2015/01/05

Kung Hindi Pagtataksil, Pagpapatiwakal

It was thereby entirely correct when Aragon [...] declared "The revolutionary intellectual appears first and foremost as the betrayer of his class of origin." This betrayal consists, in the case of the writer, in conduct which turns him, from a supplier of the productive apparatus, into an engineer who sees it as his task to adapt this apparatus to the purposes of the proletarian revolution... 

The principal task--namely, to transform the people as an object (in itself) to a subject (for itself)--also presupposes and entails converting the deracinated native intellectuals into revolutionary cadres serving the people. [...] It is the task the national democratic cultural revolution in the Philippines is pursuing when petit bourgeois writers and artists commit 'class suicide' [...] and integrate with the masses in militant practice. 


Pagkat sagana kang nakapag-ani ng mga sosyo-kultural na kapital mula sa apat o higit pang taon ng pagsasanay sa pamantasan, kahitpaano'y mayroon kang pagpipilian. Maaari kang mamuhay nang walang bigat sa konsiyensya, mamuhay nang lampas sa itinakda ng uring pinagmulan, at mamuhay nang kumportable na para bang walang nakaambang panganib dulot ng dumadausdos na krisis-pang-ekonomya. O maaari mo ring ilaan ang bahagi o kabuuan ng iyong panahon sa pagmumulat at pag-oorganisa ng mga kabataan sa loob at labas ng paaralan, ng mga maralitang tagalungsod, mga magsasaka, at manggagawa.

Ganitong mga opsyon din ang maaaring pagnilay-nilayan ng artist. Sa lipunang malapyudal/malakolonyal, ang paglikha ng sining ay maituturing na gawaing (halos) eksklusibo para sa mga relatibo at obhetibong maykaya--ng mga nasa mababa, panggitna, at mataas na panggitnang-uri. At madalas, ang artist na nakalalamang sa pinansyal, sosyal, at kultural na kapital, at/o ang artist na lumilikha ng sining na (tuwiran at di-tuwirang) dumadakila o kumikilala o kumukunsinti sa buhay at kulturang maka-Imperyalista, maka-Panginoong-maylupa, at maka-Burukrata-kapitalista, ay siyang itinatanghal na tagumpay batay sa pamantayang hinulma at itinaguyod ng kasalukang maykapangyarihan.

Sa ayaw niya at sa gusto, mismong katayuang pang-ekonomya/panlipunan niya ang maghihikayat sa artist na pumili ng politikang papanigan. Ang artist na gipit ay maaaring kumapit roon sa kasalukuyang may-kontrol sa ekonomya at sa Estado, para matiyak ang maginhawang buhay para sa sarili at pamilya. Samantala, ang artist na higit na nakararamdam ng kagipitan ay walang ibang pagpipilian kundi ang kumatig sa alternatiba--roon sa nangangako ng tunay na pagbabagong panlipunan, roon sa naghahangad ng pagbabagong lampas sa limitadong pantasyang nilikha ng kasalukuyang kairalan, roon sa nagtataguyod ng masaklaw na programang mayroong pangmatagalang sosyalistang pananaw. At hindi ito magiging madali para sa artist pagkat ang kanyang uring pinagmulan, ang kasalukuyang kaayusan, at maging ang organisasyong naghahain ng alternatiba, ay batbat ng kontradiksyon. 

Ang artist na mula sa panggitnang-uri (mababa, panggitna, mataas), sa aking palagay, ay maaaring sabay na makinabang sa uring pipiliing paglingkuran at sa uring tatalikdan. Mangyayari ito hanggat hindi siya ganap na nakapipili at hanggat nakaiiwas siya sa sariling puna at puna ng iba. Hanggat hindi siya nakapamumuhay nang simple, nang naaayon sa pamantayang proletaryo, magmumukha siyang namamangka sa dalawang ilog, nakikinabang nang sabay sa anumang oportunidad na makukuha mula sa reaksyunaryong estado at sa pambansa-demokratikong gobyernong nagbabantang maging kapalit nito. Makikinabang siya nang sabay mula sa dalawang panig hanggat hindi siya handang pagtaksilan ang burgis na uring pinagmulan. At kapag mas malakas na ang paypay ng hanging nagmumula sa pambansa-demokratikong kilusan, mapipilitan siyang magpatiwakal--ilibing ang mga burgis na gawi at hilig, kasama ang inuuod na sistema.

Hindi maiiwasang kaakibat ng pagtataksil at pagpapatiwakal ang  mga tanong, duda at puna na maaaring matanggap ng artist mula sa parehong panig. Sa bahagi ko bilang karaniwang aktibistang naglalayong maging "pinasiglang tagatunghay" ("activated spectator"), maraming tanong hinggil sa kapakinabangan ng artist sa (pana-panahon at taktikal na) pagpanig niya sa Kaliwa: "Paano kaya niya nakikitang maaari siyang makinabang sa paggawa ng sining na politikal? Anong kapakinabangan kaya ang maaari niyang matamo mula sa pakikipag-alyansa sa at paggawa ng sining para sa kampanya at propaganda ng mga masang organisasyon? [...] paano kaya siya naapektuhan ng katotohanang nakikinabang rin siya sa mismong kalagayang panlipunang nais baguhin ng [masang] kanyang sinusuportahan?"

Habang ang sining ay nananatiling tila tanghalan ng tunggalian sa produksyonparausan ng mga mayayaman at legal na lagakan ng kinurakot na yamang pinatubo mula sa sistematikong eksploytasyon (at ngayong tila itong pagsusulat na lamang ang nagsasabing hindi pa ako tuluyang nakabaon sa hukbo ng nakareserbang murang lakas-paggawa), pakiramdam ko'y may mas mahahalagang bagay akong dapat itanong sa artist: Ano ang kaya mong ibigay para sa aming kumakayod nang higit sampung oras at kumikita nang barya para magkaroon ka ng panahong lumikha ng sining na daan-daang libo ang halaga? Ano ang pakinabang ng pambansa-demokratikong kilusan sa iyo? Ano/Anu-ano ang kaya mong iambag para sa ikauusad ng bagong tipo ng rebolusyon? At gaano ka kahandang iwan ang maginhawang buhay para sa sarili, kapalit ng mas maginhawang buhay para sa marami?