2014/12/07

Layunin at Limitasyon ng Pakikipag-alyansa sa mga Tanyag na Gitnang-uring Artista

Sumama ang 2009 Ateneo Art Awardee at 2012 CCP Thirteen Artists Awardee na si Leeroy New sa ikasampung taon ng paggunita sa kamartiran ng mga manggagawang-bukid sa Hacienda Luisita. Kung ang pangkalahatang trabaho ni New ang titingnan (partikular ang mga proyektong ginawa niya para sa Nike, Bench, at para kay Imee Marcos), marahil ay hindi aakalain ng sinuman na magkakaroon pala ng interes ang artist na ito sa anumang nangyayari sa mga karaniwang tao sa kanyang paligid, lalo na sa kawalang-katarungang nararanasan ng mga pinakaabang mamamayan sa lipunan. Bilang tugon sa imbitasyon ng curator na si Antares Bartolome, naglaan ng oras at talento si New para sa eksibisyong inorganisa ng Luisita Watch. Bahagi ng kampanya at gawaing propaganda ng Luisita Watch ang eksibisyong ito.

Sa pader mismo ng Gate One ng Central Azucarera de Tarlac, nagdikit si New ng mga mala-retasong braso na yari sa magaang na materyal (maaaring resin o plastic). Tila alusyon ito sa madugong masaker na naganap noong 2004--ng pagpaslang sa pitong manggagawang-bukid na kasama sa kilos-protesta sa Azucarera noong panahong iyon. Sa pamamagitan ng kanyang instalasyon, ipinaalala ni New kung gaano katindi ang pasismo ng Estado.

Malakas humatak ng atensyon at magmarka sa memorya ang bilugang hugis ng mga brasong ginamit ni New (kaiba sa mga two-dimensional na pinta at larawang ipinaskil sa pader). Walang buhay--tulad ng pitong martir ng Hacienda Luisita--pero tila gumagalaw ang mga brasong ito, kumakaway at nagsasabing: "Kami'y muling babangon hangga't hindi nakakamit ang katarungan!"

(Ilang oras pa lamang ang nakalilipas mula nang maikabit ang mga likhang-sining sa Gate One ng Azucarera nang baklasin ang mga ito, marahil, ng mga gwardya. Samantala, bali-balitang hindi na nakihalubilo pa sa mga magsasaka at umuwi na rin agad ang artist na si New.)

Pagkatapos umeksena sa Hacienda Luisita, masasabi na ba nating may tunay na pakialam at sinserong simpatya ang tanyag na gitnang-uring artist na si New sa lumalalang lagay ng mga magbubukid at manggagawang-bukid sa Pilipinas? Kung ang partikular na likhang-sining na inilarawan sa itaas lamang ang pagbabatayan, masasabi na ba nating tunay na nakikiisa si New sa ating pambansa-demokratikong hangarin? O baka naman tulad ng inaasahan sa sinumang mula sa gitnang-uri, parang pendyulum si New na kumikilos pakanan at pakaliwa batay sa anumang kapakinabangang maaari niyang makuha mula sa parehong panig?

Ipagpalagay nating tunay na dalisay ang intensyon at malasakit sa mga magsasaka at manggagawang-bukid ng artist na nasa estado ni New. Paano kaya niya nakikitang maaari siyang makinabang sa paggawa ng sining na politikal? Anong kapakinabangan kaya ang maaari niyang matamo mula sa pakikipag-alyansa sa at paggawa ng sining para sa kampanya at propaganda ng mga masang organisasyon? At para sa akin, interesante ring pag-usapan kung paano kaya siya naapektuhan ng katotohanang nakikinabang rin siya sa mismong kalagayang panlipunang nais baguhin ng mga magsasaka at manggagawang-bukid na kanyang sinusuportahan?

Anu-ano ang mga kagyat at pangmatagalang kapakinabangan ng mga organisasyong masa sa pakikipag-alyansa sa mga petiburgis na artist? Masasabi ba nating makatutulong nang malaki sa pagpapatambol at pagsusulong ng mga batayang panawagan ng mga mamamayan ang pana-panahong paglahok ng mga kilalang petiburgis na artist sa kampanya at gawaing-propaganda? At ano ang limitasyon o hangganan ng pakikipag-alyansa ng mga masang organisasyon sa mga sikat na artist mula sa hanay ng petiburgesya?

Mahalagang usapin ang matagal nang ipinaglalabang karapatan sa lupa ng mga manggagawang-bukid sa Hacienda Luisita, lalo't mismong ang Pangulo at ang kanyang pamilya ay sangkot dito. Gayunman, ang usaping ito ay hindi madalas na nabibigyang-puwang sa mga pahina at programa ng mainstream media. Kung ang layunin ay makuha ang atensyon ng mainstream media at magkaroon ng mas malawak na media coverage, nagbunga kaya ang pakikipag-alyansa ng Luisita Watch sa mga bantog na artist na petiburgis, partikular kay Leeroy New?

Samantala, kung ang layunin ay mapalakas at mapalawak pa nang husto ang nagkakaisang prente ng pambansa-demokratikong kilusan, paano makakatulong sa pagsasakatuparan ng layuning ito ang pakikipag-alyansa ng mga organisasyong masa sa isang gitnang-uring superstar na tulad ni Leeroy New?

Marami akong tanong pero sa ngayon, ito ang malinaw sa akin: nakahanda ang mga organisasyong masa na makipagkaisa at/o makipagkolaborasyon sa sinuman, maging sa mga kagaya ni Leeroy New, para sa katuparan ng kanilang panandalian at pangmatagalang layuning pampolitika, hangga't ang inaalyado ay maituturing na hindi kaaway sa uri. Pero sa panahong tinatahak ng pambansa-demokratikong kilusan ang landas patungong estratehikong pagkakapatas, nakahanda rin kaya itong hamunin, sa halip na amuin, ang mga gitnang-uring artist na matagal nang magkasabay na binebeybi at pinagsasamantalahan ng mga naghaharing-uri? Handa ba tayong hamunin ang mga gitnang-uring artist na maglaan ng mas malalim na komitment sa mga masang organisasyon at sa kilusang masa sa pangkalahatan? Kailan at paano ba natin masasabing hinog na ang inaalyado para anyayahang pumailalim sa pambansang nagkakaisang prente?

Sa isang porum hinggil sa mahalagang papel ng art at artist sa komunidad at sa kilusan, ito ang sinabi ng lider-magsasakang si Ka Nestor Villanueva: "Kung saan malakas ang hangin, makikita mong doon nakapaling ang mga puno at talahib. Darating ang panahong hindi na kailangang pumili pa ng artist pagkat kusa na siyang papanig sa direksyon ng malakas na hangin."