2016/04/04

Valerie: Ang Gipit na Artist, Kanino Kakapit?

Karaniwang araw sa buhay ng mga karaniwan ang eksenang ito sa pinta ni Lotsu Manes. Ipagpalagay nating magkapangalan ang pintang ito at ang babaeng pinapaksa nito. Tila may pupuntahan, palabas si Valerie sa kanyang tahanan. Bagamat hindi natin nakikita ang kanyang mukha, dama natin ang bigat ng mga bayaring nakapako sa kanyang likod. At kahit nakaamba ang tatlong higanteng ipuipo sa labas, mukhang tutuloy pa rin si Valerie sa kanyang lakad.

Samantala, bukod sa mga nabanggit na, mas makikilala pa natin si Valerie sa pamamagitan ng mga bagay na nasa kanyang likuran--lumang bola, mumurahing martilyo, mga gamit na pintura, at isang blangkong kambas na nakasandal sa pader. Kay Valerie ba ang mga ito? Siguro. O baka sa kanyang asawa?

Valerie, OC, 6 ft x 6 ft, 2012, Lotsu Manes
(Mula rito ang larawan.)

Sino ba si Valerie? 

Sabi ni Lotsu Manes, ang pintang ito ay “...a survival story of a struggling artist.” Kung paniniwalaan ang sinasabi ni Manes, maaaring awtobiyograpikal ang trabahong ito. Si Valerie (tao) at ang Valerie (pinta) ay kumakatawan sa kasalukuyang krisis na karaniwan nang nararanasan ng mga artist na sa tantya ko ay nasa gitnang-panggitna o mababang panggitna, sa ayaw niya at sa gusto, aminin man niya o hindi. Ang mga gitnang-panggitna at mababang-panggitnang artist ay yung mga bagamat dumaranas ng matinding hirap at krisis-pinansyal at gumagampan ng mga gawaing normal na ginagampanan ng mga uring manggagawa, ay masasabing nasa uring peti-burges pa rin dahil sa mga intelektwal na kakayahang karaniwang taglay ng mga peti-burges--ang pagpipinta, halimbawa.

Gaya ng nasabi na kanina, maaaring awtobiyograpikal ang trabaho ni Manes--sa pintang "Valerie," hindi siya nahiyang ilantad ang kanyang kalagayan. (Bagamat dapat isaalang-alang na ang kanyang karanasan ay hindi eksklusibo lamang sa kanya.) Kaiba sa popular na paniniwala o impresyon ng publiko, hindi laging masagana o marangya ang buhay-artist. Maraming mga artist din ang namumuhay nang salat. At sa maraming pagkakataon, napipilitan ang artist na mamasukan, kundi man tumanggap ng trabahong mayroong direkta o di-direktang kinalaman sa artistic background niya. Matututo siyang magbenta ng kung anu-anong gamit para matustusan at maipagpatuloy ang kanyang karera. Sisikapin niyang panindigan ang kanyang trabaho, panghawakan ang pride at huwag tuluyang isuko ang prinsipyo. Itataga niya sa bato, "Hindi ako magpapaka-sell out. Hindi ako magpapadikta sa kumpas ng market." Kahit sa maraming pagkakataon ay hindi nakabubuhay ang pride at prinsipyong ito. Hindi ito nakakabili ng pagkain at gamit-pambahay. Hindi ito nakababayad ng bill sa tubig at kuryente. At lalong hindi nito maipapadala ang kanyang anak sa pinakamahusay na paaralan. Sa mga oras na siya ay gipit, mapipilitan siyang ipa-"outright" ang kanyang trabaho sa isang gallery na alam naman niyang dudugasin lang siya. Ang kanyang kahinaan ay magiging dahilan ito ng paulit-ulit na pagtatalo sa pamilya. Darating din ang panahong kukuwestyunin niya ang kanyang sarili--ano bang mas mahalaga, ang makapag-practice ako o ang mapakain ko ang pamilya ko? Hindi naman nakakain ang pintura, anong ihahapag ko sa aking pamilya? Hanggang kailan ko maipagpapatuloy itong pinili kong karera?

Ang karanasan ng mga artist ay hindi malayo sa pang-araw-araw na kinakaharap ng mga ordinaryong manggagawa, lalo na yung mala-prolet na wala sa sistemang sahuran, yung kumikita lamang nang sapat, o madalas, kapos. Kung ano ang pinoproblema ng ordinaryong manggagawa ay pinoproblema rin niya. Gayonman, sa maraming pagkakataon, nahahati siya sa pagitan ng kanyang uring pinagmulan at ng uring kanyang kahahantungan kapag tuluyan na siyang pinaluhod ng krisis at bumitaw sa kanyang practice. Ito, para sa akin, ang isinasalaysay ng trabaho ni Lotsu Manes. Sa pintang "Valerie," malinaw na ipinababatid ni Manes ang kalagayan ng karaniwang artist nang hindi ito niro-romanticize.