2014/03/21

Dalawang Uri ng Tagapaglikha

Sa isang interbyu (2014)1, hindi naman itinago (at hindi rin naman hayagang ipinagmalaki) na umupa ng murang lakas-paggawa ang visual artist na si Louie Cordero para magkaroon ng aktwal na kulay at hugis ang kanyang mga pingpong table, na siya namang ineksibit sa katatapos lamang na Art Fair Philippines (AFP) 2014 sa The Link, Makati. Kay Louie Cordero ang ideya, at sa mga manggagawa naman ang pisikal na trabaho (lakas-paggawa).

Usap-usapang nabili ang lahat ng pingpong table na itinampok sa AFP, at nasa P 1.5M ang halaga ng bawat isa sa mga ito. Kung ipagpapalagay na ito ang artist's price (ibig sabihin, ang halagang ito ay mas mababa nang 40-50% kumpara sa gallery price), napakalaking halaga nito kumpara sa minimum wage ng karaniwang manggagawa sa Maynila.

E ano naman kung napakalaki ng halagang natatamo ng artist kumpara sa sahod na natatanggap ng inupahang manggagagawa? “Sa akin nagmula ang ideya,” ang karaniwang depensa ng artist, at “pinasahod ko naman sila nang tama,” idaragdag pa niya. Lumalabas na mayroong premium ang ideya at kung gayo'y may lampas itong halaga kaysa pisikal na gawain. Maitataguyod ng artist ang kanyang pangalan at karera, samantalang mananatili sa siklo ng murang pasahod ang manggagawang hindi man lamang napangalanan.

Sa panahon ng lumalang krisis ng monopolyo-kapitalistang ekonomya, ganito ang relasyong umiiral sa pagitan ng prolific artist at ng proletaryado. Hawak ng artist ang ideyang maaari niyang pagkakitaan nang mahal; maaari ding mayroon siyang sapat na kagamitan sa produksyon—brotsa, pintura, lagaring dekuryente, sander, airbrush, compressor, atbp. Kundi man umuupa, mayroon siyang sariling espasyong gawaan. Sa kabilang banda, ang proletaryado ay walang ibang pagmamay-ari kundi ang sariling lakas-paggawa. Maaaring may mahusay na ideya ang proletaryado, pero hindi niya ito mapakikinabangan hangga't nananatiling dominante yaong nagmamay-ari ng pang-ekonomya at pangkulturang kapital.

Hangga't nasa kontrol ng monopolyo kapitalista ang pangkalahatang kalakarang pang-ekonomya, nakapagdidikta ito sa gobyerno ng mga bansang lubog sa utang panlabas, ng mga patakarang papabor sa patuloy na pag-iral nito. Kasama rito ang pagpapaimpis sa sahod ng manggagawa para mapalobo ang kapitalistang tubo.2 Kaugnay rin nito ang labis na espesyalisasyon sa paggawa. Sa pagawaan, nakapaglilikha ng sobra-sobrang bilang ng produkto sa pamamagitan ng assembly line—nakatoka sa iba't ibang grupo ng mga manggagawa ang paggawa sa isang bahagi ng produkto. Para makabuo ng isang piraso ng kamiseta, halimbawa, isang grupo ng manggagawa ang nakatokang manahi ng manggas, iba pang grupo ang naatasan sa pananahi ng laylayan, etiketa, atpang bahagi, hanggang sa makalikha ng isang buong kamiseta. Maliit ang kinikita ng manggagawang ang trabaho lamang ay manahi ng manggas—pero sapat ito para makabalik siya kinabukasan para sa maghapong trabaho. Samantala, di hamak na mas malaki ang kinikita ng kapitalistang nagmamay-ari ng malalaking makina at umuupa ng murang lakas-paggawa.

Sa isang malapyudal-malakolonyal na lipunang tumutugon sa mga pangangailangan ng monopolyo-kapitalistang Estados Unidos, pangkaraniwang umuusbong ang di-patas na relasyon sa pagitan ng arist at manggagawa. Sa kasalukuyang kairalan, ang (burges at petiburges na) artist na siyang maykontrol sa pang-ekonomya at pangkulturang kapital ang siyang nagiging mapagpasiya habang nananatiling mababa ang pang-ekonomyang halaga ng at pagtanaw sa lakas-paggawa. Ibig sabihin, sa proseso ng paglikha ng sining, (halos) hindi na pisikal na lumalahok ang artist at (halos) wala nang aktwal na partisipasyon ang artist sa paglikha ng produkto (artwork), maliban sa pagpaplano at/o konseptwalisasyon ng gawa (pagbuo ng ideya). Buong lakas at panahon naman ang inilalaan ng manggagawa—maghapon o ilang araw man hanggang matapos ang gawa—para lamang makatanggap ng kakarampot na sahod na sapat lamang para makabalik siya at muling makalahok sa proseso ng paggawa, katuwang ang iba pang mga kauri niya.

Nagiging madulas at tila katanggap-tanggap ang katwiran ng artist na “ideya ko ito e” kaya dapat lang na siya ang magpasya. “Ideya ko ito e,” kaya tama lang na siya ang kumubra ng rekognisyon at kumpensasyon, mula mga institusyon at ahensyang nagtataguyod ng sining at kultura, at sa mga kolektor na namumuhunan sa sining at kultura. Nagiging madulas at tila katanggap-tanggap ito dahil ang lipunang Pilipino ay nakapaloob sa pandaigdigang kabulukan ng Imperyalismong Estados Unidos. Sa ganitong kaayusan, kinukuwenta ang lakas-paggawa sa napakamurang halaga at ang turing sa mga manggagawa'y isa lamang sa mga kapital na maaaring paramihin at ireserba, gamitin at idispatsa, para sa kapakinabangan ng uring nagsasamantala. Habang ang artist ay nag-iisip na parang burgis (malay man o hindi), maniniwala siyang nasa katwiran ang kanyang pananaw.

Sa ngayon, ang artist na mayroong makaburgis na tendensya, ay maaaring makatwiran, siyempre, ayon sa uring kanyang pinagsisilbihan; ngunit hindi ito nangangahulugang siya (at ang prosesong pinaiiral niya) ay makatarungan, kung ang proletaryong pananaw ang pagsasanggunian.



Mga Tala

1 “Art Fair Philippines 2014: Featured Artist Louie Cordero.”  (2014). Naakses sa http://www.spot.ph/entertainment/55562/art-fair-philippines-2014-preview-with-louie-cordero noong 23 Marso 2014.

2 “Neoliberalismo, Lumalalang Krisis at Pambansa-Demokratikong Pakikibaka.” (2011). sa pahayagang Ang Manggagawa. Tomo 13, Blg. 2.