2015/07/20

Anim na Buwang Walang Facebook

Nitong nakaraang buwan, nagpasya akong ilibing nang buhay aking Facebook account.

Taong 2009 noong makilala ko ang Facebook. Noong una, napipilitan lang akong umugnay sa rito, sa tulak ng mga kaibigan. Halos lahat kasi ng mga ka-batch ko sa kolehiyo ay may Facebook. Gayon din ang mga estudyante ko (nagturo ako noon sa isa sa mga kilalang pamantasan sa Cavite).

Kahit nakagawa na ng account, napakadalang kong makipagtagpo sa Facebook noon. Bukod kasi sa wala kaming internet sa bahay, e limitado ang akses sa Facebook sa eskwelahan.

Unti-unti, nakilala ko ang potensyal na mayroon ang tanyag na social media platform na ito. Natutuhan kong mahalin ito dahil sa mga kapakinabangan nitong taglay. Tila mahabang lagusan ito ng impormasyong maaari kong magamit sa pag-aaral at pagsasaliksik (lalo na noong nag-aaral pa ako ng master sa Filipino). Dagdag pa, napakahusay na platform ng Facebook sa pagpopropaganda. Isang click lang at maaaring matunghayan ng maraming tao (ng mga kaibigan mo, at mga kaibigan ng kaibigan mo) ang anumang iyong ipaskil sa Facebook. Ang panawagang "Oust Gloria!" halimbawa, ay maaaring lumikha ng kilapsaw sa sangka-Facebook-an. Kahit sa pagpapakilala ng sarili kong trabaho e nagamit ko ang Facebook.

Nitong 2012 lang kami nakapagpakabit ng linya ng telepono at internet sa bahay. Sa unang pagkakataon, araw-araw kong nakatipan ang Facebook.

Kagaya ng iba, parang ang saya ko kapag maraming nagla-like sa mga paskil ko. Halos linggo-linggo kung magpalit ako ng profile picture. Nakakalaki ng ulo ang makatanggap ng maraming "likes."

Dumaan ang mga linggo at mga buwan, higit kong nakilala ang Facebook at unti-unti akong na-turn off dito. Hindi na ako masaya--umabot sa puntong napipilitan na lang akong mag-Facebook. Kinukumbinsi ko ang sarili kong mahalaga ito, na makakatulong ito, na kailangan ko ang Facebook. Pero sa loob-loob ko, hindi ko na maatim na makita pa ang walang katapusang paglitaw ng mga paskil sa Facebook.

Napansin kong umiinit ang ulo ko kapag nakakakita ako ng masasayang larawan ng mga kakilala't kaibigan sa Facebook. (May problema ba sa ugali ko kung ganitong hindi ako masaya na nakikitang masaya ang iba? Malamang. Pero hayaan mo lang akong maging tapat.) Nauutas ang pasensya ko lalo na kapag dumadagsa na parang daluyong ang larawan ng mga gala at salu-salo sa Facebook, lalo na sa panahon ng krisis at kalamidad. Hindi ko maatim na tila masaya ang iba habang miserable ang karamihan.

Sa ganoong mga panahon nagsimula akong mag-unfriend at mag-block ng mga "kaibigan" sa Facebook, habang pinananatili ang aking munting tinig sa malawak na mundong ito. At oo, kinukumbinsi ko pa rin ang sarili kong mahalaga ang Facebook sa gawaing pinili ko kaya hindi ko ito mabitiw-bitiwan.

Hanggang sa nitong Disyembre ng nakaraang taon, nailathala sa Manila Today ang aking inquiry sa gawaing-alyansa sa pagitan ng mga organisasyong masa at ng mga tanyag na artist sa Maynila. Inasahan kong magiging bukas ang mga tao, lalo na ang mga kasama sa diskursong sinimulan ko sa pamamagitan ng sanaysay na iyon. Ang hindi ko inasahan ay ang tangkang ipatanggal ng mismong mga kasama (mga kilalang tao) ang artikulo mula sa pagkakalathala nito.

Araw-araw, tuwing umaga, almusal ko ang matatalim na insulto mula sa mismong mga kasamang lantad na nagpapakilalang ND (national democrat)--na para bang ako ay kaaway. Tila nagkakaisa ang kanilang mga tinig. Sinang-ayunan nila ang isa't isa. Tila ang pagtatanong ay kasalanan sa organisasyon at ang pagla-login sa Facebook ay parusa. Unti-unti, lumiit nang lumiit ang munti kong tinig sa Facebook hanggang sa tuluyan itong mawala.

Hanggang sa nitong huli, matapos ang ilang buwang pananahimik, nagdesisyon akong kitlin ang anumang personang nalikha ko sa Facebook. Mas mapurol pa sa kalawanging kutsilyo ang anumang pasensyang nararamdaman ko para sa Facebook. Matagal na akong nagtitimpi. Ayokong ikulong ang sarili ko sa konsenswal na pantasyang nilikha ng mayorya sa Facebook.