2014/08/02

Ang Panitikan ng Karaniwan

(Panayam na binigkas sa Pamantasang Normal ng Pilipinas noong ika-2 ng Agosto 2014.)

Bahay-kubo, talagang munti
Ang halaman doon, iba ang may-ari
Panginoong maylupa, magsasaka'y kinawawa
Sa hatian ng ani, kanya ang mas marami.
Kundol, patola, lahat na lang ay sa kanya
Di naman gumagawa pero nagpapasasa.
Darating ang araw, magsasaka'y magagalit
Landlord na switik, ibabaon sa putik!

Ito ang karaniwang inaawit ng mga paslit sa Lupang Ramos, sa Dasmarinas, Cavite. Kumpara sa orihinal, tapat ang bersyong ito sa tunay na lagay ng mga magsasaka roon. Laman ng awit na ito ang karaniwang karanasan ng mga taga-Lupang Ramos, na hindi iba sa pangkalahatang karanasan ng kalakhan ng mga magsasaka at manggagawang-bukid sa Pilipinas. Silang mga lumilikha ng anumang ihahain sa ating hapag ay araw-araw na humaharap sa banta ng kawalang-lupa at kawalang-kabuhayan.

Sa isang lipunang malapyudal at malakolonyal, nananatiling nasa kontrol ng iilan ang milyun-milyong ektarya ng bukirin. Pangunahing pwersa sa produksyon ang mga magsasakang lumilikha ng hilaw na materyales. Maghapon silang kumakayod, pero hindi nila napakikinabangan ang kanilang pinagpawisan. At sa halip, ang malaking porsyento ng ani ay napupunta sa panginoong maylupa, sa kanya na hindi lumahok sa alinmang bahagi ng produksyon.

Malaki rin ang kapinabangang napapala ng imperyalismong US sa ganitong kaayusan. Pagkat mahigpit na nakakawing sa interes ng mga lokal na maykapangyarihan (mga panginoong maylupa at buruktrata-kapitalista) ang kanilang interes, alam nilang mapakikinabangan nila ang patuloy at pwersahang paglikha ng hilaw na materyales (bigas, niyog, abaka, asukal, atbp.) sa panahong nananatiling pyudal at atrasado ang sistema ng produksyon sa Pilipinas. Sa pamamagitan ng mababang pasahod, huwad na reporma sa lupa, at banta ng pagpapalayas, parang hayop na narerendahan ng mga panginoong maylupa, sa tulong ng kanilang mga kasabwat sa burukrasya, ang mga maralitang magsasaka.

Ito ang sitwasyon ng mga kababayan nating magbubukid na siyang bumubuo sa 70% ng ating populasyon. (Guerrero, 2009) Samakatwid, mayorya ng populasyon ng mga Pilipino ay nananatiling dahop.

Kundi pagsasaka, karamihan sa mga anak ng mga magsasaka'y walang ibang pagpipilian kundi ang pumasok sa pabrika. Ito rin ang lagay ng iba pang mga kabataang Pilipinong hindi nakapagtapos. At ang mga nakapagtapos naman, kung hindi underemployed sa Pilipinas, ay nasa ibang bansa para doon maghanapbuhay. Samantala, patuloy na tumataas ang antas ng kawalang-mapagkakakitaan sa Pilipinas. (PDI, 2014)

Habang ang mga maliliit na petiburges--tulad ng mga estudyante't guro--ay nagtitiis sa mumong serbisyong ibinibigay ng gobyerno. Ipinagmalaki ng administrasyong Aquino ang panukalang mahigit PhP 30B na badyet para sa taong 2013 gayong sa realidad, 79 sa 110 mga kolehiyo at pamantasan ang humarap sa budget cut (Remate, 2014) at sa sistematikong pribatisasyon at komersyalisasyon. Maaaring mahigit PhP 300B nga ang inilaan ng kasalukuyang pamahalaan sa edukasyon, pero hindi naman ito sapat para tugunan ang matinding pangangailangan sa mga dagdag na guro at kawani, mga klasrum at pasilidad, at mga gamit-pampaaralan. Dahil sa lumalalang kalagayang ito, nadaragdagan pa ang bilang ng mga di makapag-aral.

Sagad-sagaran ang paghihirap at pagsasamantalang naranasan ng mga kabataan, manggagawa at magsasaka sa Pilipinas sa loob ng mahabang panahon hanggang sa kasalukuyan. Makailang beses mang magpalit ng pangulo, mananataling dehado ang karaniwang Pilipino hangga't ang natural na yaman ng bansa at maging ang mismong lakas-paggawa ay nasa kontrol ng dayuhang kapitalista at ng mga lokal nilang kasapakat.

Ang mga nabanggit ay siyang pangkalahatang batayan ng pagkakatatag ng kilusang pambansa-demokratiko sa Pilipinas. Mismong mga kondisyong nilikha ng monopolyo-kapitalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo, ang nagtutulak sa mga mamamayan na armasan ang sarili at lumaban. Ang mga pinakabatayang pangangailangan ng tao ang siyang malinaw na naglatag ng pagkakataon sa mga mamamayan para ganap na angkinin at baguhin ang kanilang kapalaran.

Sa ganitong kalagayang panlipunan nailuluwal ang panitikan ng karaniwang tumutugon sa interes ng masa. Ang panitikang ito ay walang iba kundi ang tinutukoy na "bagong pangmasang panitikan" ni Gelacio Guillermo (2006) o ang "proletaryong panitikan" na tinukoy naman ni Salvador Lopez (1940). Tumutukoy ito sa "interpretasyon ng karanasan ng uring anakpawis sa isang lipunang sabayang binabansot at pinauunlad ng mga umiiral na tunggalian." (Lopez, 1940). Layunin nitong ipursige "ang armadong pakikibaka at repormang agraryo sa kanayunan, ang pag-aaklas sa kalunsuran, at ang pambansa-nagkakaisang prenteng naaayon sa batayang alyansa ng mga uring manggagawa at magsasaka..." (Guillermo, 2006). Sa madaling salita, ang panitikan ng karaniwan ay mahalagang bahagi ng bagong tipo ng rebolusyong nagaganap sa kasalukuyan.

Makikilala nang husto ang pantikan ng karaniwan sa tatlo nitong katangian: pangmasa, pambansa, at siyentipiko.

Ang panitikan ng karaniwan ay pangmasa pagkat kumakatawan ito sa mahalagang papel ng masa sa "pagbabagong panlipunan, pang-ekonomya, politikal, at kultural." Ibig sabihin, kinikilala ng panitikang ito ang kakayahan ng karaniwang mamamayan, sa pamamagitan ng kolektibong pagkilos, na baguhin ang kanilang katayuan sa buhay at magtatag ng sistemang panlipunang nakaayon sa kanilang makauring interes. Basahin ang "Sulong, Tata Pido" ng magsasaka-aktibistang si Ka Orly Marcellana (2012):

Subok na matibay at subok na matatag
Sa rehimeng Marcos, siya ay namulat
Dekada ng pakikihamok sa mga taksil at hudas
Kaapihan ng anakpawis sa madla ay nailantad

Sa larangang aktibismo ay pinanday ng panahon
Inspirasyon at huwaran ng bagong henerasyon
Pakikibaka ng uring anakpawis
Umalingawngaw sa lungsod, baybay-dagat, at nayon

Di kayang lutasin ng estado ang suliranin ng bayan
Hibang itong sumusunod sa dikta ng dayuhan
Sa ating mga daing at paghingi ng katarungan
Sagot ng estado ay pasistang terorismo’t karahasan

Tinangka ng kaaway na ikaw ay patahimikin
Siyam na tama ng bala, sa iyo’y pinatikim
Ngunit sila’y bigo na ikaw ay paslangin
Sulong Tata Pido, sa dalisay mong mithiin.

Sa kanyang tula, kinilala ng may-akdang si Ka Orly ang katapangan ng mangingisda at lider-aktibistang si Tata Pido Gonzales. Tinilad sa tula ang pagkamulat at simulain ni Tata Pido bilang aktibista. Maaaring may kahinaan sa matulaing paglalarawan ang may-akda, pero malinaw na kalakasan nito ang piniling paksa. Pinakamabuting bahagi ng tula ang huling saknong: Tinangka ng kaaway na ikaw ay patahimikin/ Siyam na tama ng bala, sa iyo'y pinatakim/ Ngunit sila'y bigo na ikaw ay paslangin/ Sulong Tata Pido, sa dalisay mong mithiin.// Sa bahaging ito, nagpahayag ng makauring paghanga (kontra burges na pagdakila) ang may-akda; at sa proseso, sinubukan niyang itanghal sa mambabasa ang kakayahan ng karaniwang mamamayan na mamuno at maglingkod, at patuloy na lumaban sa kabila ng pagtatangka ng rehimeng Arroyo na i-demoralize ang taumbayan nang siya ay pagbabarilin ng mga militar noong 2004.

May pambansang katangian ang panitikan ng karaniwan sapagkat may kakayahan itong "pag-isahin ang malawak na mamamayan laban sa Imperyalismong US at mga lokal na ahente nito..." (Guillermo, 2006) Ibig sabihin, ang panitikan ng karaniwan ay naglalayong manghamig at makapagmulat ng mga mamamayang kabilang sa pinakamalalaking saray ng lipunan habang ipinaglalaban at iginigiit ang soberanya ng bansa. Basahin ang "Magsasaka at Makata" ni Bart Marcelino (1994):

Ang pagsasaka ay tulad din ng pagkatha ng tula.
Una'y pag-aalaga ng binhing salita na ipupunla.
Ang paghahanda naman ng araro't bukid
Ay parang pag-aayos din ng makinilya't papel,
Kailangang hawan at malinis ang pilapil na pananaludturan.
Hindi ito natatapos sa pagtutundos
Sa mga punlang itinatanim sa linang
O pagtipa ng mga letrang itinititik sa papel.
Higit ang panahong atin itong babantayan at sasagipin
Sa mga salot na damo, daga't kulisap
O sa mga sumisingit na maling gitling, tuldok, at kuwit.
Madalas din dapat nating abatan ang pitas
Upang dagdagan o bawasan itong tubig,
O emosyong kinakailangan.
Matapos ang lahat, hindi pa rin tayo sigurado
Kung ang aanihin ay mabubulas na palay
O magagandang talinghaga.
Kaya't sila namang naghahanap ng kagitna, wika nga,
Ay hindi magsasaka, dili kaya'y makata.
At ang pakonswelo-de-bobo na lang nila:
Lakas-lang-ng-katawan ang puhunan ng magsasaka
At tamis-lang-ng-dila ang kailangan upang maging makata;
Habang sila'y nagbubusog sa kanin
O nagbabasa kaya ng tula.

Magkaiba man ang uring pinagmulan, naipagtagpo ng makatang si Marcelino ang uring magsasaka at uring petiburges (makata) sa kanyang tula sa pamamagitan ng paghahalintulad sa kanilang proseso ng paglikha. Pawis ang puhunan ng magsasaka, laway naman ang sa makata--sa huli, pareho lamang silang hindi nakatatanggap ng akmang pagpapahalaga mula sa mga nakaaangat sa kanila. Sa ganitong paraan, matagumpay na naibaba ng may-akda ang makata mula sa kumportableng posisyon nito tungo sa pagkabulnerable, na siya ring nararanasan ng karaniwang magsasaka sa tuwing anihan na at wala pa siyang kinikita.

Samantala, ang siyentipikong katangian naman ng panitikan ng karaniwan ay "nag-uugat sa pagtutol nito sa metapisikal at ideyalistang pananaw at mga pamahiing inilalako ng burges at pyudal na ideolohista..." (2006) Nangangahulugang tumatalakay ito sa katotohanang nakabatay sa materyalista at diyelektikal na kaligiran ng tao.

Sa aking palagay, ang siyentipikong katangian ng panitikan ng karaniwan ang pangunahing dahilan kung bakit ang manlilikha (makata, nobelista, mandudula, atbp.) ay kinakailangang "lubog sa masa," sa halip na nagkukulong lamang sa kanyang silid o opisina. Ayon kay Salvador Lopez (1940), dalawang bagay ang dapat na maging bahagi ng kagamitang intelektwal ng manunulat: una, ang kanyang oryentasyong politikal, at ikalawa, ang makauring kamalayan. Ibig sabihin, tanging sa pamamagitan ng masinsing pag-aaral at pag-unawa sa materyal na kondisyon at ideolohiyang pinagbatayan ng pambansa-demokratikong kilusan, matalas at makatotohanang na matatalakay ng manunulat ang pagpupursige at pagpupunyagi ng masang anakpawis na makamit ang pambansang demokrasya at marating ang sosyalistang kinabukasan. Dagdag pa, kinikilala ng manunulat ang kanyang uring pinagmulan at sa pamamagitan ng paglahok sa kilusan ay binabaka niya ang mga kahinaan tungo sa ganap na proletaryong pagpapanibagong-hubog. Habang pinaghuhusay pa ang kanyang kaalaman at kasanayan, malay niyang kinakasangkapan ang sining sa pagpupunla at pagpapayabong ng mga akdang naglalayong magpukaw, mag-organisa, at magpakilos.

Ang mulat na manunulat ay nagtutungo, halimbawa, sa kanayunan, o kaya'y nakikisalamuha sa piketlayn, hindi lamang para humango ng mga ideya at karanasan ng karaniwang mamamayang pinagsamantalahan ng sosyo-ekonomik na kairalan, kundi para matuto mula sa kanila. Pipinuhin niya ang mga natipong karanasan ng iba at ilalatag, sa pinakamataas at pinakamakinis na pormang pampanitikan, ang mga ito. At saka ibabalik sa karaniwang tao, na siyang kanyang pangunahing tagatangkilik.

Ang manunulat na malimit maghalaw ng karanasan ng karaniwang tao ngunit walang sinasabing tiyak na politikal na oryentasyon ay walang pinag-iba sa malaking barkong pangisda ng dayuhang kapitalista, dumadating na parang siga, nanlalambat nang walang paalam, at saka iuuwi ang mga nahango para sa sariling kapakinabangan.

Nagsisikap ang manunulat na paunlarin ang kanyang kritikal na kaisipan at politikal na imahinasyon para malikha ang pinakamahusay na akdang may-silbi. Tulad ng mga ginagawang produkto ng manggagawa sa pabrika, ang akda ay dumadaan sa masusing quality control, sa paulit-ulit na pagrerebisa at pagpapakinis, bago itanghal sa masa. Pagkat alam niyang hindi nagkukulang ang masa sa paglikha ng kanyang mga pangangailangan, hindi rin siya dapat magkulang sa paghahain ng dekalidad na gawang kailangan din naman ng masa. Higit sa lahat, nauunawaan niyang ang panitikan ng karaniwan, tulad ng namamayaning sining na dekadente at elitista, ay isang propaganda--sa pinakamataas at pinakamahusay na anyo nito.



Mga sanggunian

Gelacio, Guillermo. 2006. "The New Mass Art and Literature." Kilates: Panunuring Pampanitikan ng Pilipinas. Quezon: UP Press.

Guerrero, Amado. 2009. Maikling Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino. Bagong Edisyon. Maynila: Anakbayan, et al.

Lopez, Salvador. 1940. "Proletarian Literature: A Definition."

Marcelino, Bart. 1994. "Magsasaka at Makata." Bigkis: Mga Piling Akda. June Rodriguez, et al, mga patnugot. Gapas Foundation Inc. at Philippine Peasant Institute: Pilipinas.

Marcellana, Orly. 2012. "Sulong, Tata Pido." Linyang Masa Isyu 2. Andang Juan, patnugot. naakses sa http://linyangmasa.blog.com/2012/10/16/sulong-tata-pido/ noong 02 Agosto 2014.

"PH Has Highest ASEAN Unemployment Rate."01 May 2014. Inquirer.net. naakses sa http://globalnation.inquirer.net/103286/ph-has-highest-asean-unemployment-rate-ilo-report noong 02 Agosto 2014.

"Student Union Condemns PNoy's Exclusivist 2014 Growth." walang petsa. Remate.ph. naakses sa http://www.remate.ph/2013/08/student-union-condemns-pnoys-exclusivist-2014-budget/ noong 02 Agosto 2014.