambansa.” Himagsik: Pakikibaka Tungo sa Mapagpalayang Kultura. Maynila: DLSU Press, Inc.

San Juan, E. Jr. 1988. “Art Against Imperialism for the National Struggle of Third World Peoples.” Ruptures, Schisms, Interventions: Cultural Revolution in the Third World. Maynila: DLSU Press.


- - -
Ito ay binigkas sa ika-22 Gawad Genoveva Edroza Matute noong Disyembre 13, 2013, sa Pamantasang Normal ng Maynila, Daang Taft, Lungsod ng Maynila.